• June 16, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 22nd, 2024

Pang. Marcos tiniyak ang suporta kay Senate President Chiz Escudero

Posted on: May 22nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments
Tiniyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr ang kaniyang suporta sa bagong Senate President na Sen. Chiz Escudero.
Ayon kay Pangulong Marcos, ang legislative record ni Escudero at ang kaniyang commitment sa public service ay patunay na isa siyang dedicated leader.
Pinuri naman ng Pangulo si Senator Migz Zubiri sa kaniyang liderato sa Senado.
Kumpiyansa naman si Pangulong Marcos na sa liderato ni Escudero ipagpapatuloy nito ang pagbibigay prayoridad sa mga transformative na mga batas upang makamit ang mga ninanais na pagbabaho para sa bansa sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
Kahapon bumaba sa pwesto si Sen. Migz Zubiri bilang Senate president kung saa n pinalitan siya ni Escudero.
“I extend my support to the new Senate President, Chiz Escudero. His legislative record and commitment to public service have distinguished him as a dedicated leader. Senator Chiz steps into this role following the commendable tenure of Senator Migz Zubiri, and I am confident that under his leadership, the Senate will continue to prioritize transformative laws to achieve our shared vision for a Bagong Pilipinas,” pahayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Aminado si Senador Juan Miguel Zubiri, masama ang kanyang loob kasunod ng kanyang pagbibitiw bilang senate president.
Tinanong din si Zubiri kung sino ang tinutukoy niyang makapangyarihan na hindi raw niya sinunod kaya kinailangan niyang mag-resign.
Hindi naman sinagot ni Zubiri kung ang pagdinig sa PDEA leaks ang siyang naging dahilan sa kaniyang pagbibitiw. (Daris Jose)

Health workers emergency allowance, fully paid sa pagtatapos ng 2025 —DBM

Posted on: May 22nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments
TARGET ng Department of Budget and Management (DBM) na plantsahin ang lahat ng hindi pa bayad at kulang para sa Health Emergency Allowance (HEA) sa pagtatapos ng susunod na taon.
Sa isang kalatas, sinabi ng DBM na nangako si Budget Secretary Amenah Pangandaman sa isinagawang public hearing at imbestigasyon ng Senate Committee on Health and Demography, na ang ‘unpaid arrears’ sa HEA ay maisasakatuparang bayaran sa pagtatapos ng 2025.
“The health workers are our priority. The HEA is in the SONA (State of the Nation Address) of our President. Whenever we see each other, he reminds us about it. My promise is, by 2025, it will be fully paid,”ayon sa Kalihim.
Sa ngayon, winika ng DBM na nakapagpalabas na ito ng P91.283 billion para sa Department of Health (DOH) para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) sakop ang lahat ng healthcare workers’ benefits mula 2021 hanggang 2023.
Saklaw ng PHEBA ang Special Risk Allowance (SRA), bayad at maging bilang karagdagang benepisyo gaya ng ‘meal, accommodation, at transportation allowances’ para sa mga healthcare workers.
Sa nasabing halaga, P73.261 billion ang inilaan para sa HEA.
Sa nasabing pagdinig sa Senado, isiniwalat ng Kalihim ang estratehiya ng DBM para bayaran ang natitirang P27.7 billion na atraso para sa HEA.
“The first step involves utilizing a P2.3-billion unprogrammed appropriations (UA) fund contingent upon the collection of excess revenue,” ayon kay Pangandaman sabay sabing We are just awaiting certification from the Bureau of Treasury on excess revenue.”
Noong nakaraang taon, sinabi ng departamento na ang karagdagang P7 billion, kinuha mula sa UA, ay ipinalabas para sa HEA.
Titingnan din ng DBM ang internal budget ng DOH at tukuyin ang posibleng realignment para sa programa.
Idagdag pa, nangako si Pangandaman na ang kinakailangang resources para tugunan ang kakapusan sa HEA ay prayoridad sa pagda-draft ng 2025 National Budget.
Pinasalamatan naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang Senate Committee on Health at DBM para sa resolusyon sa lahat ng HEA concerns.
“We’ve been able to receive the budget from the DBM from the 2022 and 2023 GAA (General Appropriations Act), and we’ve been able to disburse almost 99%,” ayon kay Herbosa.
Para sa fiscal year 2024, nagpalabas ang DBM ng kabuuang P19.996 billion sa DOH.
Gayunman sinabi ni Herbosa, na mayroong mga hamon sa paggasta sa pondo.
“As for the budget this year, our disbursement rate is only about 48% but the fund is already with us,” aniya pa rin.
Samantala, hinikayat naman ni Pangandaman ang mga healthcare worker representatives na makipagtulungan sa DOH para tiyakin ang maayos na implementasyon at napapanahong pagbabayad sa HEA. (Daris Jose)

CITIZEN REGISTRATION PROGRAM, INILUNSAD SA NAVOTAS

Posted on: May 22nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

OPISYAL nang inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang NavoRehistro Citizen Registration Program, na minarkahan ng isang ceremonial commitment signing sa ginanap na flag ceremony ng lungsod, nitong Lunes.

 

 

Ang seremonya ay pinangunahan ni Mayor John Rey Tiangco at dinaluhan ng mga opisyal ng lungsod, barangay, at Sangguniang Kabataan, na nagpapahiwatig ng nagkakaisang pagsisikap na suportahan ang programa.

 

 

Nilalayon ng NavoRehistro na kilalanin nang mahusay at tumpak ang mga indibidwal at pamilyang naninirahan, nagtatrabaho, o nakarehistro para bumoto sa Navotas.

 

 

Nilalayon nitong i-streamline ang access ng mamamayan sa mahahalagang serbisyong pampubliko at pahusayin ang paghahatid ng serbisyo ng lungsod sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga serbisyong panlipunan, pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at peace and order.

 

 

Layon din nitong isulong ang inclusivity at pahusayin ang transparency ng pamamahala sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto at programa ng lungsod.

 

 

“We urge every Navoteño to take part in this initiative. Through this program, the city government will be able to build and maintain a comprehensive database. This, in turn, will enable us to allocate resources effectively and implement services tailor-fit to the needs of our people,” pahayag ni Tiangco.

 

 

“Currently, the NavoRehistro web application allows us to access the city’s online business application and tax payment, as well as payment for ordinance violation tickets,” pagbabahagi niya.

 

 

“Further development of the app will allow us to roll out of application for financial or livelihood assistance, including the Assistance to Individuals in Crisis Situation or Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers.” sabi pa ng alkalde ng lungsod.

 

 

Ang mga mamamayan ng Navotas ay maaaring magparehistro at lumikha ng kanilang profile at family tree sa pamamagitan ng www.citizen.navotas.gov.ph. Ang mga dedikadong kawani sa mga barangay o sa city hall ay handang tumulong sa kanila, kung kinakailangan.

 

 

Ang paglulunsad ng NavoRehistro app ay bahagi ng inisyatiba ng pamahalaang lungsod upang isulong ang digitalization at i-streamline ang mga pampublikong serbisyo. (Richard Mesa)