• July 18, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 1st, 2021

COVID-19 ‘work-related disease’ – DOLE

Posted on: May 1st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Makakatanggap na ng kompensasyon buhat sa pamahalaan ang mga manggagawa sa public at private sectors na dinapuan ng COVID-19 habang nasa duty makaraang maisama na ang coronavirus 2019 sa listahan ng “occupational and work-related diseases”.

 

 

Inaprubahan ng Employees’ Compensation Commission (ECC) board ang Resolution No. 21-04-14 na nagtatakda ng kompensasyon sa mga manggagawang biktima ng virus, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

 

 

“Considering the OSHC’s recommendations and after deliberations with the Department of Labor and Employment and various labor and employer groups, (Labor Secretary Silvestre) Bello added that the Commission has moved that COVID-19 be considered an occupational and work-related disease,” ayon kay ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis.

 

 

Nakapaloob sa reso­lusyon ang mga panga­ngailangan na dapat matugunan ng mga claimants. Kabilang dito ang pagkakaroon ng direktang koneksyon ng manggagawa sa mga nagtatrabaho sa healthcare, screening at contact tracing teams; ang trabaho ng manggagawa ay kailangan ng palagiang pagharap sa ibang tao; nahawa habang nasa lugar ng trabaho; at nahawa habang bumibiyahe galing o papuntang trabaho.

 

 

Sa pag-aaplay para sa benepisyo, kailangang magsumite ng certificate of employment, RT-PCR diagnosis positive result, mga ebidensya ng exposure, at medical records kung kinakailangan pa.

Dagdag pension sa senior citizens, isinusulong ni Cong. Lacson

Posted on: May 1st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Isinusulong ni Malabon City Congresswoman Jaye Lacson-Noel ang isang panukalang batas na magbibigay daan ng karagdagang pension para sa mga nakakatandang mamamayan ng bansa.

 

 

Tiwala si Cong. Lacson na susuportahan ng kanyang mga kasamahan sa House of Representatives ang kanyang panukalang batas para sa mga senior citizens.

 

 

Aniya, kung maipasa sa batas ang kanyang House Bill No. 4057, ay nangangahulugan ng dagdag na P1,500 para sa buwanang pension na natatanggap ng mga senior citizen mula sa Social Security System at Government Service Insurance System, at iba pa.

 

 

“Kasado na po ito sa committee level sa House of Representatives at talagang aking pagsusumikapan na maipasa ito dahil ramdam ko po ang hirap at rinig ko po ang mga daing ng mga nanay at tatay nating mga senior,” pahayag ni Cong. Lacson.

 

 

“Isa lamang itong maliit na hakbang sa marami pa nating kailangang lakarin para matugunan at maibigay ang mga pangangaliangan ng mga taong noong una’y nagsumikap tungo sa isang maunlad na bansa – ang ating mga senior citizen!” dagdag niya. (Richard Mesa)

NORA, kuhang-kuha ang aura ng isang kontrabida na tulad ni Bella Flores

Posted on: May 1st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

IMPRESSED kami sa mga photos ni Ms. Nora Aunor posted sa Facebook na sa palagay namin ay para sa promo ng Kontrabida, ang bagong movie ng Superstar from Godfather Productions.

 

 

Ibang-iba ang dating ni Ate Guy sa mga larawan. Kuhang-kuha ang aura ng isang kontrabida.

 

 

May isang photo na sa biglang tingin ay parang siya si Bella Flores, one of the finest kontrabida of her time.

 

 

Halatang pinag-isipan at pinaghandaan ang pictorial ni Ate Guy kasi iba ang kanyang dating. Sa mga photos pa lang ni Ate Guy ay nanaisin mo nang mapanood ang pelikula.

 

 

Si Adolf Alix, Jr, ang director ni Ate Guy sa movie. Mukhang isang matinding obra ang hatid nila.

 

 

***

 

 

BIDA si Pokwang sa Mother’s Day presentation ng Regal Entertainment titled Mommy Issues.

 

 

Masaya ang zoom presscon ng pelikula noong Thursday na napanood sa Facebook page ng Regal. Kasama rin sa movie sina Sue Ramirez, Jerome Ponce, Ryan Bang at Ms. Gloria Diaz.

 

 

Ang movie ay dinirek ni Jose Javier Reyes.

 

 

Ayon kay Pokwang, sobrang nag-enjoy siya sa role niya sa movie dahil may lovelife silang dalawa ni Ryan Bang.

 

 

Marami raw silang kulitan at sweet moments nito kaya mas lalo siyang nag-enjoysa shoot kahit na they were doing it during the lockdown.

 

 

Ibinahagi rin niya na nagkaroon siya ng anxiety when lockdown was first imposed year.

 

 

“Siyempre maraming nawalan ng trabaho, kasama na ako roon. Tapos nandoon yung nakakulong ka lang sa bahay mula umaga hanggang gabi,” wika ng komedyana.

 

 

“Kawawa naman ang mga anak ko, Nakakulong lang sila sa bahay. Paano na sila? Pero alam ko naman na precaution iyon para di tayo mahawa kaya lang mahirap ang sitwasyon na iyon di ba?”

 

 

Para makabawi sa anxiety, naisipan ni Pokwang na gamitin ang husay niya sa pagluluto. Cook siya ng food to keep her busy and her mind occupied. Maganda naman ang effect nito dahil kumita siya sa mga niluluto niya at nakapagbigay pa siya ng trabaho sa mga tao.

 

 

“I fought my anxiety sa pamamagitan nang pagluluto at maganda naman ang ibinunga nito dahil additional income din ito for me and my family.”

 

 

Bilang isang nanay, sabi ni Pokwang ay enjoy siya sa company ng kanyang mga anak.

 

 

“I am blessed with beautiful children. Natutuwa ako kasi clingy sila sa akin. Malalambing sila. Siyempre masarap ang pakiramdam na nilalambing ka ng mga anak mo at nalalambing mo rin sila in return.”

 

 

Sabi rin niya na naniniwala siyang ginagabayan siya ng kanyang ina from heaven kaya masuwerte pa rin siya sa kanyang career.

 

 

Mommy Issues will stream worldwide via Upstream.ph, KTX, Iwant, and TFC at P250 only, good for the entire family.

 

 

***

 

 

MAMA’S Girl daw si Sue Ramirez.

 

 

Up to now raw ay sinusubuan pa siya ng mommy niya ng good pag sabay silang kumakain sa bahay.

 

 

Gustung-gusto raw ng mommy niya na ipagluto siya ng kanyang mga favorite food.

 

 

Kung sakali raw nagkakaroon man sila ng tampuhan ng kanyang mommy, nilalambing lang daw niya para mawala ang tampo nito. Tapos sasabihin niya na ipagluto siya ng something to eat.

 

 

Pag naglambing na raw siya ay nawawala na ang tampo ng kanyang ina. (RICKY CALDERON)

Pagunsan, Delos Santos Que lalagare pa sa JPG

Posted on: May 1st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SAMA-SAMANG humataw sina Juvic Pagunsan, Angelo at at Justin Delos Santos sa pagsambulat ng 48th Japan Golf Tour 2020-21 ninth leg, ¥100M (P44.7M) 61st The Crowns sa Wago Course ng Nagoya Golf Club sa Nagoya City, Aichi Prefecture nitong Huwebes, Abril 29.

 

 

Makikipagrambulan ang tatlong bala ng ‘Pinas sa titulo kaharap ang 102 pang players sa may apat na araw, 72-butas na kompetisyon na may tumataginting na ¥20M (P9.8M) para sa maghahari sa Linggo, Mayo 2.

 

 

Ito na ang ika-153 torneo sa mayamang men’s professional circuit ng 42-anyos mula sa Bacolod City na si Pagunsan, 42, ng Bacolod mula nang maging kasapi ng JGT noong 2012, pero bokya pa siya sa kampeonato habang pangwalo ng Fil-Am na si Delos Santos, 25, buhat noong 2019 na wala ring panalo.

 

 

Ika-94 paligsahan na ito para kay Que, 42, ng Maynila at puntirya ang ikalawang titulo makaraang makaisa noong 2018 buhat nang magmiyembro ng JGT noong 2015.

 

 

Pangsiyam na ang palarong ito sa 25 taong-gulang na Fil-Am na si Delos Santos buhat nang makapasok sa Tour noong 2019 at naglalaway sa unang panalo. (REC)

PEKENG FB ACCOUNT NG FB, BINALAAN

Posted on: May 1st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

NAGBABALA  ang National Bureau of Investigation (NBI) sa publiko kaugnay sa pekeng Facebook page ng ahensya  na nag-aalok ng serbisyo ng ahensya.

 

Sa abiso ng NBI, ang “NBI ONLINE APPOINTMENT 2021” ay hindi  official facebook page ng NBI- Information and Communications technology Division  (NBI-ICTC) o anumang konektadong division o ng NBI.

 

Ayon pa sa abiso, ang nasabing FB page ay nag-aalok ng serbisyo at nagpapakilalang bahagi ng ahenysa gamit ang NBI logo o insignia.

 

Pinayuhan naman ng NBI ang lahat ng clearance applicants na magrehistro lamang online  para sa appointment  sa NBI Clerance appointment  and renewal website sa https://clerance.nbi.gov.ph/

 

Pinaalalahanan din ng BI ang publiko sa mga hindi otoriosadong paggamit ng official logo ng NBI na isang illegal act  at ang mga kawatan ay maaring maharap s reklamo o kaso. (GENE ADSUARA)

Nakipagbarilan, magtiyuhin tigbak sa parak sa Malabon

Posted on: May 1st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Todas ang isang 53-anyos na lalaki at kanyang pamangkin matapos makipagbarilan sa rumespondeng mga pulis sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

 

 

Kinilala ni Malabon police chief Col. Joel Villanueva ang nasawing mga suspek na sina Nolito Cimanes, alyas “Koping” at kanyang pamangkin na si Manuel Cimanes, 34, construction worker at kapwa ng 444 Gulayan St. Brgy. Catmon.

 

 

Batay sa report nina police investigators PMSg Julius Mabasa at PSSg Ernie Baroy kay Col. Villanueva, dakong alas-10:45 ng gabi nang respondehan ng mga tauhan ng Malabon Police Intelligence Unit sa pangunguna ni PLT Joseph Alcazar ang natanggap na tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y nagpaputok ng baril sa Gulayan St., Brgy. Catmon.

 

 

Pagdating sa lugar, nakita ng mga pulis si Nolito na may hawak na baril at nang mapansin ng suspek ang mga parak ay kaagad niya itong pinaputukan habang naglabas din ng isang granada si Manuel.

 

 

Para ipagtanggol ang kanilang sarili, gumanti ng putok ang mga pulis hanggang sa tamaan sa katawan ang mga suspek bago pa man maihagis ni Manuel sa kanila ang hawak nitong granada.

 

 

Matapos ang insidente, isinugod ng mga pulis sa Ospital ng Malabon ang mga suspek subalit, idineklarang dead on arrival ang mga ito sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.

 

 

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO at EOD team sa pangunguna ni PSSg Rodel Victor sa crime scene ang isang M26 fragmention hand grenade, cal. 38 revolver na kargado ng apat na bala at dalawang basyo ng bala, itim na sling bag na naglalaman ng tatlong sealed plastic sachets ng hinihinalang shabu, P170 cash at anim na basyo ng bala ng cal. 9mm. (Richard Mesa)

DOH sa publiko: Huwag magpapabakuna sa mga ‘illegal vaccination sites’

Posted on: May 1st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko kasunod ng mga ulat na may ilang grupo ang nagsasagawa ng hindi otorisadong pagbabakuna laban sa COVID-19, sa mga hindi rin opisyal na vaccination site.

 

 

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, delikadong magpabakuna sa mga hindi opisyal na vaccination site dahil walang katiyakan na dumaan ang mga ito sa standards ng ahensya.

 

 

Hindi rin daw masisiguro na galing sa gobyerno ang mga bakuna, gayundin ang monitoring sa mga indibidwal matapos mabakunahan.

 

 

“Any vaccination site that will be assigned as official vaccination site, ini-inspect yan ng DOH because we have standards that we have set kung ano dapat yung mga facility natin for vaccination site.”

 

 

“Kung hindi yan (pagbabakuna) sa official vaccination site, ang isang issue diyan ay how are we going to track these patients if these was done na hindi alam ng department.”

 

 

Paliwanag ni Vergeire, hanggang isang taon imo-monitor ng ahensya ang mga naturukan ng COVID vaccines, para makita ang pangmatagalang epekto ng mga bakuna.

 

 

“Kung magkakaroon ng private vaccination sites kailangan masigurado kung saan galing ang bakuna, ito ba ay galing sa national government? Mayroon bang local government na nakipag-coordinate sa kanila para magkaroon ng ganitong bakunahan?”

 

 

“Itong mga bakunang walang rehistro, hindi masisiguro ng gobyerno na ito ay ligtas at makaka-protekta laban sa COVID-19.”

 

 

Una nang nagbabala ang DOH at Food andd Drug Administration sa mga doktor at healthcare workers na tatanggalan sila ng lisensya kapag napatunayang nasangkot sila sa illegal vaccination, lalo na ang mga nagamit ng hindi pa rehistradong bakuna.

 

 

Sa huling tala ng DOH, aabot na sa 3,263 ang bilang ng official COVID-19 vaccination sites sa buong bansa.

 

 

Ngayong araw naman inaasahang maglalabas ang National Task Force against COVID-19 ng update sa kabuuang bilang ng mga nabakunahan na laban sa COVID-19 buong Pilipinas.

4 nalambat sa buy bust sa Malabon

Posted on: May 1st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Kulong ang apat na hinihinalang drug personalities kabilang ang isang 18-anyos na bebot matapos masakote sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

 

 

Kinilala ni Malabon police chief Col. Joel Villanueva ang naaresrong mga suspek na si Harold Arroyo, alyas “Akyat”, 47, Usha Tobias, 18, kapwa ng NHC Road Tala, Caloocan City, Sherwin Operario, 25 ng Brgy. Longos, at Niño Cacnio, 44 ng Brgy. Acacia.

 

 

Ayon kay Col. Villanueva, dakong 12:05 ng madaling araw nang masagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Amadeo Tayag ng buy bust operation sa Maria Clara St. Brgy. Acacia.

 

 

Nagawang makapagtransaksyon ng isang pulis na nagpanggap na buyer sa mga suspek ng P500 halaga ng droga at nang tanggapin ng mga ito ang marked money mula sa poseur-buyer ay agad silang inaresto ng mga operatiba.

 

 

Nakumpiska sa mga suspek ang limang plastic sachets na naglalaman ng nasa 12.77 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P86,836.00 ang halaga at buy bust money.

 

 

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

Santiago interesadong mag-SEAG at AWVC

Posted on: May 1st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

PINANGUNAHAN ng sikat na si Alyja Daphne ‘Jaja’ Santiago ang 16 na mga dumalo buhat sa 40 inanyayahan ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa women’s indoor team tryout nitong Miyerkoles sa Subic Gymnasium sa Zambales.

 

 

Karay ng Japan V. League gold medalist sa pagtitipon sina incoming Premier Volleyball League (PVL) stars Abigail ‘Aby’ Maraño, Mary ‘Majoy’ Baron, Mylene Paat, Dell Palomata,  Iris Tolenada, at Ria Meneses.

 

 

Nagsadya rin sina Ejiya ‘Eya’ Laure, Faith Janine Shirley Nisperos, Jennifer Nierva, Ivy Lacsina, Mhicaela Belen, Alyssa Solomon, Bernadette Pepito, Kamille Cal, at Imee Hernandez.

 

 

“The federation puts the health and safety of the participants in equal footing with our goal of forming the national teams as soon as possible,” bigkas ni PNVF president Ramon Suzara.

 

 

Hinirit pa niyang ang mabubuong koponan ang magiging pambato ng bansa para sa 31st Southeast Asian Games 2021 sa Hanoi, Vietnam sa Nobyembre 21-Disyembre 2, at sa 21st Asian Women’s Volleyball Championship sa itatakda pang petsa sa Agosto sa Pilipinas o sa China.

 

 

Pinangasiwaan ni national coach Arthur  Mamon ang kaganapan na hindi napuntahan ni  Mar-Jana ‘MJ’ Phillips na nasa quarantine sa pagkapositibo ng isang Sta. Lucia Realty staffer.

 

 

Idinagdag ni Suzara na ang mga hindi nakapunta’y malamang na hindi na masama sa team maliban na lang kung balido ang rason.

 

 

Tama lang iyan Tats. Nasa likod mo ang Opensa Depensa.

Cong. Tiangco nagpositibo sa COVID-19

Posted on: May 1st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Inanunsyo ni Navotas City Congressman John Rey Tiangco na positibo siya sa COVID-19 makaraang lumabas sa kanyang RT-PCR na kumpirmado ang naging resulta nito.

 

 

Sa post niya sa kanyang facebook account, unang sinabi ni Cong. Tiangco nagpositibo siya sa kanyang antigen test kaya’t agad siyang nagpa RT-PCR test.

 

 

“Mabuti naman po ang aking pakiramdam at kasalukuyan po akong naka-quarantine. Patuloy po akong magbibigay ng ulat sa inyo tungkol sa aking kalagayan” ani Cong. Tiangco.

 

 

Nanawagan siya sa kanyang mga nakasalamuha na mainam na magpa-swab test para na rin para sa kanilang kaligtasan. Libre aniya ang RT-PCR swab test at makipag-ugnay lamang sa kanilang barangay o health center.

 

 

“Sa kabila ng lahat ng aking pag-iingat, hindi pa rin po ako nakaligtas sa virus na ito. Sabi nga nila, OA ako dahil doble-doble ang aking face mask, di ako umiinom o kumakain kapag nasa labas, at nagbibihis at naliligo agad pagdating ng bahay. Gayunpaman, nahawaan pa rin po ako. Kaya higitan n’yo pa po ang inyong pag-iingat, lalo na kung di talaga maiwasang lumabas ng bahay para magtrabaho” pahayag ni Cong JRT.

 

 

“Gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya para maipagpatuloy ang aking mga tungkulin at mga programang ating nasimulan” dagdag niya.

 

 

Nagpapasalamat ang mambabatas sa lahat ng mga nag-aalala at mga nanalangin para sa kanyang paggaling sa lalong madaling panahon. “Sa awa ng Panginoon, malalampasan din po natin ang pagsubok na ito!” Sabi niya. (Richard Mesa)