TINIYAK ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila na sa kabila ng ipatutupad na dalawang linggong Enhance Community Quarantine (ECQ) simula sa Biyernes ay tuloy pa din ang kanilang pagbibigay ng serbisyo sa publiko partikular na sa mga Manilenyo.
Batay sa inilabas na memorandum ni Manila City Administrator Felixberto Espiritu sa lahat ng Head Departments, Offices at Bureaus ng Manila City Hall, ipatutupad ang “skeletal workforce alternative work arrangement” sa mga nasabing partikular na ang Office of the Mayor, Office of the Secretary to the Mayor, Manila Public Information Office, Office of the City Administrator, City Personnel Office, Manila Barangay Bureau, City General Services Office, City Budget Office, Office of the City Accountant, City Treasurer’s Office, Department of Public Services, Op. Div. & Dist. Offs., Dept. of Engineering & Public Works Operations, Department of Assessment, Bureau of Permits, Manila Hawkers Office, Public Recreations Bureau, Operations, at ang Parks Development Office.
Ang mga sumusunod na departamento, bureaus at mga tanggapan ay magkakaroon ng buong operasyon sa nasabing dalawang linggo maliban sa mga tauhan na nakabase sa mga tanggapan at ito ang mga sumusunod: Manila Health Department kabilang ang North at South Cemeteries, lahat ng pampublikong ospital na pinapatakbo ng pamahalaang lungsod, Manila Disaster Risk Reduction Management Office, Manila Department of Social Welfare, Manila Traffic and Parking Bureau, Veterinary Inspection Board, at Market Administration Office.
Ang lahat ng mga tanggapan na hindi nabanggit ay magpapatupad ng “work from home alternative work arrangement”. Habang ang mga senior citizen, PWD’s, buntis, at mga edad 21 gulang pababa na mga opisyal at empleyado ng pamahalaang lungsod ay isasailalim sa “work-from-home”.
Ayon kay Espiritu, mahigpit pa rin na ipatutupad ang health protocol sa loob ng Manila City Hall kung saan hindi maaaring makapasok ang mga senior citizen at mga menor de edad upang mabawasan ang dami ng tao na pumapasok sa gusali.
Maging ang ilang tanggapan tulad ng civil registry, tubusan ng lisensiya ng MTPB atbp. ay hanggang 300 lang ang maaaring papasukin at maserbisyuhan sa panahon ng ECQ para mapanatili ang social distancing.
Nabatid pa kay Espiritu na muling ipatutupad sa mga pampublikong pamilihan o palengke sa lungsod ang “one entry, one exit policy” upang makontrol ang dami ng mga mamimili at mapanatili ang physical distancing.
Pinaalalahanan din ni Espiritu ang Manilenyo na huwag mag-“panic buying” dahil sapat naman umano ang suplay ng mga pagkain sa merkado.
Aniya, 24/7 pa din naman ang delivery sa panahon ng ECQ kung saan maaari silang magpadeliber ng pagkain anumang oras.
“24/7 ang delivery, dapat mabigyan sila ng pagkakataon na kumita. Kawawa naman ang mga tao lalo na ngayong ECQ,” giit ni Espiritu. GENE ADSUARA