MASAYA at na-excite ang mga fans at followers ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa balitang magbabalik-telebisyon na siya.
Last week kasi, sinagot ni Marian ang tanong ng isang fan sa kanyang Instagram kung kailan siya muling magkakaroon ng show.
“Kailan po kayo ulit magkakaroon ng bagong show, sobra na ang pagka-miss ko sa ‘yo, gabi-gabi pa rin akong nakaabang sa TV para manood ng “Endless Love” (na niri-replay ngayon ng GMA-7 na tampok sila ni Dingdong Dantes). For sure hindi ako lamang ang nakaka-miss sa iyo.”
Mabilis naman itong sinagot ni Marian. “Awww, maraming salamat. Soon, inaayos lamang ang script.”
Huling napanood sa teleserye si Marian noon pang 2018, dapat ay gagawin niya ang First Yaya, pero nagkaroon nga tayo ng pandemic, kaya nag-beg-off si Marian, dahil hindi siya pwedeng mag-lock-in taping dahil bini-breast feed pa niya ang bunso nila ni Dingdong na si Ziggy.
Hindi naman lubusang hindi na napanood si Marian, dahil every Saturday ay tuloy pa rin siyang nagho-host ng OFW documentary episodes ng Tadhana, dahil sa bahay siya dinidirek ni Dingdong ng mga spiels ng serye.
***
MUKHANG tinututukan ng mga netizens ang cultural drama series na Legal Wives kaya nakakatanggap ang GMA Network ng mga papuri mula sa mga viewers.
Bukod sa mahusay na cinematography, puring-puri rin ang mahusay na pagganap ng cast sa kani-kanilang characters.
Pero si Ashley Ortega, nakatikim ng inis ng mga viewers sa pagganap niya bilang si Marriam, na in love na in love kay Ismael (Dennis Trillo) at sumuway siya sa mga ipinagbabawal ng kanilang religion kaya nagkaroon ng rido or clan war.
Sa interview kay Ashley ng 24 Oras, inamin niyang nakakatikim siya ng galit ng mga viewers.
“Kapag nababasa ko po ang sinasabi nila, medyo nakakatakot din, pero ipinaliwanag ko po naman sa kanila na ganoon talaga ang character na ginagampanan ko. At nagpapasalamat din ako sa kanila dahil ibig sabihin ay tama ang pag-portray ko sa role na ibinigay nila sa akin.
“Sorry po, pero marami pa akong eksenang dapat ninyong abangan.”
***
MARAMI namang nalungkot na nagpaalam na agad ang character ni Alfred Vargas as Nasser Makadatu, kapatid ni Ismael, at asawa naman ni Amirah (Alice Dixson).
Siya ang tumanggap ng bala na dapat ay kay Ismael, na ikinamatay niya.
“Masaya naman ako kahit guest role lamang ang ginampanan ko,” sabi ni Alfred “Masaya ako na naging bahagi ako ng serye, dahil kahit konti pa lamang ang napapanood ko, mahusay ang pagkakadirek ni Zig Dulay, very cinematic, epic talaga.”
Napapanood ang Legal Wives gabi-gabi, pagkatapos ng The World Between Us sa GMA-7.
***
FIRST time lamang kayang magtatambal sa TV ang real-life couple na sina Tonton Gutierrez at Glydel Mercado?
Ang mag-asawa ang bibida sa fresh episode ng Magpakailanman sa Saturday, August 7, sa “I Will Survive: The Lynlin Enriquez Dumoran Story.”
Tiyak na paiiyakin ang mga televiewers ng #MPK sa pagtama ng cancer kay Lynliu at pumanaw naman ang asawa niyang si Waldo (Kiel Rodriguez). Mahuhulog ang loob ni Lynlin kay Eddie (Tonton), kapatid ni Waldo. Masusubok ang kanilang pagsasama at pananampalataya nang tamaan ng Stage 3 breast cancer si Lynlin.
Kasama rin nila sina Jeniffer Maravilla at Jeremy Sabido sa Magpakailanman pagkatapos ng Catch Me Out Philippines, sa GMA-7.
(NORA V. CALDERON)