NAIS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tumakbo ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte sa pagka-Pangulo sa 2022 elections.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque nang pigain ng media kung bakit nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ngayon sa pagitan nina Pangulong Duterte at PDP-Laban chair, at ruling party’s acting President Senator Emmanuel “Manny” Pacquiao.
“Sinabi niya na gusto niya i-endorso si Inday Sara pero kung ayaw talaga, let us see who has the numbers: Senator Pacquiao, Mayor Isko (Moreno), former Senator Bongbong Marcos,” ayon kay Sec. Roque.
“Di nakaantay si Senator Pacquiao,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Bilang paglilinaw na rin sa naunang naging pahayag ni Pangulong Dutrte na ayaw nitong tumakbo si Mayor Sara sa pagka-pangulo sa 2022 elections, kinumpirma ni Sec. Roque na nais talaga ng Pangulo na tumakbo ang kanyang anak sa pagka-pangulo.
“Sinabi niya, gusto n’ya ring tumakbo si Mayor Sara pero ayaw ni Mayor Sara,” anito.
Sa kabilang dako, binalaan ni Pangulong Duterte si Pacquiao na ibubunyag nito ang pagiging sinungaling ng Pambansang Kamao.
Hindi kasi nagustuhan ng Chief Executive ang banat ni Pacquiao na malala ang korapsyon sa ilalim ng Duterte administration.
Hindi naman sinagot ni Sec. Roque ang tanong kung nais ba ng Pangulo na patalsikin mula sa PDP-Laban si Pacquiao subalit nagpahiwatig na ang Pangulo ay walang “longstanding ties” sa political party.
“He recognizes that PDP-Laban is the Pimentel family’s party,” ayon kay Sec. Roque.
Nauna rito, sinabi naman ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na si Pacquiao, isang professional boxer, ay “good choice” para sa PDP-Laban’s presidential bet sa 2022 polls. (Daris Jose)