IDINEPENSA ng Malakanyang ang makabuluhang pagtaas ng travel expenses ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa katunayan, sa isang kalatas, sinabi ng Presidential Communications Office na ang ‘increase’ o paglaki ng travel expenses ay sumasaklaw sa local at foreign travels.
Nauna rito, iniulat ng Commission on Audit (COA) ang pagtaas ng 1,453% sa naging travel expenses ng Office of the President (OP) sa taong 2022.
Sa ulat ng COA – sumipa sa mga nagastos ng OP sa travel mula P25.2Milllion noong 2021 – sa halos P400 Million noong nakaraang taon.
“The Office of the President’s (OP) traveling expenses in 2022 increased by P367 million compared with 2021 due to Marcos’ official trips in at least six countries,” ayon sa COA.
Tinuran naman ng PCO na ang OP “has received a huge volume of invitations for international events, conferences, high-level meetings, and state visits, among others.”
“The OP has acceded to some of these requests, knowing that the country and the public, in general, will benefit immensely from the President’s participation in these engagements,” dagdag na pahayag ng PCO.
Matatandaang sinabi ni Go Negosyo Founder Joey Concepcion na kailangang puntahan ni Pangulong Marcos ang mga biyahe sa labas ng bansa lalo’t may kinalaman ito hinggil sa paghikayat ng mga mamumuhunan sa bansa.
Ang Pangulo, bilang CEO ng Pilipinas ay kailangang maging visible lalo’t marami ang kalaban sa paghikayat ng mamumuhunan.
Bukod dito, nais ding marinig ng iba pang mga lider at mga foreign investors ang bisyon ng Pangulo, istilo sa pamamahala, maging ang line up ng kanyang gabinete, gayundin ang pribadong sektor na sumusuporta sa kanya.
Kaya ang Presidente bilang CEO ng Pilipinas, ani Concepcion, ay hindi talaga makaiiwas sa biyahe sapagkat mahalagang mailatag nito ang kanyang bisyon sa mga mamumuhunan. (Daris Jose)