KINUKUNSIDERA ngayon ng pribadong sektor na bakunahan ang mga anak ng kanilang mga empleyado.
“Ang vaccination level of acceptance dito sa private sector, ang taas, umaabot ng 90 to 100%…So now what we’re telling them, bakunahan na rin namin ‘yung mga anak ng empleyado namin,” ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion sa Laging Handa public briefing, araw ng Martes.
Sinusubukan aniya nila ngayon ang “pierce the family bubble.”
Ani Concepcion, ang mga miyembro ng pamilya ay nagkakasakit dahil ang hindi bakunadong anak na maaaring lumabas na ng bahay ay maaaring makapagdala ng virus sa kanilang tahanan.
“We have to really vaccinate everybody in the family bubble as we are looking into vaccinating everybody in the negosyo bubble,” anito.
Hindi naman nagbigay ng pigura si Concepcion kung ilang anak ng kanilang empleyado ang kanilang babakunahan.
Noong Hunyo, inaprubahan ng Philippine Food and Drug Administration ang emergency use ng Pfizer’s COVID-19 vaccine para sa mga menor de edad na 12 hanggang 15.
Noong nakaraang buwan, nabigyan ang Moderna’s vaccine ng emergency use authorization para sa 12 hanggang 17 gulang.
Noon din nakaraang buwan, inanunsyo ng gobyerno na ang immunocompromised children na may edad na 12 hanggang 17 ang babakunahan sa oras na makakuha ng go signal mula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Ngayon na approved na ang Pfizer at Moderna for children by our FDA and they are…testing for 12 to 17…Once that passes, then we can be given the go signal to vaccinate,” ayon kay Concepcion sabay sabing mayroon silang “on hand vaccines” na maaaring gamitin sa programa.
Samantala, sa Talk to the People ni Pangulong Duterte, araw ng Lunes, sinasabing may 50 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang naiturok kabilang na ang 23 milyong fully vaccinated.
Sa Kalakhang Maynila lamang, mayroon namang 77% o 7.5 milyong indibiduwal ang fully vaccinated. (Daris Jose)