• June 30, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for June 8th, 2024

Utos ni PBBM sa PNP, tamaan ang mga “malalaking isda” sa kampanya laban sa ilegal na droga

Posted on: June 8th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Philippine National Police (PNP) na ituon ang pansin sa sindikato at high-profile illegal drugs personalities sa pagsasagawa ng agresibong anti-illegal drugs operations.

 

 

Sinabi ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na ito ang gabay na isinasagawa nila ngayon at ipagpapatuloy na ipatupad sa mga araw patungo sa midterm elections.

 

 

‘The guidance of the President is for us to hit the big ones. So we are looking at the illegal drugs trail, especially on where these illegal drugs are being brought,” ayon kay Marbil.

 

 

Nauna rito, nagdaos si Pangulong Marcos ng command conference kasama ang mga matataas na opisyal ng PNP.

 

 

Ang paglipat sa pagtuon ng pansin sa kampanya laban sa illegal na droga ayon kay Marbil ay pagpapabuti sa statistics ng illegal drugs campaign na naisakatuparan sa nakalipas na anim na buwan.

 

 

“And this is the reason why he wants a change in the conduct of anti-illegal drugs operations evaluation—from every six months to quarterly assessment,” ayon kay Marbil.

 

 

“We have good statistics, every six months. But after that I just want it quarterly and we have the resources especially right now,” dagdag na wika ni Marbil.

 

 

Sa ulat, mahigit sa P9 bilyong halaga ng ilegal na droga na nakumpiska sa iba’t ibang operasyon ang winasak sa Cavite, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

 

 

Sinabi ng PDEA na sinira nito ang mga ilegal na droga sa pamamagitan ng thermal decomposition o thermolysis sa Integrated Waste Management Inc. sa Brgy. Aguado, Trece Martires City.

 

 

Kabilang sa mga winasak ay ang 1.2 tonelada ng shabu na nasamsam sa Batangas at iba pa mula sa iba’t ibang operasyon.

 

 

Ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, PNP at mga lokal na opisyal ng Brgy. Aguado ay naroroon sa pagsira ng mga ilegal na droga.

 

 

Sa kabilang dako, sinabi ni Marbil, na aware sila sa ‘open secret’ na may ilang sektor ang nangangailangan ng malaking pera sa mga araw patungo sa nalalapit na halalan sa bansa.

 

 

“That’s true. And that is what’s happening. So, we have to talk to the PDEA and discuss our strategy,” ayon kay Marbil.

 

 

Napuna naman ng mga security official ang pagtaas ng criminal activities bago pa ang itinakdang halalan. Mula sa panloloob sa bangko hanggang sa kidnapping activities sa nakalipas.

 

 

Hindi naman iniaalis ng mga pulis ang posibilidad na may ilang tiwaling politiko ang nauugnay sa illegal drugs business para tustusan ang kanilang intensyon na tumakbo para sa public office. (Daris Jose)

PBBM, binati si Indian PM Modi sa pagkapanalo sa pangatlong termino

Posted on: June 8th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAGPAABOT ng pagbati si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Indian Prime Minister Narendra Modi para sa kanyang tagumpay na muling mahalal sa katatapos lamang na eleksyon doon.

 

 

Sa kanyang official X (Twitter) account, nagpahayag ng kumpiyansa si Pangulong Marcos ukol sa hinaharap ng bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas at India kasunod ng muling pagkapanalo ni Modi.

 

 

“My warmest congratulations to Prime Minister @narendramodi for securing a fresh mandate from the Indian electorate,” ayon kay Pangulong Marcos.

 

 

“The last decade has shown India as a sincere friend to the Philippines and I look forward to the further strengthening of our bilateral and regional partnership in the years ahead,” dagdag na wika nito.

 

 

Si Modi ay ang kauna-unahang Indian prime minister sa loob ng 60 taon na nakasungkit ng pangatlong magkakasunod na termino.

 

 

Ang diplomatic relations sa pagitan ng Pilipinas at India ay tumagal ng 70 taon mula nang gawing pormal ito noong1949.

 

 

Upang mapabilis ang rehabilitasyon, pinangunahan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, chairperson ng House Committee on Marawi Rehabilitation, ang ocular site visit at public consultation sa Marawi City.

 

 

Ito ay alinsunod na rin sa kagustuhan nina Panuglong Bongbong Marcos at Speaker Ferdinand Martin Romualdez na agad at maagang matapos ang rehabilitation ng Marawi.

 

 

Sa isinagawang site visit, ilang kritikal na lugar sa Marawi ang ininspeksyon, kabilang na ang mga temporary at permanent shelters, site ng panukalang Bulk Water System, mga guho sa pinakaapektadong lugar, Golden Mosque, Rizal Park at Freedom Park.

 

 

Ilang mga isyu ang natalakay sa public hearing, na dinaluhan ng mga opisyal mula sa National Housing Authority (NHA) kabilang na ang temporary at permanent housing para sa na-displaced na residente.

 

 

Matapos ang ginawang dayalogo, nagpahayag naman ng suporta sina Deputy Majority Leader Margarita “Migs” Nograles at Bataan Rep. Geraldine Roman sa livelihood at entrepreneurship programs para sa mga kababaihan ng Marawi City. (Vina de Guzman)

2 Chinese National, hinarang sa NAIA

Posted on: June 8th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

NAHARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang tangkang paglabas ng bansa ang dalawang puganteng Chinese national.

 

 

Ang dalawa ay naharang at naaresto sa magkahiwalay na insidente  sa NAIA terminal 1 nang tangkain niyang umalis ng bansa.

 

 

“They are now detained at our detention facility in Camp Bagong Diwa, Taguig City where they will remain until they are deported,” ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.

 

 

Ayon kay Tansingco,  ang isa sa kanila ay wanted ng extortion sa China habang ang isa ay may nakabinbin na kasong criminal at deportasyon sa BI.

 

 

Kinilala ang isa sa suspek na si Jun Zhang, 36, na inaresto ng tinangka nitong sumakay ng byaheng Bangkok at nagpakilalang  taga-Myanmar.

 

 

Nagpakita siya sa BI counter ng Myanmar passport sa pangalan na si Lu Kyin Yang.

 

 

“We received advanced information from the Chinese government that he is a fugitive in China and that he would be using that Myanmar passport to evade detection,” paliwanag ni Tansingco.

 

 

Ang pangalawang suspek ay kinilalang si Tianyi Zhang, 28, isang babae na tinangkang umalis biyeheng Xiamen.

 

 

Base sa records, nag-isyu ang BI ng deportasyon laban kay Zhang dahil sa pagiging undocumented at undesirable alien dahil sa pagtatrabaho sa bilang prostitusyon.

 

 

Si Yang at kasama nito ay inisiyuhan ng hold departure order ng korte upang hindi sila makaalis ng bansa  habang dinidinig ang kanilang kaso. GENE ADSUARA

5 drug suspects tiklo sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela buy bust

Posted on: June 8th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

LIMANG hinihinalang drug personalities ang nasakote ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela Cities.

 

 

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, dakong alas-12:21 ng hating gabi nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables sa buy bust operation sa Reparo Road, Brgy 149, sina alyas Marlon, 20, (Pusher) at alyas Von, 27, (user), kapwa ng BagonG Barrio.

 

 

Nakumpiska sa kanila ang nasa 4.3 grams ng hinihinalang high grade marijuana (kush) na nagkakahalaga ng P6,020, isang P1,000 bill na ginamit bilang buy bust money, isang cal .38 revolver na kargado ng dalawang bala at dalawang cellphones.

 

 

Alas-10:30 ng gabi nang madakip naman ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan sa buy bust operation sa P. Aquino Avenue corner Kadima St., Brgy. Tonsuya, Malabon City si alyas Jay, 36, at nasamsam sa kanya ang aaboy 4.80 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P32,640 at buy bust money.

 

 

Sa Navotas, nalambat naman ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes sa buy bust operation sa pangunguna ni P/Capt. Genere Sanchez sa Matangbaka St., Brgy. NBBS Dagat-Dagatan bandang alas-12:12 ng hating gabi si alyas Mara, 30, (pusher/listed) at nakumpiska sa kanya ang 5.2 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P35,360 at buy bust money.

 

 

Habang natimbog naman ng mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban sa buy bust operation sa F. Bautista St., Brgy. Marulas, Valenzuela City alas-12:35 ng hating gabi si alyas Amang, 47, (SLI/Pusher).

 

 

Nakuha sa kanya ang nasa 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P68,000.00, buy bust money na isang P500 bill, kasama ang 10-pirasong P1,000 boodle money, at P300 recovered money.

 

 

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan pa na kasong paglabag sa RA 10591 ang kakaharapin ng isa sa kanila. (Richard Mesa)

Mga kaso ng OSAEC, hindi dapat inaayos sa barangay level-Abalos

Posted on: June 8th, 2024 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. na hindi dapat inaayos ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) sa barangay level.

 

 

Sa katunayan, hinikayat ni Abalos ang publiko na dalhin ang ganitong uri ng insidente sa law enforcement authorities dahil karamihan sa mga kaso ng online sexual abuse laban sa mga menor de edad ay hindi na umabot pa sa kaugnay na mga opisyal ng batas.

 

 

Kaya ang babala ni Abalos sa mga local officials ay mananagot kapag napatunayan na nasa likod ng ”settlement” ng mga ganitong uri ng kaso.

 

 

”Ito na ‘yung wina-warning ko sa lahat na mga barangay. Hindi na puwede mag-settle. Hindi puwede i-settle ito, I’m warning you…” ang babala ni Abalos.

 

 

‘Kung sino man ang makipag-settle dito , I will make sure makukulong din kayo,” ayon pa rin sa Kalihim.

 

 

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Margarita Magsaysay, officer-in-charge at executive director ng National Coordinating Council on OSAEC at CSAEM, kung ang mga ganitong kaso ay hindi inendorso sa mas mataas na awtoridad, maaari pang makapangbiktima ng ibang indibidwal.

 

 

”Dapat ine-endorse agad sa law enforcement authority, ang nangyayari ngayon sabi nga ni Sec., sine-settle na kasi sa level nila, siguro to maintain family harmony or whatever pero hindi ‘yun puwede. It shouldn’t be settled at their level,” ayon kay Magsaysay.

 

 

Samantala, ipinag-utos naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglikha ng centralized system para sa pagde-detect at pagrereport ng OSAEC cases gamit ang teknolohiya at specialized cybercrime mechanisms.

 

 

Inatasan ni Pangulong Marcos ang lahat ng kinauukulang ahensya na unang bigyan ng proteksyon ang lahat ng mga kabataan sa gitna ng lahat ng kanilang programa at polisiya.

 

 

Nais ni Pangulong Marcos na usigin ng Philippine National Police at ng iba pang kaugnay na ahensiya ang mga salarin na sangkot sa “making, processing at distributing child sexual abuse materials” gamit ang buong bigat ng batas. (Daris Jose)