• July 1, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for September 19th, 2022

NAVOTAS GRADS MAY CASH INCENTIVE

Posted on: September 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAKATANGGAP ng tig-P1,500 na cash incentives mula sa Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang nasa 505 na mga mag-aaral ng Navotas Polytechnic College (NPC) na nagtapos ngayon taon.

 

 

“Sa lalong madaling panahon, karamihan sa inyo ay sasali sa libu-libong bagong graduate na naghahanap ng trabaho. Sana ay makuha nyo ang mga trabahong pinapangarap nyo at umunlad sa inyong napiling karera,” ani Mayor John Rey Tiangco.

 

 

Pinaalalahanan din ni Tiangco ang mga nagsipagtapos na may mga programa ang lungsod kung magpasya silang magtayo ng sariling negosyo o matuto ng technical-vocational skills.

 

 

“Maaaring tumulong sa inyo ang ating NavotaAs Hanapbuhay Center kung kailangan nyo ng puhunan para sa inyong negosyo. Sa kabilang banda, ang ating NAVOTAAS Institute ay nag-aalok ng mga libreng kursong tech-voc upang matulungan kayong bumuo ng mga in-demand na kasanayan sa iba’t ibang industriya,” aniya.

 

 

Samantala, binati naman ni Cong. Toby Tiangco ang mga NPC graduates at pinaalalahanan na tuloy-tuloy na matuto ng iba-ibang kaalaman at kasanayan dahil magbubukas ito ng mas maraming oportunidad sa kanila.

 

 

Nagsimula ang Navotas sa magbigay ng cash incentives para sa mga nagtapos sa pampublikong paaralan ng lungsod mula noong 2019 sa bisa ng City Ordinance 2019-03.

 

 

Bukod sa mga NPC graduates, nakatanggap din ang elementary at senior high school completers ng P500 at P1,000, ayon sa pagkakasunod. (Richard Mesa)

Alex Eala hangad ding makapagbigay ng inspirasyon tulad ng boxing legend na si Pacquiao

Posted on: September 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Todo pasalamat pa rin ang teenage tennis sensation na si Alex Eala sa kanyang mga fans na nagpaabot ng papuri sa kanyang matapos ang makasaysayang panalo sa US Open junior crown.

 

 

Ang panalo ni Eala ay nagluklok sa kanya bilang first Filipina na makasungkit ng grand slam singles championship.

 

 

Aminado ang 17-anyos na tennis star na lumaki siya na iniidolo ang isang Manny Pacquiao.

 

 

Kaya naman gusto rin daw niya matulad sa boxing legend na nakapagbibigay ng inspirasyon sa mga kabataan.

 

 

Sa ngayon target din naman ng US Open juniors champion na makapaglaro rin sa ilalim ng bandila ng Pilipinas 2024 Summer Olympics sa Paris.

Taas-pasahe sa jeep, bus at taxi aprub na ng LTFRB

Posted on: September 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INAPRUBAHAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon sa taas-pasahe sa Traditional Public ­Utility Jeepneys (TPUJs) at ­Modern Public Uti­lity Jeepneys (MPUJs) gayundin sa Public Uti­lity Buses (PUBs), Taxi at Transport Network Vehicle Service (TNVS) .

 

 

Sa pinalabas na desisyon ng LTFRB board, P1 provisional increase ang inaprubahan sa TPUJ at MPUJ sa unang apat na kilometro.

 

 

Dahil dito, ang minimum na pasahe sa TPUJ ay P12, habang ang MPUJ ay P14. May dag­dag na P0.30 sa kada succeeding kilometer para sa TPUJ habang dagdag na P0.40 para sa succeeding kilometer sa MPUJ.

 

 

Ang dagdag-pasahe sa succeeding km para sa TPUJ ay magiging P1.80 mula sa kasalukuyang P1.50, habang ang MPUJ ay P2.20 mula P1.80.

 

 

Sa pampasaherong bus ay naaprubahan ng board ang P2 uniformed base fare increase para sa city at provincial buses para sa unang 5 kilometro at ang succeeding km fare increase na P0.35 ay naging P0.50 depende sa uri ng bus.

 

 

Inaprubahan din ng LTFRB ang flagdown rate ng taxis at TNVS ng P5.00. Dahil dito ang magiging minimum fare sa Taxis at Sedan-type TNVS ay P45, habang ang AUV/SUV-type ay P55. Para sa mga hatchback-type TNVS, ang flagdown rate ay P35. Wala namang taas sa succeeding ­kilometers.

 

 

Patuloy pa ring ipaiiral ang pagkakaloob ng 20% discount para sa senior citizens, PWDs at estudyante.

 

 

Ang taas-pasahe ay epektibo sa Oktubre 1.

 

 

Ayon sa LTFRB, kinailangang aprubahan ang mga petisyon ng mga pampasaherong sasakyan para sa fare increase dulot na rin ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

 

 

Ang ginawang aksyon ng LTFRB ay ikinonsulta din sa National Economic Development Authority (NEDA) at Department of Energy (DOE). (Daris Jose)