INAPRUBAHAN ng House Committee on Higher and Technical Education na pinamumunuan ni Rep. Mark Go (Baguio City) ang pinagsama-samang panukalang batas para sa pagsasama ng history subject sa higher education institutions (HEIs) ang kasaysayan ng ikalawang Pandaigdigang Digmaan.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Pasig City Rep. Roman Romulo, awtor ng House Bill 933 na magkakaroon na rin ng istorya ukol sa naging kagitingan ng mga sundalo at mamamayang Pilipino sa nagdaang WWII.
Ayon sa mambabatas, kakaunti pa lamang ang nilalaman ng history curriculum sa ngayon sa mga naging kaganapan at kagitingan ng mga Pinoy noong panahon ng giyera.
“But when we talk or sit down with our Veterans Affairs Committee, there are many stories there being told by Philippine Veterans Affairs Office Administrator Ernesto Carolina, maraming events during World War II na kung saan ang bida ay Filipino. Karamihan po diyan kahit nangyari dito sa Pilipinas, ang main characters ay mga dayuhan,” ani Romulo.
Inaprubahan din ng komite ang committee report na kinabibilangan ng isa pang panukalang batas na HB 4157 na inihain naman ni Rep. Harris Christopher Ongchuan (Northern Samar).
Samantala, ipinagpaliban muna ng komite ang pagdinig sa HB 1724 para sa mandatoryo o compulsory teaching ng ethics subjects sa Philippine tertiary education.
Ito ay habang hinihintay pa ang pagsusumite ng final evaluation/assessment ng Commission on Higher Education (CHED) ukol sa implementation ng ethics subjects sa higher education.
Sinabi naman ni CHED Chairman Prospero de Vega na mayroong ng 3 unit course sa ethics subject sa general education program.
Gayundin, ipinagpaliban din muna ang deliberasyon ng komite sa HB 4350 na inihain ni Rep. Jonathan Clement Abalos II (Party-list, 4PS) na nagsusulong sa pagsama ng foreign language maliban sa English, bilang elective course sa higher education curriculum. (Ara Romero)