UMABOT na sa 10,500 residente ng Quezon City ang napagkalooban ng financial assistance na naibaba sa pamamagitan ni Councilor Aiko Melendez.
Bukod sa financial assistance, nakapagbaba rin katumbas ng P20 million medical assistance sa pamamagitan ng guarantee letters si Melendez na kamakailan ay ginawaran ng “National Outstanding Humanitarian and Leadership Service”. Kasama niya sa mga pinarangalan si Quezon City Mayor Joy Belmonte na kinilala bilang “National Outstanding Mayor of the Philippines” ng Saludo Excellence Award.
Sinabi ni Melendez na ito ay naging possible dahilan sa makabuluhang pakikipag-ugnayan sa mga mambabatas at sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pangunguna ni Sec. Rex Gatchalian.
Ayon sa kanya, nakatanggap ng ayudang P1,000 to P2,000 ayuda ang kanyang mga kadistrito sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis o AICS ng DSWD simula nang muli siyang maupo bilang konsehal ng ikalimang distrito. Nauna nang nagsilbi bilang konsehal ng Quezon City si Melendez noong 2001 hanggang 2010.
“Ang AICS ay diretsong tulong na ipinagkakaloob ng DSWD sa mga Pilipinong humaharap sa krisis. Ang layunin natin ay maseguro na walang mamamayan ang maiiwan, at kami ay patuloy na magsusumikap upang mas marami pang maabot ng proramang ito mula sa Lungsod ng Quezon,” sabi ni Melendez.
Sa harap ng patuloy na pag-usbong ng krisis at pangangailangan ng mga mamamayan, sinabi ni Melendez na patuloy siyang magsusumikap upang maging boses ng mga nangangailangan at magkaruon ng positibong pag-asa sa buhay ng mga taga Quezon City.
Kabilang sa mga mambabatas na nagbaba ng pondo sa ikalimang distrito sa pamamagitan ng DSWD ay sina Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, Senator Ronald “Bato” Dela Rosa Senator Grace Poe, Senator Manuel “Lito” Lapid, Senator Robin Padilla, at Senator Joel Villanueva.
Nagpasalamat si Melendez sa tulong ng mga mambabatas at ng DSWD na pinakainabangan ng may 10,500 residente mula sa ikalimang distrito.
“Ako’y nagpapasalamat na naging daan ang aming tanggapan upang itong tulong mula sa national government at sa ating mga mambabatas ay maibaba sa ating mga kadistrito na humaharap sa kahirapan at pagsubok sa kanilang buhay,” sabi ni Melendez.
Nangako naman si Melendez na patuloy siyang makikipag-ugnayan sa lahat ng sector na maaring magkaloob ng tulong para sa mamamayan ng Quezon City.
(ROHN ROMULO)