• July 3, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for November 18th, 2022

“Walk of faith” isasagawa sa Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno

Posted on: November 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG  ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church na magkakaroon ng Walk of Faith sa Enero  2023 bilang bahagi ng kapistahan ng Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno.

 

 

Sa panayam ng Radio Veritas kay Quiapo Church Attached Priest Fr. Earl Allyson Valdez, ibinahagi nitong bagamat ipagpaliban ang nakagawiang prusisyon ng Poong Nazareno ay isasagawa naman ang Walk of Faith sa January 8, 2023 o isang araw bago ang kapistahan ng Poong Nazareno.

 

 

“Kahit wala ‘yung ating tradisyunal na prusisyon ay madaragdag sa ating mga schedule of activities yung Walk of Faith o Lakad Pananampalataya na gaganapin sa madaling araw ng January 8,” pahayag ni Fr. Valdez sa himpilan.

 

 

Pagbabahagi ng pari na ito ay magsisimula sa pamamagitan ng Banal na Misa sa alas dose ng hatinggabi ng January 8 sa Quirino Grandstand na agad susundan ng Walk of Faith.

 

 

Kasalukuyang isinasapinal ang rutang dadaanan mula grandstand patungong Quiapo Church.

 

 

Gayunpaman paalala ni Fr. Valdez sa mga debotong lalahok sa Walk of Faith na magdala ng kandila at mahigpit na sundin ang ipatutupad na alintuntunin at protocols para mapanatiling ligtas ang kalusugan ng mananampalataya.

 

 

“Ang masisigurado po namin ay magiging maayos at organisado po ito na parang isang banal at maringal na prusisyon na may physical distancing, wala po ang imahe ng Poong Hesus Nazareno subalit inaanyayahan po ang mga dadalo na magdala ng kandila at maliliit na imahe ng Poong Nazareno, ” ani Fr. Valdez.

 

 

Napagkasunduan din ng Basilica at lokal na pamahalaan ng Maynila ang mahigpit na pagpatupad ng pagsusuot ng facemask ng bawat dadalo.

 

 

Ito na ang ikatlong taon na ipagpaliban ang tradisyunal na Traslacion ng Poong Hesus Nazareno dahil pa rin sa patuloy na banta sa kalusugan ang COVID – 19.

 

 

Bagamat suspendido ang Traslacion, unti unting ibabalik ng Quiapo Church ang ilan sa mga gawain tuwing kapistahan tulad ng pagsasagawa ng Banal na Misa sa Quirino Grandstand kung saan nakatanghal ang replica image ng poon para sa ‘Pagbibigay Pugay’ sa halip na pahalik.

 

 

Gayundin ang tuloy-tuloy na Fiesta masses mula sa hapon ng January 8 hanggang sa gabi ng January 9 o kabuuang 34 na misa ang ilalaan ng Basilica para sa Traslacion 2023.

 

 

Pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang Misa Mayor sa alas dose ng hatinggabi ng January 9 sa Quirino Grandstand.

Department of Tourism, nakikitang papalo sa 2.4 million ang overseas visitors arrivals sa katapusan ng 2022

Posted on: November 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAKIKITANG papalo pa sa 2.4 million ang overseas visitors arrivals sa Pilipinas sa katapusan ng kasalukuyang taon ayon sa pagtaya ng Department of Tourism (DOT).

 

 

Kaugnay nito, sinabi din ni Tourism chief Christina Frasco na pinalakas pa ng DOT ang kanilang efforts para sa pag-promote ng Pilipinas sa ibat’ ibang mga bansa para makamit ang nasabing projection.

 

 

Sa datos ng DOT noong November 14, umaabot sa mahigit 2.02 million visitors arrivals sa bansa kung saan nasa mahigit 1.4 million o 73.43% dito ay mga banyagang turista habang nasa mahigit kalahating milyon o 26.57% ay overseas Filipinos.

 

 

Ito ay sumasalamin sa P100.7 billion halaga ng revenue o kita sa sektor ng turismo.

54 Valenzuelano solo parents nakatanggap ng educational assistance

Posted on: November 18th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NASA 54 na kwalipikadong solo parents ang nakatanggap ng educational assistance mula sa Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela sa pamamagitan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

 

 

Ang mga benepisyaryo ng educational assistance ay mga rehistradong solo parents sa lungsod ng Valenzuela na may mga anak na nag-aaral sa tertiary level ng edukasyon. Ang maximum na PhP 5,000 na tulong pinansyal bawat semestre o PhP 10,000 bawat school year ay dapat ipagkaloob sa mga benepisyaryo na ito.

 

 

Upang maging kuwalipikado sa educational assistance, tuparin ng mga solo parents ang mga sumusunod na kinakailangan: Barangay Indigency, Affidavit of Separation o Guardianship (kung hiwalay), Death Certificate ng asawa (kung balo), Birth Certificate of Children dependent sa magulang, Valid ID, at Solo Parent Certification mula sa kanilang barangay. Sumailalim din sila sa home visitation at validation mula sa kawani ng CSWDO.

 

 

Sa kabilang banda, ang mga estudyante ng solo parents ay dapat mapanatili ang grado na 82% kada subject kada semestre hanggang sa makatapos sila ng kolehiyo. Ang pagkabigong mapanatili ang kinakailangang grado ay magiging dahilan upang ang mga solo parents at ang kanyang estudyante ay hindi karapat-dapat para sa tulong pinansyal.

 

 

Pinangunahan ni Mayor WES Gatchalian ang pamamahagi ng educational assistance, kasama sina Solo Parents Focal Person, Kagawad Kisha Ancheta, at Ms. Linda Santiago, Focal Person for Women and Family ng CSWDO. (Richard Mesa)