• July 18, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for August 27th, 2022

Suplay ng beep cards, kakapusin

Posted on: August 27th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INAASAHANG magno-normalize muli ang suplay ng mga beep cards o  stored-value cards (SVCs) sa unang bahagi ng 2023.

 

 

Ito ang inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Rails Cesar Chavez kahapon kasunod nang nakaambang kakulangan ng beep cards.

 

 

Ipinaliwanag ni Chavez na ang problema ay dulot ng shortage ng suplay ng global chip na nag-ugat sa COVID-19 lockdown sa China at kaguluhan sa Ukraine.

 

 

Sa pahayag ng DOTr kamakailan, sinabi nitong nabigo ang Beep card provider na AF Payments Inc. (AFPI) na magdeliber ng kinakaila­ngan nilang 75,000 SVCs.

 

 

Sa gitna ito nang inaasahang pagtaas ng demand ng beep cards bunsod nang inaasahang pagdami ng mga pasahero ng MRT-3 ngayong unti-unti nang ibinabalik ang face-to-face classes sa bansa.

 

 

Tiniyak naman ng DOTr na may mga inilatag na rin silang mga pamamaraan upang tugunan ang problema at maabot ang demand ng commuters para sa contactless cards.

 

 

Nakiusap din si Chavez sa publiko na i-share ang kanilang beep cards sa iba upang mabawasan ang epekto ng naturang kakulangan. May mga tao anya na dalawa o tatlo ang Beep cards. (Daris Jose)

Ads August 27, 2022

Posted on: August 27th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Fernando, ipinag-utos ang pansamantalang pagsuspindi ng pagmimina

Posted on: August 27th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Upang matugunan ang patuloy na isyu sa mga sira-sirang kalsada at labis na pagmimina sa lalawigan, naglabas si Gobernador Daniel R. Fernando ng Executive Order No. 21 na nagmamandato ng pansamantalang pagsuspindi ng lahat ng permit sa pagmimina, quarrying, dredging, desilting at iba pang uri ng mineral extractive operations sa Bulacan.

 

 

Sa ginanap na talakayan kasama ang mga mining stakeholder at iba pang apektadong sektor sa pangunguna ng Bulacan Environmental and Natural Resources Office (BENRO) sa The Red Arc Events Place sa Brgy. Wawa, Balagtas, Bulacan noong Miyerkules, ipinaliwanag ni Fernando na ibinaba niya ang Executive Order bunga ng patuloy na pagkasira ng mga kalsada dulot ng overloading ng mga sasakyang pangtrasportasyon maging ang sakay man nito ay land minerals o iba pang mga kalakal.

 

 

Dumalo rin sa talakayan ang mga kinatawan mula sa mga kinauukulang ahensiya para sa karagdagang pagpaplano, mahigpit na pagpapatupad at pagsuporta sa Executive Order kasama na ang Bulacan Police Provincial Office sa pangunguna ni PCol. Charlie A. Cabradilla; Department of Public Works and Highways represented by Engr. Henry C. Alcantara, Bulacan 1st District Engineer; Provincial Mining Regulatory Board na kinatawan ni Inh. Reynaldo Cruz mula sa Mines and Geosciences Bureau-Region 3 at Land Transportation Office na kinatawan ni Carina Macapagal, hepe ng LTO Malolos District Office.

 

 

Aniya, dapat na kagyat na kumilos ang Department of Public Works and Highways, Land Transportation Office, Philippine National Police at Highway Patrol Group at tumulong na matugunan ang matagal nang problema sa overloading at sira-sirang mga kalsada.

 

 

“Nasisira na po ang mga kalsada natin, ang mga bridges. I want your cooperation in this matter. I need your help, nakikiusap po ako sa inyo. Ang kamay ko ay inaabot ko sa inyo alang-alang sa ating bayan. Sayang ang pera ng gobyerno sa taun-taong pagpapagawa kung paulit-ulit lang rin na masisira ang mga kalsada natin lalo na kung ang ilan sa ating kapwa na nasa mining sector ay hindi sumusunod sa itinalagang policy,” anang gobernador.

 

 

Ipinaliwanag din ni Fernando na ang pagpapatupad ng Executive Order ay magbibigay daan sa nakabinbing ebalwasyon ng Pamahalaang Panlalawigan upang matukoy at makabuo ng updated na matrix at mga polisiya para sa mga mining stakeholder at trucking companies.

 

 

Aniya, layon ng pagsisikap na ito na suportahan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. habang iginigiya niya ang bansa tungo sa higit na progreso at pag-unlad.

 

 

Samantala, nilinaw naman ni Abgd. Julius Victor Degala, pinuno ng BENRO, na kasalukuyang ipinapatupad ng lalawigan ang “no excessive volume policy” na nakapaloob sa Provincial Ordinance C-005 o ang Environmental Code of the Province of Bulacan na nagtatakda ng limitasyon sa volume ng bawat trak.

 

 

Sa mandato ng gobernador, magpapatupad rin si Degala ng mahigpit na pagbabantay sa mga checkpoint at magtatakda ng isang tiyak na paraan ng beripikasyon alinsunod sa patakaran.

 

 

“Isa po sa nakikita kong problema ay ang mga checkpoint. Sa mga nagsasabi diyan na kayo ay untouchable sa checkpoint, gagalawin ko kayo ngayon. Tapos na po ang sistemang bulok. The governor has given me orders and I will obey him. Sa lahat po ng mga nasa checkpoint na ito, ililipat ko po sila at papalitan ko po ang mga tao,”ani Degala.

 

 

Kaugnay nito, mahigpit ding idiniin ni Fernando ang kagustuhan niyang wakasan ang mga iligal at labis na pagmimina sa lalawigan.

 

 

“Layunin po ng mandatong ito na tuldukan na ang mga kaso ng iligal o labis na pagmimina ng lupa at pagpuputol ng mga puno sa ating lalawigan. Kailangan po nating kontrolin at mahigpit na bantayan ang pagmimina at mga kaugnay na gawain gaya ng dredging, desilting, at land development upang maisalba natin ang ating kalikasan at kapaligiran,” anang gobernador.

 

 

Samantala, ang EO No. 21 ay magiging epektibo alinsunod sa mga probisyon ng Local Government Code at mapapawalang bisa sa sandaling makamit na ang layunin ng kautusan.

 

 

Ang mga mapapatunayang lumabag sa Executive Order ay magbabayad ng multang P5,000 bawat paglabag; pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na buwan ngunit hindi hihigit sa isang taon at pagbawi sa kanilang mga permit. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)

Naluha si Jessy at si Luis ang tamang nakahula ng gender: VILMA, tuwang-tuwa dahil girl ang first apo na tinatawag na nilang ‘Baby Peanut’

Posted on: August 27th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NALUHA si Jessy Mendiola at naka-ilang “OMG” sa naging gender reveal nila ng mister na si Luis Manzano.

 

 

Baby boy ang hula ni Jessy na magiging first baby nila habang baby girl naman si Luis. Obviously, si Luis ang nagwagi sa kanilang dalawa dahil baby girl nga ang ipinagbubuntis ni Jessy.

 

 

Sinabi naman nilang pareho na looking forward sila kahit anong gender pa ng baby, ang priority nila ay ang masiguradong healthy ito.

 

 

Nagbigay rin ng kanyang message ang “lola” na si Vilma Santos-Recto at makikita talaga ang labis na kaligayahan nito na magkakaroon na ng apo.

 

 

First apo ni Ate Vi ang magiging baby nina Luis at Jessy na ngayon pa lang, tinatawag na nilang Baby Peanut.

 

 

Sure kami na masaya si Ate Vi kahit anong gender ng apo niya, pero siyempre, dahil puro boys ang dalawa niyang anak, ibang kaligayahan na magkakaroon na sila ng baby girl.

 

 

Sabi nga ni Jessy, “Super saya namin. I’m sure si Momsie, super saya niya kasi, girl talaga ang gusto niya.

 

 

“Pero ‘eto, paulit-ulit kong sasabihin ‘to, sa mga mommy rin, sa mga pregnant women, it’s not about the gender. Basta healthy, super thankful kami.

 

 

“And we have a very healthy baby daughter.”

 

 

***

 

 

MAY nanalo na sa Best in Costume para sa Linggo ng Wika.

 

 

Walang-iba kung hindi ang bunsong anak ng Kapuso Primetime King & Queen na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera na si Sixto Dantes!

 

 

Aba, halos lahat ay iisa ang comment sa ipinost na picture nina Dingdong at Marian, “Ang cute!!!” ang mga comment na mababasa sa kanilang Instagram account kunsaan, naka-costume si Sixto na Lapu-Lapu.

 

 

May video pa si Marian na sinasabi ni Sixto, “Ako si Yapu-Yapu.”

 

 

Winner talaga ang DongYan pagdating sa costume. Mapa-costume nilang mag-asawa hanggang sa mga anak, kinakarir nilang talaga.

 

 

At dahil sa costume na ito ni Sixto, may mga naglabasan agad at ipinagtabi ang pictures nina Sixto na naka-Lapu-Lapu at picture naman ni Marian bilang si Amaya noon.

 

 

At ang mga celebrities, talagang aliw na aliw kay Sixto.

 

 

Sabi ni Pops Fernandez, “Cute”

 

 

Napa-“OMG” naman si Bianca Gonzalez at “eeeee super cute!” si Chynna Ortaleza. Sabi naman ni Lotlot de Leon, “Hello Mr. Yapu-Yapu! You’re adorable!”

 

 

At halos parehong mga comments sa iba pang celebrities at netizens kay Sixto na pinaka-cute na Lapu-Lapu yata.

 

 

(ROSE GARCIA)