TINAWAGAN ni Janine si Andrea upang kausapin ito subalit narinig niya ang mga paghikbi nito mula sa kabilang linya.
“Andrea, umiiyak ka na naman ba?”
“S-Sorry Janine…ba’t ka nga pala napatawag?”
“Lagi naman ako tumatawag sa’yo ng ganitong oras diba? Sabihin mo nga sa’kin, ano bang iniiyak mo?”
“Wala to…si Sir Jeff kasi…narinig kong sinabi niya ro’n sa babaeng isinama niya rito na, gusto na niya siyang pakasalan…”
“What? Ang bata bata pa niya kasal na agad ang nasa isip niya, alam mo feeling ko binobola lang niya yung girl, tas ikaw naman emo-emo ka d’yan!”
“Ewan ko ba, napakaiyakin ko lang siguro talaga. Kumusta ka naman?”
“A-Ayos lang ako…”
“Janine, ramdam kong may gusto kang sabihin sa’kin…sige na, makikinig ako kahit umiiyak ako rito.”
“O sige, bago ko sabihin sa’yo, magsmile ka muna d’yan.”
“O sige na nga, ayan na, naka-smile na’ko. Ikaw naka-smile ka na ba?”
“Ahm, eto, naka-smile na rin ako…”
“Sige sabihin mo na.”
“Si mama kasi…akala niya umaarte lang ako…akala niya gimik ko lang yung sakit ko…”
“Huh? May sakit ka? Palagi naman tayong magkausap pero ang sigla sigla mo lagi. Teka, ano bang sakit mo, trangkaso?”
“Kanser daw. Kanser sa dugo.”
Hindi nakakibo si Andrea sa kabilang linya. Ang ngiting pilit inilagay sa mga labi ay unti-unting napawi.
“Hoy Andrea, andyan ka pa ba?”
“Ang gara mo naman eh, ano ‘yon joke ba ‘yon, ‘wag mo ko i-prank please, ayoko ng mga ganyan!” inis na sabi ni Andrea.
“Hindi kita pina-prank. Totoo ang sinasabi ko.”
“Kung totoo ang sinasabi mo, sorry, pero hindi ko na kayang ngumiti pag ganyan…”
“O sige, pass muna tayo sa ngiti…Andrea, pwede bang ako muna ang umiyak ngayon?”
“Sige lang…lakasan mo, itodo mo, ibuhos mo. Nandito lang ako. “
Pero nung magsimula nang umiyak si Janine ay hindi rin napigilan ni Andrea ang sarili. Sinabayan niya ito sa pag-iyak. Nag-iyakan sila sa magkabilang linya. Mahigit isang oras pa silang nag-usap at dahil sa pag-uusap na ‘yon kahit papa’no ay lumuwag ang dibdib ni Janine. Ganoon din si Andrea na hindi maikubli ang labis na pag-aalala sa kaibigan.
Kumatok si Angela sa kuwarto ni Janine.
“Ma’am, tuloy ka po.”
“Nakaistorbo ba’ko?”
“Hindi naman po. Kakatapos lang po namin magkuwentuhan ni Andrea sa phone.”
Magkatabi silang naupo sa gilid ng kama ng dalaga.
“Janine, may hihilingin sana ko sa’yo eh…”
“Ano po ‘yon Ma’am Angela?”
“Can u call me mom?” walang pag-aatubiling tanong ni Angela.
“Po?”
Kinuha ni Angela ang isang kamay ni Janine.
“Kung nandito lang ang anak namin ni Bernard, kasing edad mo na rin siya at sigurado ako na maganda, mabait at masipag din siyang bata tulad mo. Ikaw ang nagpapaalala sa akin na meron akong anak. At ikaw din ang nagpaparamdam sa akin ngayon na gusto ko pa ring maging isang ina. Kaya sana hayaan mong maging ina ako sa’yo. Pwede ba?”
Hindi namalayan ni Janine ang paglalandas ng luha sa mga pisngi niya dahil sa sinabi ni Angela. Sa halip na sumagot ay isang mahigpit na yakap dito ang itinugon niya bilang pagsang-ayon sa sinabi nito.
“Mom…” mahina ang pagkabigkas ni Janine ngunit labis na itong ikinatuwa ni Angela.
Umaga.
Nagulat si Bernard nang biglang sumulpot si Regine sa opisina niya.
“R-Regine!”
“My gosh, nakaka-bad trip yung secretary mo ha, ayaw akong papasukin kahit na sinabi ko na sa kanyang we’re very good friends!”
“Kung yung babae sa table na ‘yon ang sinasabi mo, she’s not my secretary, supervisor siya rito.”
“Whatever!”
“Ano nga palang ginagawa mo rito?”
“Kakamustahin ko lang sana ang anak kong si Janine.”
“Ba’t hindi ka sa bahay nagpunta, she’s there with Angela and Lola Corazon.” Ani Bernard habang binubuklat ang mga pinipirmahang dokumento sa table.
“Bernard, nakalimutan mo na ba kung paano tumanggap ng bisita, baka naman gusto mo muna akong paupuin?”
“Sorry Regine, have a seat, ang dami ko lang kasing trabaho na kailangang tapusin. Well, Janine is…” natigilan si Bernard nang maalala ang kalagayan ni Janine.
“Yes I know, alam ko na ang sakit niya. That’s why I’m here para makiusap sana sa’yo…”
Lumapit si Regine kay Bernard at pinalungkot ng todo ang mukha.
“Alam mo naman ang kalagayan namin diba…kaya sa inyong dalawa ni Angela, gusto ko sanang makiusap na tulungan nyo ang anak ko na mapagaling siya…”
“Hindi mo na kailangang makiusap. Tutulungan talaga namin si Janine.”
“Ang totoo niyan, hindi ko alam kung paano sasabihin sa’yo ‘to eh…I’m so far from her, gusto ko na umuwi siya sa akin para doon siya magpagamot, pero tumatanggi siya. Ayaw niya kasi kayong iwan lalo na si Lola Corazon. Kaya naisip ko, baka pwedeng makituloy muna ako sa inyo or magrent ako malapit sa inyo just to be with her and take care of her. I can’t afford to lose another love one, but I don’t know what to do…kaya nga ikaw muna ang pinuntahan ko because you know me very well. Alam mong hindi talaga ako sanay na mag-isip ng solusyon sa mga ganitong problema…” umiiyak na sabi ni Regine.
Hindi makasagot si Bernard sa sinabi ni Regine. Saglit siyang nag-isip.
“Don’t worry, I’ll talk to Angela about this.”
“T-Talaga?”
Tumango si Bernard. Dahil doon ay biglang yumakap sa kanya si Regine.
“Thank you Bernard! Thank you!”
(ITUTULOY)