• July 18, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 7th, 2023

Pinas, China tinintahan ang 14 bilateral deals habang nasa state visit si PBBM

Posted on: January 7th, 2023 by @peoplesbalita No Comments

TININTAHAN ng Pilipinas at Tsina ang 14 na bilateral agreements, araw ng Miyerkules habang nasa state visit pa si Pangulong  Ferdinand R. Marcos Jr. sa  China.

 

 

Kabilang sa nasabing kasunduan ang  agrikultura, imprastraktura, development cooperation, maritime security, turismo at iba pa.

 

 

Nilagdaan kapwa ng Pilipinas at Tsina ang joint action plan para sa taong 2023-2025 na may kaugnayan sa “agricultural and fisheries cooperation” sa pagitan ng Department of Agriculture (DA) at Ministry of Agriculture and Rural Affairs ng China, at maging ang isang memorandum of understanding (MOU) ukol sa kooperasyon sa Belt and Road Initiative (BRI).

 

 

“Launched in 2013 by Chinese President Xi Jinping, the BRI is a global infrastructure development strategy to invest in nearly 150 countries and international organizations, enhancing connectivity and facilitate smoother trade flows between Asia, Europe, and Africa,” ayon sa ulat.

 

 

Nagkasundo rin ang Manila at Beijing sa pag-handover ng sertipiko ng  Philippine-Sino Center for Agricultural Technology-Technological Cooperation Phase III (PHILSCAT-TCP III).

 

 

Tinintahan din ng dalawang bansa ang  MOU sa pagitan ng Ministry of Industry and Information Technology ng China at Department of Information and Communications Technology (DICT) hinggil sa  digital at information and communications technology (ICT) cooperation ng Pilipinas.

 

 

Nagkasundo rin ang dalawang bansa sa protocol ng phytosanitary requirements para sa pag- export  ng fresh durian mula Pilipinas patungong  China sa pagitan ng DA at  General Administration of Customs ng China.

 

 

Sinelyuhan din ang pag- handover ng  sertipiko ng dalawang China-aid bridge projects sa Maynila, ang Binondo-Intramuros bridge at ang Estrella-Pantaleon bridge.

 

 

Kapwa rin sumang-ayon ang dalawang bansa sa framework agreement para sa  Renminbi-portion ng  loan financing para sa tatlong priority projects ng  Department of Public Works and Highways (DPWH).

 

 

Apat na  loan agreements din ang sinelyuhan para sa  mixed-credit financing (US Dollar and Renminbi) ng tatlong  priority bridge projects sa ilalim ng public works department.

 

 

Kapwa nagkasundo rin ang gobyerno ng Pilipinas at China sa implementasyon ng  MOU ukol sa turismo sa pagitan ng  Department of Tourism (DOT) ng Pilipinas at  Ministry of Culture and Tourism ng Tsina.

 

 

Sinelyuhan din ng dalawang bansa ang MOU sa pagitan ng  Department of Trade and Industry (DTI) at Ministry of Commerce of China ukol sa  electronic commerce cooperation; isang  MOU sa pagitan ng National Economic and Development Authority (NEDA) at  International Development Cooperation Agency on the Development Cooperation Plan 2023-2025 ng China; at isang kasunduan hinggil sa  “economic and technical cooperation” sa pagitan ng China at Pilipinas.

 

 

Kabilang din sa listahan ang mutual recognition agreement sa pagitan ng General Administration of Customs ng  China at Bureau of Customs (BOC) ng Pilipinas ukol sa authorized economic operator program, at isang kasunduan para sa pagtatatag ng communication mechanism ukol sa maritime issues sa pagitan  Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas at Ministry of Foreign Affairs ng China. (Daris Jose)

Libreng sakay posibleng maibalik ngayong 2023

Posted on: January 7th, 2023 by @peoplesbalita No Comments

INAASAHANG maibabalik ngayong taong 2023 ang libreng sakay, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

 

 

Ayon kay LTFRB technical division head Joel Bolano na sa kasalukuyan ay inihahanda ng Department of Transporation ang guidelines para sa libreng sakay.

 

 

“May nakalaan namang budget para rito kaya lang sa ngayon pina-finalize pa ang guidelines ng department… Pero tama kayo, baka maibalik ang free ride kaya lang kung paano ito i-implement, wala pa tayong guidelines,” dagdag pa ni Bolano.

 

 

Magugunitang una nang inihayag ni Sen. Sonny Angara na nasa P2.16 billion ang inilaan para sa programa na lubhang mababa sa P12 billion na hiniling ng DOTr.

 

 

Kaya kailangan umanong madetermina ang mga lugar na makokoberan ng free rides dahil na rin sa limitadong budget, ayon pa kay Bolano.

 

 

“Magiging dependent ito kung saan aabutin nito (budget), kung Metro Manila lang ba o kung isasama ‘yung ibang original offices natin, probinsya,” dagdag pa nito.

 

 

Magugunitang ang EDSA Bus Carousel ay nagsakay ng libre simula pa noong Nobyembre 2020 makaraang i-subsidized ng pamahalaan ang pasahe ng mga commuters dahil na rin sa nagdaang pandemya. Nito lamang unang araw ng Enero nagsimulang maningil ang busway.

 

 

Nagbabayad ang pamahalaan ng nasa P10-P12 milyon araw-araw sa concessionaires para sa may 600 hanggang 700 buses na nakakapagsakay ng nasa 400,000 pasahero. (Daris Jose)

8 hindi pa bakunadong Pinoy mula China, nagpositibo sa COVID-19 – DOH

Posted on: January 7th, 2023 by @peoplesbalita No Comments

NAGPOSITIBO sa COVID-19 ang walong Pinoy na hindi pa bakunado kontra sa virus na galing ng China.

 

 

Ayon sa Department of Health (DOH), kasalukuyang sumasailalim sa isolation at patuloy na minomonitor ang walong indibidwal na dumating sa Pilipinas mula Disyembre 27, 2022 hanggang Enero 2, 2023 matapos masuri sa antigen test pagdating ng mga ito sa may Ninoy Aquino International Airport.

 

 

Batay kasi sa kasalukuyang protocol, ang mga hindi pa fully vaccinated na mga indibidwal na walang naipresentang negatibong resulta ng pre-departure test ay sinusuri pagdating sa paliparan.

 

 

Sa kabila nito, tiniyak ng DOH sa publiko na ang gobyerno ay patuloy na nagsasagawa ng Covid-19 monitoring at surveillance activities sa bansa at binabantayan din ang mga global health events na maaaring mangyari.

 

 

Pinaalalahanan pa rin ang publiko na tumulong na maiwasan ang hawaan ng virus sa pamamagitan ng layer of proteksyon gaya ng sanitation , pagsusuot ng face mask, social distancing, maayos na bentilasyon at pagbabakuna bilang karagdagang proteksiyon.

 

 

Kasalukuyang nasa “heightened alert” naman ang Pilipinas sa gitna ng kasalukuyang pagtaas ng kaso ng Covid-19 doon sa China.

 

 

Kamakailan ay inatasan ng DOH ang Bureau of Quarantine na paigtingin ang quarantine protocols tulad ng heightened surveillance sa lahat ng respiratory symptoms sa lahat ng biyahero at conveyances na nagmumula sa China.

 

 

Ipinag-utos din nito ang mahigpit na pagsubaybay sa maritime declaration of health at Aircraft General Declaration.

 

 

Inatasan din ang mga concerned government agencies na iulat ang mga pasahero na mayroong nararamdamang sintomas na masusuri sa arrival screening gayundin ang mga covid-19 travelers mula sa points of entry ng ating bansa. (Daris Jose)