TILA nag-manifest talaga ang naging sagot ni Alden Richards na walang-iba kung hindi si Julia Montes dahil 11 years after, heto nga at magkasama sila sa pelikulang ‘Five BreakUps and a Romance’ na nagkaroon ng red carpet at official trailer world premiere noong Miyerkules ng gabi.
Nang tanungin si Alden sa reaction niya na nagkatotoo ang dating pangarap lang niya na makatambal si Julia, “That year was, 2012… I don’t know, sobrang tagal. I think, it gives the idea of manifesting legitimacy. When you want something to happen, one way or another, the Lord will find its way to happen and I was never wrong.
“Being able to work with this talented lady and the whole cast, this is one for the books and I can say, I think, this is one of my best projects in 2023, if not, so far, as an actor, I think, I would consider na maikukuwento ko sa mga tao once na tumanda ako because it really made an impact in my life.”
Nang si Julia na ang magsalita, naging emosyonal ito agad at sinabing sobrang espesyal daw sa kanya ang buong grupo ng movie nila. Sinundan din ni Alden ang pagiging emosyonal ni Julia. Naiyak din ito habang nagsasalita.
Sabi ni Alden, nang simulan daw kasi nila ang ‘Five BreakUps and a Romance’, may kanya-kanya talaga silang doubt nina Julia at ng director ng pelikula na si Direk Irene Villamayor.
“We all had our own doubts. We all came from different walks of life. We have done different kind of projects in the past. But I think, this film is a blessing to all of us.”
At hindi na nga niya napigilang maluha nang sabihin niya na, “Merong nabuo. Kami pong tatlo nina Direk Irene, we we’re not in a good place in our life. Direk, you’ve done something in our lives that changed us,” sabi niya.
First time pa lang daw niyang nakasama si Julia at si Direk Irene naman, ikalawang beses, pero dahil sa pagsasama nilang ito sa movie, buong ningning na sinabi ni Alden na, “Sasalo ko ng bala para sa dalawang ‘to.”
Nang tanungin naman si Alden kung ano ang pinagdaanan niya noon bago gawin ang pelikula, sinabi naman niya na ayaw na raw niya itong i-detalye pa.
“I don’t want to go into details because it’s very personal. I think, all I can say is how much good ‘yung nagawa nang paggawa ng Five BreakUps and a Romance sa buhay ko during that time. Alam ni Direk ‘yon, alam ni Jules ‘yon, nakuwento ko sa kanila.
“Minsan, sasabihin mo sa mundo, okay lang akong mag-isa, kaya kong mag-isa. Pero hindi ‘yon, e… I think, more than the movie, more than the script, more than the work, more than the talent fee and the opportunity that was given to me, it’s really more ‘yung ano ang nakuha ko sa kanila, with all the people that are here, with the cast.
“And there’s no small roles, everyone should be acknowledged with all the successful things that they have been part of. Walang maliit na tao and with ‘Five BreakUps and a Romance’, we’re giving the credit to all the people who are here tonight.”
Ang ‘Five BreakUps and a Romance’ ay ipalalabas na sa mga sinehan sa October 18 at produced ito ng Cornerstone Studio, GMA Pictures at Myriad Entertainment na pagmamay-ari naman ni Alden.
***
DAHIL nga mahigit isang taon na ang afternoon serye niya na ‘Abot Kamay na Pangarap’, breather raw para kay Jillian Ward ang ‘Daig Kayo ng Lola Ko’ kunsaan, sa loob ng buwan ng October, every Saturday at 6:15 pm ay mapapanood siya bilang si ‘Captain Kitten.’
Pagbabalik ito ng DKNL ko at pagbabalik din niya sa show dahil for 3 years, kasama siya rito.
Ayon kay Jillian, “Sobra po. Sa Abot Kamay… sobrang heavy po ng mga scenes. Although, kami po sa set, sobrang nag-e-enjoy po, sobrang magaan lang. Pero, yung mga eksena po kasi, mga heavy.
“Dito po, ang mapapanood po nila, parang ako po noong bata. Yung batang Jillian na kwela lang, nakakatuwa lang. Makikita po nila yun dito sa Daig Kayo ng Lola Ko.”
Hindi raw ito ang unang beses ni Jillian na gumanap ng Superhero character. Nakagawa na raw siya sa ‘Captain Barbell’ noon, pero bata pa siya. Ngayon lang yung dalaga na nga siya bilang si Captain Kitten.
“Actually, this is my third times. Ang pinaka-una ko po, I was 6 years old, sa Captain Barbell, ako po si Super Tiny ro’n. And sa Super Ma’am, kay ate Marian Rivera, naging part po ako ng Super Teens. And ngayon po, bilang dalaga, ito po ang first role ko na action role.”
Sabi pa niya, “Alam niyo kung ano po ang nakakatuwa, lahat po ng superhero roles ko, palaging may purple. Hindi ko po alam kung bakit. Yung costume ko, laging may mask na purple na ewan, actually, ipapa-collage ko nga po ang picture, e.”
Nagulat naman daw si Jillian nang malaman na may title na siya, ‘Star of the New Gen,’ pero siyempre, isang bagay raw ito na ipinagpapasalamat niya.
“Siyempre po, sobrang grateful po ako at nagulat po ako, pero sa akin po kasi, kumbaga, kung ano man ang mga titles na binibigay sa akin, hindi ko po siya dinadamdam, kumbaga.
“Hindi po siya nagsi-sink-in sa akin,” sabi pa niya.
Ngayong gabi na (6 :15 pm) magsisimulang mapanood ang DKNLK.
(ROSE GARCIA)