WALANG naramdamang anumang adverse effects ang ilang mga opisyal ng gobyerno at mga doktor ng Philippine General Hospital (PGH) na nabakunahan ng Sinovac vaccine kahapon ng umaga sa naturang ospital.
Ito ang pahayag nina PGH Dir. Dr. Gap Legaspi, Food and Drug Administration (FDA) Dir. Gen. Eric Domingo at MMDA Chairman Benhur Abalos, makaraang maturukan sila kanina ng bakuna laban sa corona virus disease o Covid-19.
Sinabi ng tatlong opisyal sa press conference na wala silang naramdaman na systemic effect matapos ang unang dose ng bakuna.
Matapos silang mabakunahan ay isinailalim sila sa monitoring ng halos kalahating oras para malaman kung mayroon adversed effect.
Kasama rin sa minonitor ang ilang medical personnel na nabakunahan.
Ayon naman kay Domingo muli silang bibigyan ng ikalawang dose ng Sinovac vaccine matapos ang apat na linggo.
Pinawi rin nila ang pangamba ng ibang health care workers na nag-aalinlangan sa bakuna na huwag ng matakot dahil ligtas ang bakuna na una na rin inaprubahan ng FDA.
Ipinaliwanag naman ni Legaspi na nagkaroon ng miscommunication kaya ang iba sa kanilang mga tauhan ay nagda-dalawang isip.
Giniit naman ni Legapsi na hindi pilitan ang pagpapabakuna at walang dapat problema kung nais ng iba nilang health workers na pumili ng bakuna na nais nila. Sa ngayon, tuluy-tuloy ang pagbibigay ng Sinovac vaccines sa mga health care worker ng PGH.
Si Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez ay nagpahuli naman pagsalang para mabigyan ng bakuna. (GENE ADSUARA)