HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga Filipino sa Lebanon at Israel na bumalik na ng Pilipinas habang available pa ang mga byahe sa gitna ng tensyon sa Gitna ng silangan.
“We hope that you will avail yourselves of our repatriation program while flights are available,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga pinoy sa Lebanon at Israel.
Aniya pa “in the meantime, heed the advisories of the Philippine Embassy and the Lebanese and Israeli governments.”
Idinaan ng Chief Executive ang kanyang panawagan bago pa umalis ng Pilipinas at lumipad patungong Laos para makiisa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summits.
Muli namang tiniyak ng Pangulo sa publiko na gagawin ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat upang matiyak ang kaligtasan ng mahigit sa 40,000 Filipino nationals sa Lebanon at Israel.
Nangako rin ang Pangulo na iuuwi niya ang mga ito sa Pilipinas.
Sinabi pa niya na wala namang naiulat na Filipinong nasaktan sa krisis sa sunud-sunod pag-atake sa Hezbollah sa mga nakalipas na araw.
“Our embassies have been coordinating with the Filipino community on this matter and working on securing exit papers and transportation for those returning,” aniya pa rin.
Sa 1,500 initial applicants para sa repatriation mula Lebanon, pangatlong batch ang nakauwi habang may 500 naman ang pino-proseso ang kanilang mga papel.
Sinabi ni Pangulong Marcos na bibilisan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang proseso habang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang magtsa-charter sa pagapapauwi sa mga ito sa Pilipinas.
Para sa buwan ng Oktubre, Iuuwi ng Department of Migrant Workers (DMW) at OWWA ang 162 na namimighating Overseas Filipino Workers (OFWs) mula Israel.
“I expect the Secretaries of the DFA and the DMW and the Administrator of OWWA to report to me with updates daily,” aniya pa rin.
Samantala, nanawagan naman ang Pangulo sa lahat ng partido na iwasan ang karahasan at isulong ang mapayapang paglutas sa tunggalian.
“We emphasize the need to adhere to international humanitarian law, especially the principles of proportionality and distinction in response to security threats, and to ensure the protection of civilians at all times,” ang sinabi ng Pangulo.
“The Philippines will always stand for the principles of international law and the safety of Filipinos in the Philippines and overseas,” dagdag na pahayag nito. (Daris Jose)