• November 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 8th, 2022

BONGBONG ‘LUCKY 8’ SA LISTAHAN NG MGA KANDIDATO NG COMELEC

Posted on: January 8th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAG-IISA na lamang ngayon si Partido Federal ng Pilipinas standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na may apelyidong Marcos base sa inilabas na candidates’ list ng Commission on Election (Comelec).

 

 

Sa pinakahuling listahan ng Comelec na isinapubliko nitong Enero 4, 2022, lumalabas na si Marcos Jr., ang presidential candidate number eight.

 

 

Ang numerong walo ay itinuturing na lucky number sa mga Chinese.

 

 

Matatandaan na nagsimula ang listahan sa 97  na pawang mga gustong tumakbong pagka-pangulo pero bumaba ang bilang nito sa 15 bago mag-Pasko matapos ideklarang nuisance candidate ng Comelec ang ibang mga personalidad.

 

 

Nitong Enero 4, bumaba na lamang ang bilang sa 11.

 

 

Kabilang sa mga natanggal ang kaapelyido ni Marcos Jr., na si Maria Aurora Marcos, isang negosyante sa Tarlac. Bago mag-Pasko isa pang kaapelyido ni Marcos Jr., na si Tiburcio  ang nauna nang tinanggal sa listahan ng Comelec.

 

 

Matatandaan din na ilang grupo ang nagsampa ng aabot sa pitong petisyon sa tanggapan ng Comelec para pigilan ang pagtakbo ni Marcos Jr., sa 2022 elections.

 

 

Nito ring Enero 4 ay ibinasura ng Comelec ang isinampang petisyon nang nuisance candidate na si Tiburcio na nanawagan na ikansela ang Certificate of Candidacy (COC) ni Marcos Jr., dahil isa umano itong impostor.

 

 

Isa pang petisyon na isinampa naman ni Danilo Lihaylihay na humihiling na gawing nuisance candidate si Marcos Jr., ang ibinasura rin ng Comelec nitong Disyembre 16, 2021.

 

 

Kaugnay nito, patuloy namang namamayagpag sa mga serye ng survey ang BBM-Sara UniTeam at nananatiling pinaka-pinagkakatiwalaan at pinakamaraming taga-suporta sa lahat ng mga nangangarap na tumakbong pangulo at bise-presidente.

 

 

Ayon sa pinakahuling survey ng OCTA Research, si Marcos Jr., ay nakapagtala ng 54 percent sa presidential survey habang ang kanyang running mate na si Davao Mayor Sara Duterte ay nakakuha rin ng 50 percent sa vice presidential race.

 

 

Abala ngayon ang BBM-Sara UniTeam sa pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng super typhoon Odette.

 

 

Pinakilos ng tandem ang kanilang mga taga-suporta para mamigay ng relief goods, tulong pinansyal, mga water filtration units, at mga satellite broadband communication equipment sa mga biktima ng bagyo.

 

 

Ipinagpaliban din muna ng BBM-Sara UniTeam ang kanilang mga caravan at iba pang aktibidad sa pulitika para masiguro ang kaligtasan ng lahat matapos ang panibagong banta sa Covid19.

 

 

Kasabay nito ang panawagan ng BBM-Sara UniTeam na magpabakuna na ang lahat dahil ito ang pinakamabisang sandata laban sa virus.

HINDI pa pala masisimulan ang movie na pagtatambalan nina Alden Richards at Bea Alonzo.

Posted on: January 8th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Inaayos pa raw ang final schedule. At dahil galing abroad si Alden, he needs  to stay in quarantine for 14 days to be sure dahil may bagong Covid-19 variant na naman.

 

 

Pero nag-uusap na raw ang Viva at ang GMA para sa gagawin teleserye ni Bea. Kailangan daw mag-coordinate sa schedule para sa gagawin na teleserye.

 

 

Sabi ng mga detractors ni Bea, lumamlam daw ang career nito since lumipat sa GMA. Wala pa kasi nasimulan na project ang aktres eh noong July 2021 pa siya pumirma sa Kapuso network.

 

 

Gusto lang siguro makatiyak ng management team ni Bea na maging maayos lahat ng requirements sa movie with Alden at TV series para pag nagsimula ang trabaho ay wala nang aberya.

 

 

***

 

 

DAHIL election, nariyan na naman ang mga politiko, datihan man o baguhan ang lumalapit sa entertainment press para humingi ng suporta.       Pero ilang beses na namin naranasan na kilala lang ng mga politiko ang entertainment press sa panahon ng kampanya.

 

 

Iilan lang sa mga politiko na humingi ng suporta sa entertainment media ang nakaalaalang bumalik at magpasalamat sa tulong. Noong panahon ng pandemya, iilan sa mga politician ang dumamay sa mga members ng entertainment media who were also affected by the pandemic.

 

 

We are hoping na Kapamilya sectoral party-list, na ang isa sa nominees ay ang dating ABS-CBN writer na si Jerry Gracio, ay magiging kakampi ng media workers if ever palarin silang manalo sa election.

 

 

Ang KAPAMILYA ay sectoral party-list ng formal at informal labor, kasama ang mga manggagawa sa media.

 

 

Itinatag ito ng labor union leaders, marginalized sector representatives, creatives, at media workers.

 

 

Lumalahok ang KAPAMILYA Party-list sa eleksyon para magkaroon ng dagdag na representasyon ang mga manggagawa para mabalik ang—sa aming paniniwala—ay orihinal na intensiyon sa 1987 Constitution: Ang representasyon ng sektor na underrepresented at marginalized sa Kongreso.

 

 

Kabilang sa core legislative agenda ng Kapamilya ay job and income security – sapat na trabaho at sahod na nakabubuhay; food security – pagkain sa bawat mesa; worker’s health o kalusugan ng manggagawa; social and economic protection for media and entertainment workers, creatives and content creators – para matiyak ang ganap na kalayaan sa pamamahayag.

 

 

Itataguyod ng Kapamilya ang malayang pamamahayag. Isusulong ng Kapamilya hindi lang ang prangkisa ng ABS-CBN, kundi ang pagbibigay ng prangkisa sa iba pang estasyon o network, lalo na ‘yung nasa rehiyon, sa interes ng malayang pamamahayag, at sa patuloy na pagbibigay ng impormasyon at aliwan.

 

 

Media Workers’ Safety Standards. Gamit ang best practices ng mga kompanya ng broadcast media at entertainment sa kasalukuyan, isusulong ng KAPAMILYA ang kagalingan at kaligtasan ng media workers, kasama ang oras sa trabaho, suweldo, benepisyo, at job security, gaya ng iba pang manggagawa sa ibang industriya. Isusulong din ng Kapamilya ang social at economic protection para sa independent media workers, creatives, at content creators.

 

 

Dalawa lang ito sa adhikain na nais isulong ng Kapamilya Partylist. We are hoping na sila ay manalo para magkaroon ng boses sa Kongreso ang mga grupong totoong marginalized at hindi extension ng kilalang political parties.

 

(Ricky Calderon)

DILG may sapat na contact tracers dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19

Posted on: January 8th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Tiniyak ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mayroon silang sapat na contact tracers lalo na ngayong patuloy muli ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

 

 

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Ano, na naging agresibo ang mga local government units sa paglaban ng banta ng Omicron coronavirus variant.

 

 

Ipinatupad aniya nila ang Preventioin and Detection, Isolation and Treatment at Rehabilitaion plus vaccination.

 

 

Aabot sa mahigit 80,000 na contact tracers ang ipinakalat nila habang mayroong mahigit 284,000 na mga medical personnel at mahigit 68-K na mga support staff.

 

 

Mayroon aniyang sapat pa rin na isolation at quarantine facilities ang bansa.

 

 

Mahigpit din na sinusunod ng PNP ang kautusan ng Pangulo na magbantay sa mga quarantine hotel para walang makatakas sa mga nakatakdang magpa-quarantine. (Daris Jose)

100 mga stranded na OFWs sa Bahrain, nakauwi na sa Pilipinas – DFA

Posted on: January 8th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Nakauwi na mula sa bansang Bahrain ang nasa 100 na mga stranded na overseas Filipino workers (OFWs).

 

 

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), dumating sa bansa ang mga nasabing mga OFW noong Enero 1, 2022 sa isang special repatriation flight.

 

 

Sasailalim naman sa isang facility-based quarantine ang mga bagong dating OFWs, alinsunod sa ipinatutupad na health protocols ng bansa kabilang na ang COVID-19 RT-PCR test.

 

 

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola sa mga partners ng gobyerno, mga ahensya ng pamahalaan,at mga private sectors na nagtulong-tulong upang maisakatuparan ang isinagawang repatriation flights para sa mga kababayan nating OFW.

 

 

Ipinangako naman ng opisyal na magpapatuloy ang DFA sa kanilang sinumpaang tungkulin na pangalagaan at protektahan ang karapatan ng mga OFW.

IATF, hangad na iklian ang isolation period para sa mga fully vaccinated health workers

Posted on: January 8th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HANGAD ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na iklian ang isolation period para sa mga fully vaccinated health workers ng limang araw.

 

 

Sinabi ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na itinalaga ng IATF ang Department of Health na mag- produce o gumawa ng specific protocols kung paano ipatutupad ang shortened quarantine.

 

 

“‘Yung hospital infection prevention and control committees will be authorized  dito sa mga hospitals… they will be authorized to implement shortened quarantine protocols for five days for fully vaccinated health care workers,” ayon kay Nograles, co-chair ng IATF.

 

 

“And then in extreme circumstances, yung mga fully vaccinated healthcare workers na under isolation in extreme circumstances and weighing risks and benefits, puwede rin ma-shorten ang kanilang isolation protocols,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Gayundin, sinabi ni Nograles na ang asymptomatic COVID-19 confirmed cases at maging ang mga close contacts ay maaaring sumailalim sa home quarantine.

 

 

Ang DOH ay muling lilikha ng protocols kung paano ito ipatutupad.

 

 

“‘Yung home isolation as mentioned kanina, ‘yung home isolation ng COVID-19 confirmed individuals na asymptomatic mild or moderate disease and home quarantine of close contacts of suspect probable or confirmed COVID-19 cases,” ani Nograles. (Daris Jose)

Ads January 8, 2022

Posted on: January 8th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Hawaan ng COVID-19 sumipa sa 45% nitong Enero 4 – OCTA

Posted on: January 8th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Sumipa na sa 45 percent ang hawaan ng COVID-19 sa Metro Manila nitong nakalipas na Enero 4, mas mataas sa dating 40 percent positivity rate sa Kalakhang Maynila.

 

 

Bunga nito, inaasahan ng OCTA Research Group na pumalo ang bagong CO­VID-19 cases sa kada araw sa 10,000 hanggang  11,000 dagdag na kaso ng virus.

 

 

“This projects to 15,000 to 16,000 new COVID-19 cases in the Philippines on January 6, with 10,000 to 11,000 new cases in the NCR. This would eclipse the previous high in the NCR of 9,031 on September 11, 2021,” ayon kay Dr. Guido David ng OCTA Research Team.

 

 

Anya  ang  surge  ay wala pa sa peak at inaasahang aabutin ng  lampas  20,000  ang bagong kaso ng COVID ngayong Enero 7.

 

 

Nitong Miyerkules ay nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng  10,775  bagong COVID-19 cases. Ang pagtaas ng infections ay nagsimula nang may 14 na kaso ng Omicron variant ay naitala sa Pilipinas.

 

 

Sa 14 ay 11 ang mula sa abroad at 3 ay local cases.

‘Di magdedeklara ng martial law kahit tumataas ang COVID-19 cases sa Phl – Lorenzana

Posted on: January 8th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Mariing itinanggi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang lumulutang ngayon sa social media hinggil sa pagpapatupad ng martial law upang sa gayon masolusyunan ang panibagong surge ng COVID-19 cases sa bansa.

 

 

Binigyan diin ni Lorenzana na hindi totoo ang mga balitang ito gayong wala naman talagang compelling reason para magdeklara ng martial law.

 

 

Ayon kay Lorenzana, na chairman din ng National Task Force Against COVID-19, ang 17,220 na bagong COVID-19 infections na naitala kahapon, Enero 6, 2022, ay mas mababa naman sa naitalang mahigit 26,000 noong 2021.

 

 

Dagdag pa niya na kahit mas nakakahawa, ang Omicron variant, na siyang pinaniniwalaang nasa likod nang pagsirit ng COVID-19 cases, ay hindi ganon kabagsik kumpara sa Delta variant.

 

 

Samantala, pinag-aaralan pa aniya sa ngayon ng IATF ang posibilidad na magpatupad ng mas mahigpit na mga restrictions sa National Capital Region.

 

 

Kahapon, pumalo na sa mahigit 2.8 million ang COVID-19 tally sa Pilipinas matapos na makapagtala ng 17,220 na bagong infections.

 

 

Mga pharmaceutical companies handang magsuplay ng mga gamot na nagkukulang sa mga botika – DTI

 

 

Nagbigay na ang katiyakan ang Department of Trade and Industry (DTI) na mayroong kakayahan ang mga local pharmaceutical companies na mapunan ang pangangailangan ng mga Filipinos na paracetamol at ibang mga over-the-counter na gamot.

 

 

Kasunod ito sa reklamong natatanggap ng ahensiya na nagkakaroon ng kakulangan ng suplay ng nasabing mga gamot sa iba’t ibang botika sa bansa.

 

 

Sa ginawang talk to the people nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na mayroon umanong malaking production capacities ng mga local manufacturers.

 

 

Paglilinaw nito na hindi nagkakaroon ng shortage ng mga gamot at sa halip ay nawawalan lamang ng stocks ito sa mga botika dahil sa laki ng demand.

 

 

HInikayat nito ang mga mamamayan na huwag magpanic-buying ng mga gamot.

Pangulong Duterte, ipinag-utos ang pag-aresto sa mga black marketeers ng COVID-19 medicines

Posted on: January 8th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga tagapagpatupad ng batas na arestuhin ang mga black marketeers ng COVID-19 medicine habang patuloy na nakikipagpambuno sa pandemya.

 

 

Sa Talk to the People, ni Pangulong Duterte, Huwebes ng gabi, sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) officer-in-charge Dr. Oscar Gutierrez na nagpalabas na sila ng certificate of product registration noong Disyembre 27, 2021 sa Remdesivir para mapigilan ang “overpricing” at maiwasan na maibenta ito sa black markets.

 

 

“Remember nagkaroon ng increase ng black market of remdesivir. Finally this will come to an end, we issued the CPR last December 27,” ayon kay Gutierrez.

 

 

“That means it can now be supplied to public drug outlets para mawala ang black market,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Nang marinig ng Pangulo ang pahayag na ito ni Gutierrez, hinikayat ng Chief Executive ang mga mambabatas na habulin ang mga black marketeers, na sinasamantala ang nangyayaring financial difficulties dahil sa pandemya.

 

 

“‘Yung black market, at this time lalo na na may naghihirap, ‘yung black market, ‘yung nahuli I would insist for the police to arrest them and detain them for investigation,” ayon sa Pangulo.

 

 

“If it is a serious offense that would be about 24 hours of detention and that time, you can investigate,” dagdag na pahayag nito. (Daris Jose)

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 1) Story by Geraldine Monzon

Posted on: January 8th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Pinulot ng manghuhulang si Madame Lucia ang magkabuhol na kuwintas na nakakalat sa lupa sa tapat ng isang bakanteng apartment.

 

 

“Hmmm…hindi ito basta kuwintas lang. Nababalot ito ng kapangyarihan ng pag-ibig…at nararamdaman ko, makikilala ko na ang susunod na magmamay-ari ng mga ito…” ibinulsa ng matanda ang kuwintas at tinungo ang bakanteng apartment.

 

 

“Lola, ano hong kailangan nyo?” tanong ng isang babae sa kalapit na bahay.

 

 

“ Itong apartment sana. Kailangan ko ng matutuluyan. Maaari ko bang makausap ang may-ari?”

 

 

“Sige po, tara sasamahan kita sa kanya.”

 

 

Samantala.

 

 

Tahimik na nagkakape si Angela sa terrace ng kanilang bahay habang pinagmamasdan ang tahanang inihandog sa kanya ni Bernard. Ang saya at napakagaan ng pakiramdam niya. Lalo na kapag naaalala niya ang mga pinagdaanan nila. Kinikilig pa rin siya sa tuwing sasagi sa isipan niya ang nangungusap na tingin ni Bernard. Ang mapang-akit na labi nito. At ang mahigpit na yakap na palagi niyang dinadama kahit wala ito sa tabi niya.

 

 

“Bernard…” sambitin lang niya ang pangalan nito ay may kuryente ng hatid sa kaibuturan ng kanyang puso. Wala na siyang mahihiling pa. ibinigay na sa kanya ni Bernard ang lahat ng kailangan niya. Ang magandang bahay, masaganang buhay at higit sa lahat, ang tunay nitong pagmamahal . Ang wagas na pag-ibig na nagbuklod sa kanilang dalawa sa kabila ng mga pasakit na pinagdaanan nila noon.

 

 

Naalala pa niya ang nakaraan…

 

 

Takot na takot siya noon.

 

 

“Angela…”

 

 

“L-Lasing siya…”

 

 

Tinabihan siya ni Bernard sa kama.

 

 

“Ilang linggo na ang lumipas, siguro nama’y wala ka ng mens…”

 

 

Abot-abot ang kaba ni Angela. Ano pa ba ang maidadahilan niya? Sa kabila nito ay sinubukan pa rin niyang tumanggi nang tangkain ni Bernard na hubarin ang suot niyang pantulog.

 

 

“A-Ayoko Bernard…”

 

 

“Bakit ba? Anong masama kung magsex tayo e mag-asawa na tayo diba?”

 

 

“P-Pero…”

 

 

Wala nang nagawa si Angela para mapigilan pa si Bernard. Ilang saglit pa’y magaganap na ang kanyang kinatatakutan. Ang pagkatuklas ni Bernard sa katotohanan. Ang kirot ng katawan ni Angela’y dinaig ng kirot na nararamdaman ng kanyang puso. Dahil tumatagos dito ang matalim na tingin ni Bernard.

 

 

Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ni Angela.

 

 

“Birheng birhen ka pa? Hindi pala totoong nagalaw kita noon! Sinamantala mo ang sobrang kalasingan ko para lokohin ako!”

 

 

Hiyang hiya si Angela noon sa sarili niya. Kung pwede nga lang na maglaho na lang siyang bigla nung mga sandaling iyon.

 

 

Isa lamang iyon sa mga eksenang hindi malilimutan ni Angela sa mga pinagdaanan nila ni Bernard. Ang eksenang iyon ang naging daan patungo sa masalimuot  na buhay pag-ibig  nila ni Bernard.

 

 

Naputol ang pagbabalik tanaw ni Angela nang biglang may mga palad na tumakip sa mga mata niya. Kilalang kilala niya ang may-ari niyon.

 

 

“BERNARD!”

 

 

“Yes, sweetheart, it’s me!” sabay alis ni Bernard ng mga kamay niya sa mga mata ng asawa.

 

 

Humarap sa kanya si Angela at yumakap.

 

 

“O akala ko ba mag-o-overtime ka ngayon?”

 

 

“Nagbago ang isip ko, na-miss kasi kita agad!”

 

 

Hinawakan ni Bernard ang kamay ni Angela patungo sa salas. Isinalang niya ang plakang paborito nilang pakinggan. Oo plaka. Iba kasi ang tunog nito na gustong gusto nila. Ito ang awiting ‘When the girl in your arms is the girl in your heart’ ni Cliff Richard.

 

 

Nang magsimulang tumugtog ang awitin ay ikinawit ni Bernard ang kamay sa beywang ng asawa. Idinantay naman ni Angela ang mga kamay niya sa balikat ni Bernard. Sinabayan nila ng malumanay na pag-indak ang malambing na pag-awit ni Cliff Richard.

 

 

Mula sa kanyang likuran ay kinuha ni Bernard ang isang tangkay ng pulang rosas at iniabot kay Angela.

 

 

“Oh, ang sweet mo talaga sweetheart!”

 

 

“Because you deserve all the sweetness, I love you sweetheart…”

 

 

“I love you more…”

 

 

Ang titig nila sa isa’t-isa ay nagsasabing tunay ang kanilang pag-ibig at walang sinuman o anuman ang makakapagbago niyon.

 

 

Sa apartment ni Madam Lucia. Ilang mahihinang katok ang nagpalingon sa kanya. Humugot muna siya ng malalim na paghinga bago binuksan ang pinto. Bumungad ang dalaga niyang apo na si Cecilia.

 (ITUTULOY)