WINAKASAN ni Yuka Saso ang laban sa pinalong two-under par 70 para 269 total upang humilera sa apat na magkakatabla sa ikaanim na puwesto kalakip ang $54,848 (P2.5M) bawat isa sa katatapos na 72nd Ladies Professional Golf Association (LPGA) Tour 2021 6th leg – $2M 10th Lotte Championship sa Kapolei Golf Club sa Hawaii.
Itinanghal na kampeon si Lydia Ko ng New Zealand na sa ikalawang sunod na araw ay may mainit na 65 para sa tournament record na 260 at kopoin ang ika-16 niyang korona sa LPGAT kaakibat ang $300K (P14.5M).
May seven strokes na panalo si Ko sa apat na mga nagbuhulan para sa sa ikalawang puwesto sa apat na araw na hambalusan nitong Abril 14-17.
Nakapanghihinayang pa rin kahit paano ang naging tapos ng edad 19 na Fil-Japanese at top Philippine pro golfer dahil siya’y naging lider ng dalawang araw sa kompetisyon.
Ang mga nakatabla niya sa katayuan ay sina Jenny Shin ng Korea na naka-64 sa final round, Wei-Ling Hsu ng Taiwan (66), at Sarah Hchmelzel ng Estados Unidos (66). (REC)