• July 3, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March, 2022

China dumipensa sa panghaharang sa PCG vessel, giit na teritoryo daw nila ang Panatag Shoal

Posted on: March 30th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

DUMIPENSA ang Chinese foreign misnistry sa panibagong kontrobersyang kinasangkutan ng isang barko nila na nagsagawa ng close distance maneuvering sa Philippine Coast Guard (PCG) vessel sa bisinidad ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea noong unang linggo ng Marso ng taong ito.

 

 

Ayon sa China ang naturang parte ng karagatan ay bahagi raw ng kanilang teritoryo.

 

 

Umasa raw ang China na igagalang ng Pilipinas ang kanilang soberenya, karapatan at interes sa ilalim ng domestic at international law lalo na ang bahagi raw ng Scarborough Shaol.

 

 

Ang naturang pahayag ay ginawa ni Chinese Foreign Ministry spokesman Wang Wenbin sa isang press conference bilang sagot sa ulat na inilabas ng PCG.

 

 

“Huangyan Dao (Panatag Shoal) is China’s inherent territory. China has sovereignty over Huangyan Dao and its adjacent waters as well as sovereign rights and jurisdiction over relevant waters,” ani Wang. “We hope that the Philippine ships will earnestly respect China’s sovereignty and rights and interests, abide by China’s domestic law and international law, and avoid interfering with the patrol and law enforcement of the China Coast Guard in the above-mentioned waters.”

 

 

Una nang kinondena ng Phil. Coast Guard ang ginawa ng Chinese vessel na panibagong pambu-bully.

 

 

Anila, napakadelikado raw nito dahil sa sobrang lapit nang pag-manuever ay pwedeng humantong sa banggaan ng dalawang barko. (Daris Jose)

Nacionalista suportado na ang kandidatura nina BBM-Sara Duterte sa Mayo

Posted on: March 30th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

PORMAL nang ieendorso ng Nacionalista Party — ang pinakamatandang partido pulitikal sa Pilipinas — ang kandidatura nina dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagkapresidente at pagkabise.

 

 

“For the May 2022 elections, the Nacionalist Party fully supports the candidacies of Ferdinand ‘Bongbong Marcos, Jr for President and Inday Sara Dutete for Vice President,” ayon sa pahayag na nilagdaan ni NP president at dating Senate President na si Manny Villar, Martes.

 

 

Matatandaang miyembro ng Nacionalista si Bongbong bago lumipat ng Partido Federal ng Pilipinas nitong ika-5 ng Oktubre, 2021.

 

 

Bago maging bahagi ng NP, nanggaling si Marcos sa partidong Kilusang Bagong Lipunan na itinayo ng tatay niya at napatalsik na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Si Sara ay anak ng Pangulong Rodrigo Duterte.

 

 

“They both have the platforms of government, qualifications and track record to lead our country towards unity and prosperity,” panapos ni Villar, na kumandidato rin sa pagkapresidente ngunit natalo noong 2010.

 

 

Ipinagmamalaki ni Villar ang mga plataporma nina Marcos bagama’t “unity” ang madalas nilang bukambibig tuwing kampanya. Hindi niya rin gaano ito napapaliwanag sa madla sa pag-iwas sa mga presidential debates.

 

 

Kung track record ang pag-uusapan, 54 panukalang batas ang naipasa ni Marcos noong siya’y nanunungkulan pang senador noong 15th at 16th Congress — pero halo-halo na riyan ang mga siya ang author, co-author, sponsored at co-sponsored niya, ayon sa kanyang website. (Daris Jose)

Ads March 30, 2022

Posted on: March 30th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Pagsisimula ng Villar TV Network, matatagalan pa: WILLIE, labis-labis ang pasasalamat dahil nag-negative sa cancer

Posted on: March 30th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

LABIS-LABIS ang pasasalamat ng game show host na si Willie Revillame nang ipaalam na niya last Monday, March 28, ang result ng tests para ma-detect if he has cancer.  

 

 

Ikinagulat daw niya na after two years na hindi siya nakapagpa-executive check-up, because of the pandemic, may nakitang polyps sa kanyang katawan.

 

 

Sa kanyang YouTube channel, Willie told netizens that his doctors at St. Luke’s Medical Center Global City called him and informed him about the final results of his annual medical tests.

 

 

“Willie! Kumusta ka? Sobra kang magdasal. Good news! Negative ka sa cancer,” At naisagot daw lamang niya ay, “Thank you Lord!”

 

 

“Kaya I encouraged everyone na magpa-medical check-up every year, just to make sure you are healthy and fit,” dagdag pa ni Willie.  “Kaya salamat sa lahat ng nagdasal para sa akin na wala akong cancer.”

 

 

Sa ngayon ay nag-sign ng contract si Willie sa IPTV Network, habang hinihintay niya ang pagsisimula nila sa Villar TV Network.

 

 

Malabo pa raw kasi nilang masimulan ang Advanced Media Broadcasting System Inc. (AMBS) dahil nahihirapan silang makakuha ng mga talents para sa full day of programming, wala pa rin silang basic network infrastructure like transmitters and studios.

 

 

Hindi na rin daw nila pwedeng mabili ang old frequencies ng ABS-CBN dahil naibenta na ito sa TV5 at Globe.

(NORA V. CALDERON)

Vietnam SEA Games organizers todo kayod para matapos ang mga playing venues

Posted on: March 30th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NATAPOS na ng Vietnam ang mga playing venues mahigit 40 araw sa pagsisimula ng 31st Southeast Asian Games.

 

 

Dahil aniya sa epekto ng COVID-19 pandemic ay iniurong ang hosting na noon sana sa November 2021 ay ginawa na ito sa Mayo.

 

 

Ilan sa mga renovation na natapos na ay ang My Dinh National Stadium na dito gaganapin ang football at track and field ,

 

 

Tiniyak din ng mga Vietnam committees na kanilang mahahabol ang mga itinakdang deadlines para sa nasabing palaro.

 

 

Sa susunod na buwan ay iaanunsiyo nila kung papayagan ang mga audience na manood sa nasabing playing venue.

 

 

Gaganapin ang Hanoi, Vietnam SEA Games mula Mayo 12 hanggang 23 kung saan mayroong 40 sports at 526 events na inaasahang maglalaban-laban ang 12 mga bansa sa South East Asia.

Presyo ng petrolyo muling sumirit

Posted on: March 30th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

MATAPOS  ang rollback noong nakalipas na linggo, muling sisirit sa araw na ito ang presyo ng mga produktong petrolyo, na sanhi ng hindi pa na­reresolbang banggaan  sa pagitan ng  Russia at Ukraine.

 

 

Sa magkakahiwalay na advisories, tataas ng P8.65 ang pump prices sa kada litro ng diesel at P3.40 sa kada litro ng gasolina ang mga kumpanyang Pilipinas Shell, Petro Gazz, at Seaoil  simula alas-6:00 ng umaga ng  Marso 29, habang ang Cleanfuel sa parehong dagdag na presyo ang iiral alas- 8:01 ng umaga, araw din ng Martes.

 

 

Nasa P9.40 naman sa kada litro ng kerosene ang ipatutupad ng Shell at Seaoil habang ang PetroGazz at Cleanfuel ay walang produktong kerosene.

 

 

Inaasahan ding susunod na magpapalabas ng advisory sa kaparehong price increase ang iba pang kompanya ng langis sa bansa.

 

 

Nabatid na noong nakalipas na linggo nang isaalang-alang ng European Union ang pagbabawal sa pag-importa ng langis at gas ng Russia, dahil sa mas mataas na presyo. (Daris Jose)

Dedma na sa gustong mang-intriga sa kanilang pagsasama: MARIAN, ipinagtapat na si DINGDONG talaga ang pinakasagot sa mga dasal niya

Posted on: March 30th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

SA YouTube vlog ni Celeste Tuviera, ipinagtapat ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera, na ang asawang si Dingdong Dantes, ang talagang sagot ng Diyos sa kanyang mga dasal.

 

 

   “Isa ito sa ipinagdasal ko kay Lord, sabi ko, ‘Lord gusto kong magkaroon ng asawa, isang responsible, na bibigyan ako ng anak at simpleng buhay,” pahayag ni Marian.

 

 

“Basta masaya at buo.  Kasi, coming from a broken family, isa ‘yan sa mga wish ko talaga. At ipinanalangin ko nang taimtim. Gusto kong magkaroon ng buong pamilya, at ibinigay Niya ‘yon.

 

 

Si Dong talaga ang pinakasagot sa mga prayers ko, at maraming signs na ibinigay sa akin, si Dong talaga ang nandiyan.”

 

 

    Kaya naman ang mag-asawa, dedma raw sila kahit na may gustong mang-intriga sa pagsasama nila dahil mas malakas ang hangarin ni Marian na mabigyan ng buong pamilya ang sarili at dalawang anak nila, plus talaga namang habang tumatagal, mas lalo pang love nila ni Dong ang isa’t isa.

 

 

***

 

 

MARAMING nakapansin sa photo na lumabas ni Asia’s Limitless Star Julie Anne San Jose, habang nasa NAIA siya, mag-isa lamang nakaupo, katabi ang baggage niya habang naghihintay ng flight nila for Dubai, UAE.  Para ito sa live concert nila sa Expo 2020 Dubai, na kasama niya sina new Kapuso actor Xian Lim at The Clash Champion 2021 Jessica Villarubin.

 

 

May mga nagtanong na netizens kung malungkot daw si Julie Anne dahil hindi nila kasama ang rumored boyfriend niyang si Kapuso actor Rayver Cruz.

 

 

     Bale ito ang first show ni Julie Anne abroad after two years na hindi pwedeng mag-show dahil sa Covid-19 pandemic.

 

 

Titled “Stronger Together: GMAPinoy TV @ Expo 2020 Dubai concert na gaganapin ngayong gabi, March 30 sa The Dubai Millennium Amphitheater, Dubai Expo Grounds.

 

 

     Bukod sa world-class performances ng mga Kapuso stars, makaka-collaborate din nila ang ilang Pinoy performing groups doon.  Sponsored naman ng Filipino fashion designer na si Ryan Pacioles of atelier Zuhra ang mga kasuotan nina Julie, Jessica at Xian!

 

 

     Para sa mga Pinoy dito sa Pilipinas o sa ibang panig ng mundo, mapapanood din ito via livestream sa GMA Pinoy TV @ Expo 2020 Dubai Facebook.

(NORA V. CALDERON)

Pinoy jins hahataw sa Vietnam

Posted on: March 30th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG  umalis ngayong araw ang Smart/MVP Sports Foundation taekwondo squad upang magpartisipa sa 2022 ATF (Asean Taekwondo Fe­deration) Taekwondo Championships na hahataw mula Marso 30 hanggang Abril 4 sa Ho Chi Minh City, Vietnam.

 

 

Binubuo ang koponan ng 10 atleta sa kyorugi (free sparring) at lima sa poomsae.

 

 

Magsisilbing delegation head si Raul Samson kasama ang tatlo pang coaches na hahawak sa koponan.

 

 

Ipaparada ng Pilipinas sa naturang torneo sina Loralee Natividad, Abigail Faye Valdez, Rea­lis Tabiando, Clarence Sarza, Rhezie Aragon, Ceanne Kyle Rosquillo, Marvin Mori, Kier Macalino, King Nash Alcairo, Rommel Pablo Jr., Justin Mark Agno, Paul Romero, June Ninobla, Devy John Singson, Joseph Chua at Alfritz Arevalo.

 

 

Sina Paul Romero at Devy Singson ang tata­yong coaches sa kyorugi habang si June Ninobla naman ang hahawak sa poomsae team.

 

 

Malakas ang tsansa ng Pinoy squad na makasungkit ng medalya sa torneo lalo pa’t gigil ang tropa na muling sumabak matapos mabigong makapagpartisipa sa torneo dahil sa pandemya.

 

 

Sa Pilipinas ginanap ang huling edisyon ng ATF Taekwondo Championships noong 2019.

Russian troops na napatay sa giyera nasa 17,000 na – Ukraine gov’t

Posted on: March 30th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HALOS 17,000 mga Russian troops na ang napatay sa Ukraine sa ngayon ayon sa isang Ukrainian General Staff.

 

 

Sinira umano ng mga pwersang Ukrainian ang 123 sasakyang panghimpapawid ng Russia, 127 helicopters, 586 tanks, 1,694 armored vehicles, 1,150 sasakyan, 66 UAVs, 73 fuel tankers at pitong bangka.

 

 

Ayon sa pinakabagong update mula sa Ukrainian General Staff hindi raw bababa sa 302 Russian artillery systems, 95 multiple rocket launcher systems, at 54 air defense systems ang nawasak din.

 

 

Ang nasabing mga datos ay ayaw namang kumpirmahin ng Russia.

 

 

Ang digmaan ng Russia sa Ukraine ay sinalubong ng pang-internasyonal na pagkondena, kasama ang European Union, US, at UK, bukod sa iba pa na nagpapatupad ng matitinding pinansiyal na parusa sa Moscow.

 

 

Hindi bababa sa 1,119 sibilyan na rin ang nasawi sa Ukraine at 1,790 ang nasugatan, ayon naman sa mga pagtataya ng UN.

 

 

Pero nagbabala ang UNA na ang tunay na bilang ay malamang na mas mataas pa raw.

 

 

Mahigit sa 3.82 milyong Ukrainians ang tumakas din sa mga kalapit na bansa, na may milyun-milyong higit pang lumikas sa loob ng bansa, ayon sa UN refugee agency.

DepEd, target na taasan ang enrollment ng mga mag-aaral na may kapansanan

Posted on: March 30th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TARGET ng Department of Education (DepEd) na taasan ang bilang ng enrollment sa hanay ng mga mag-aaral na may kapansanan.

 

 

Ito ang inihayag ng DepEd sa isang online webinar kasama ang National Council of Disability Affairs, araw ng Lunes.

 

 

Ito’y alinsunod na rin sa pagdiriwang ng 18th Women with Disability Day, kung saan nakiisa ang DepEd sa Department of Labor and Employment, Department of the Interior and Local Government, at iba pang stakeholders sa pagsusulong ng “3E’s to Empowerment” para sa mga kababaihan na may ‘special needs,’ partikular na para sa kanilang pantay na partisipasyon sa edukasyon, trabaho at eleksyon.

 

 

Sinabi ni Annalyn Aquino, DepEd Senior Education Program Specialist of Student Inclusion Division-Bureau of Learning delivery, ang pagpapataas sa enrollees para sa mga mag-aaral na may kapansanan ay isa sa ‘key objectives’ ng departamento. Bumaba kasi ang bilang ng mga mag-aaral na may kapansanan sa panahon ng pandemiya.

 

 

Makikita sa pinakahuling data na mula 152,420 kababaihang mag-aaral na nag-enroll para sa school year 2019-2020, bumaba ito sa 38,914 enrollees para sa school year 2021-2022.

 

 

“Ang nakikita nating rason  is that learners with disabilities are not being properly tagged in the Learner’s Information System (LIS), especially our learners with disabilities who are in mainstreamed classes,” ayon kay Aquino.

 

 

Aniya, nauwi pa ito sa serye ng orientation para sa “receiving teachers, school heads, and supervisors”, para tugunan ang usapin ng ‘proper tagging’ sa mga mag-aaral.

 

 

Maliban sa pagpapataas sa enrollment ng mga mag-aaral, pinaigting naman ng DepEd ang pagsisikap nito na taasan ang bilang ng mga eskuwelahan na may programa para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

 

 

Sa ngayon, may 13,408 eskuwelahan sa bansa ang mayroong Special Education Program (SPED).

 

 

“Gusto nating palawakin ‘yung kapasidad ng ating SPED centers by converting it into an inclusive learning resource centers,” ang pahayag ni Aquino.

 

 

Sa kabilang dako, layon din ng DepEd na pataasin ang ‘items’ para sa mga SPED teachers, at maging ang pagtatatag ng data indicators kabilang na ang completion rate, survival rate, at school leaver rate.

 

 

Kinilala naman ni Aquino ang mahalagang gampanin ng pagsasabatas ng RA 11650 o “Act ensuring inclusive education for learners with disabilities would bring, saying it could relevantly intensify and help speed up the DepEd’s efforts and targets for learners with special needs.” (Daris Jose)