MAGDARAOS ng isang pulong o miting si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang successor para pag-usapan ang drug menace na patuloy na malaganap sa bansa.
Sa kanyang Talk to the People, araw ng Martes, sinabi ng Pangulo na hihilingin niya sa susunod na Pangulo ng bansa na ipagpatuloy ang kanyang anti-narcotics drive dahil maraming drug offenders ang nananatiling pagala-gala.
“I hope to… ‘Pag makausap ko pagkatapos ng elections and a new presidential shall have been elected, I said there is a time for us, me to bring, invite him dito. Ito siguro ang sasabihin ko sa kanya, patayin mo talaga itong mga drug offenders,” ayon kay Pangulong Duterte.
Ang pahayag na ito ng Chief Executive ay matapos na iulat ni Interior Secretary Eduardo Año na may kabuuang 1,775 kilo ng shabu at 421.5 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P13.2 bilyong piso ang nasabat sa isinagawang anti-drug operations mula Marso 6 hanggang 19.
Tinatayang mayroong 2,471 indibiduwal ang nasakote habang dalawa naman ang napatay sa operasyon.
“Ito po ang pinakamalaking nahuli sa entire Philippine history in one time na pagkakasakote sa illegal drugs. At patuloy pa rin po nating paiigtingin ang ating kampanya laban sa illegal drugs Mr. President sapagkat gusto po nating tuluy-tuloy ito upang siguruhing ligtas ang ating mga kababayan sa masamang dulot ng illegal na droga,” ayon kay Año.
Sinang-ayunan naman ni Pangulong Duterte si Año, at ipinag-utos ng una sa huli na ipagpatuloy lamang ang giyera laban sa ipinagbabawal na gamot.
“Let us go and look for them. Hunt them down. This [drug problem] will continue. Drugs will haunt us today, tomorrow and and it is far[from over,” dagdag na pahayag nito
Muling inulit naman ng Pangulo Duterte na nananatiling banta sa public safety ang problema sa droga.
Maipagpapatuloy lamang nito ang makalikha ng “multiple problems” lalo pa’t nagiging “praning” ang mga gumagamit ng illegal na droga.
“Ang problema nito, it induces insanity sa mga tao. Ito, papatay na naman. Kapag walang pera, mag-hold up, lahat na. Multiple ang problema dito,” anito. (Daris Jose)