• July 18, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 15th, 2022

MMDA, pinayuhan ang mga supporters na iwasan ang magkalat sa panahon ng campaign rallies

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TINAWAGAN ng pansin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga supporters ng 2022 election candidates na iwasan ang pagkakalat kapag sumama sa campaign rallies.

 

 

“Ini-encourage natin ‘yung mga supporters ng atin pong mga kandidato na iwasan po yung pagkakalat,” ayon kay MMDA officer-in-charge General Manager Romando Artes.

 

 

Sinabi ni Artes na ang mga personnel o tauhan mula Metro Parkways Clearing Group (MPCG) at Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) ng MMDA ay bumubuntot sa mga basurang naiiwan sa panahon ng nasabing aktibidad.

 

 

Nauna rito, pinaalalahanan naman ni Environment Secretary Roy Cimatu ang mga kandidato na maging environmentally conscious sa pagsisimula ng campaign period  noong Pebrero 8.

 

 

Partikular na pinaalalahanan ni Cimatu ang mga kandidato na maayos na paghiwalay-hiwalayin ang kanilang mga campaign materials at itapon ng maayos.

 

 

Ang DENR at mga concerned government agencies ay lumagda sa isang joint memorandum circular na naglalayong hikayatin ang mga political parties, party-list groups, at individual candidates na magpatupad ng Solid Waste Management Act of 2000 para sa “Basura-Free Elections.”

 

 

Sa panahon ng kampanya noong 2019 elections, nakakolekta ang MMDA ng 29 truckloads o 200.37 tonelada ng discarded election-related materials mula Marso 1 hanggang Mayo 16.  (Daris Jose)

Tumalon sa dagat, leader ng “Legaspi Drug Group” nalunod sa Navotas

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

DEDBOL ang isa umanong leader ng “Legaspi Drug Group” matapos malunod nang tumalon sa dagat para makaiwas sa pag-aresto ng mga pulis na nagsilbi ng warrant of arrest laban sa kanya sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

 

 

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang nasawing akusado na si Rodolfo Legaspi alyas “Ato”, 40 ng B. Cruz St., Brgy., Tangos North.

 

 

Ayon kay Col. Ollaging, unang isinilbi ng pinagsamang mga operatiba ng Navotas Police Intelligence Section at Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr, ang warrant of arrest kontra sa akusado.

 

 

Gayunpaman, nang lapitan ng mga operatiba ang suspek ay naglabas ito ng baril at dalawang beses na pinaputukan ang mga pulis.

 

 

Napilitan gumanti ng putok ang mga operatiba na naging dahilan upang tumalon sa dagat ang suspek para makaiwas sa pag-aresto kung saan hinanap siya ng mga operatiba hangggang alas-10 ng umaga subalit, hindi ito natagpuan.

 

 

Dakong alas-2:30 ng hapon nang matagpuan ng isang mangingisda na si Charlie Pausa, 19, ang wala ng buhay na katawan ng akusado na nakalutang sa dagat na sakop ng Tanza Pabahay, Brgy. Tanza 2.

 

 

Ani pulisya, narekober mula sa bangkay nito ang isang cal. Beretta 9mm at transparent plastic sachet na naglalaman ng hindi pa mabatid na dami at halaga ng hinihinalang shabu. (Richard Mesa)

Ukraine wala pang balak na isara ang kanilang airspace

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

WALANG  plano ang Ukraine na isara ang kanilang airspace kahit na may nagaganap na tensiyon sa pagitan nila ng Russia.

 

 

Ayon kay Mykhailo Podolyak, ang adviser ng chief of staff ng pangulo ng Ukraine, na hindi pa mahalaga ngayon ang nasabing hakbang.

 

 

Ipapaubaya rin ng gobyerno ng Ukraine sa mga airline companies kung pipiliin nilang mag-divert ng kanilang flights.

 

 

Magugunitang pinayuhan ng US ang kanilang mamamayan na lisanin na ang Ukraine dahil sa banta umano ng Russia na paglusob.

 

 

Mariing itinanggi ng Russia na sila ay lulusob sa Ukraine matapos na maglagay sila ng mahigit 100,000 na sundalo sa border nila ng Ukraine.

Maraming mga Filipino adults mas pipiliin pa ang kalusugan kaysa pag-ibig – SWS survey

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

MARAMING mga adult Filipino ang mas pipiliin pa ang kalusugan kaysa sa pag-ibig o pera.

 

 

Ito ang naging resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Station kung saan 57 percent sa mga dito ang pumili ng kalusugan, 31 percent ang pumili ng pag-ibig habang 11 percent lamang ang namili ng pera.

 

 

Kumpara noong bago ang pandemya noong 2019 na mayroong 70 percent ang pumili ng kalusugan habang 23 percent ang namili ng pag-ibig at 7 percent lamang ang pera.

 

 

Isinagawa ang face-to-face interview noong Disyembre 12-16 2021 na mayroong 1,440 adults edad 18 anyos pataas.

 

 

Mayroong tig 360 na respondents sa Luzon, Visayas, Mindanao at Metro Manila.

Gobyerno, target ang buwanan na Bayanihan, Bakunahan drives —NVOC

Posted on: February 15th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TARGET ng pamahalaan na magsagawa ng buwanan na “Bayanihan, Bakunahan” drives sa ilang lugar upang itaas ang vaccination rate sa bansa.

 

 

Sa Laging Handa public briefing, kinumpirma ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Myrna Cabotaje na pinag-aaralan na ng pamahalaan ang bagay na ito.

 

 

“Oo, iniisip natin ‘yung iba-ibang strategy. Baka kahit gawin natin buwan-buwan na specific areas siguro o kaya specific target. Nakita natin na medyo kailangan natin taasan ‘yung atin pang senior citizens,” aniya pa rin.

 

 

Ani Cabotaje, tinatayang may 2.5 milyon na senior citizens ang nananatiling hindi bakunado.

 

 

Ang data naman mula sa National COVID-19 vaccination dashboard ay nagpapakita na may 5 milyong seniors ang nakatanggap na ng kanilang first dose habang 6.2 milyon naman ang fully vaccinated laban sa sakit.

 

 

Tinatayang may 1.5 milyong seniors ang nakatanggap naman ng booster shots.

 

 

Samantala, sinabi ni Cabotaje na mahigit sa 1.5 milyong indibidwal ang binakunahan sa panahon ng third wave ng “Bayanihan, Bakunahan” program.

 

 

Aniya pa, kailangan munang itaas vaccination rate sa mga senior citizens bago pa ide-escalate ang alert level sa National Capital Region.

 

 

NCR ang inilagay sa ilalim ng Alert Level 2 mula Pebrero 1 hanggang 15.

 

 

“Marami sa ating mga areas sa NCR medyo mababa ang coverage, ‘yung A2, ‘yung ating senior citizens. While 99% ang fully vaccinated, kapag tinignan mo sa lahat ng priority groups, kailangan pa nating i-push ‘yung A2,” aniya pa rin.

 

 

Sinabi ni Cabotaje na   100% ng eligible population sa NCR ay naktanggap ng first dose habang 99% naman ang fully vaccinated.

 

 

“Ang kailangan pataasin pa sa NCR is ‘yung ating booster doses,” anito.

 

 

Aniya, “61.4 million individuals have been fully vaccinated nationwide while around 9 million have received booster shots.” (Daris Jose)