• December 23, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 19th, 2022

VP Robredo bumanat vs 4 na karibal sa halalan

Posted on: April 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINDI bibitaw sa pangangampanya para sa pagkapangulo si Bise Presidente Leni Robredo matapos pagkaisahan ng kampo ng mga katunggaling sina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Manny Pacquiao at Norberto Gonzales sa isang joint press briefing.

 

 

Linggo nang manawagan sina Domagoso na dapat nang umatras sa presidential race si Robredo habang itinutulak ni Gonzales ang “bagong top two” na karapat-dapat daw humamon sa survey frontrunner na si Ferdinand “Bongbong” Marcos.

 

 

“Mula bukas, 20 campaign days nalang natitira. Kailangan wag tayong magpatalo sa emosyon. Huwag nang magbitaw ng masasakit na salita,” wika ni Robredo sa isang paskil sa Facebook, Linggo ng gabi.

 

 

“Focus lang muna tayo sa kampanya — tao sa tao, puso sa puso. May bayan tayong kailangan ipaglaban.”

 

 

Una nang sinabi ng kampo nina Lacson, Moreno at Gonzales na “maraming beses” na silang nilapitan ng mga galing sa “kampo ni VP Leni” na umatras sa kanya-kanyang kandidatura para suportahan ang bise.

 

 

Sa kabila nito, itinanggi na ito nina Robredo noong nakaraang linggo pa.

 

 

“Alam kong maraming nasabi na ngayong araw. Ang iba nainis, ang iba walang pakialam, at ang iba nagalit.

 

 

Nagpapasalamat ako sa lahat na dumipensa,” dagdag pa ni Robredo, na kasalukuyang umaangat bilang nasa ikalawang posisyon sa huling pre-election survey ng Pulse Asia.

 

 

Ikinasa nina Domagoso, Lacson, Pacquiao at Gonzales ang sabayang press conference matapos kumalas sa kanila ang ilang grupong dati nilang supporters patungo sa kampo ni Robredo.

 

 

Marso lang nang magbitiw si Lacson mula sa dati niyang partidong Partido Reporma matapos ilipat ng grupo ang kanilang pag-endorso kay Robredo. Ngayong buwan naman nang ibato naman ng Ikaw Muna (IM) Pilipinas — na dating nasa likod ni Domagoso — kay Robredo ang kanilang suporta kung kaya’t ngayo’y tinatawag nang IM Leni.

 

 

“They’re trying to strip us of our supporters, ‘yung mga support groups. Ang nangyari sakin ‘yung Reporma na-hijack and yung kay Mayor Isko, ‘yung Ikaw Muna sa Cebu, ganoon din. Marami talagang attempts and parang nili-limit talaga ‘yung choices sa dalawa,” wika ni Lacson kahapon.

 

 

Inilinaw nina Domagoso, Lacson, Gonzales at Pacquiao (na hindi nakaabot sa press conference) na magpapatuloy sila sa pagtakbo sa pagkapangulo at hindi rin aatras sa presidential race para paboran ang kandidatura ni Robredo. (Daris Jose)

OIL PRICE HIKE ASAHAN–ENERGY SOURCES

Posted on: April 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINDI magandang balita ang bubungad sa ating mga motorista pagkatapos ng Holy week dahil pagkatapos ng dalawang beses na nagkaroon ng oil price rollback, asahan na raw sa araw ng Martes ang malakihang oil price hike lalo na sa presyo ng diesel.

 

 

Ayon sa mga energy sources, ang fuel price forecast sa April 19 hanggang 25 trading week ay mayroong posibleng dagdag presyo sa diesel na P1.70 to P1.80 kada litro.

 

 

Ang presyo naman ng gasolina ay posibleng papalo sa P0.40 hanggang P0.50 kada litro.

 

 

Base sa year-to-date adjustments, ang standard increase sa gasolina ay papalo na sa P15 kada litro habang P26.65 naman sa kada litro ng diesel at P21.10 ang kada litro ng kerosene.

 

 

Karaniwang inaanunsiyo ang oil price adjustment sa araw ng Lunes at ipinatutupad ito sa araw ng Martes.

Isko inialay ang parangal sa mga nagbuwis ng buhay

Posted on: April 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INIALAY ni Aksyon Demokratiko at Presidential bet Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa lahat ng frontliners na nagbuwis ng buhay noong kasagsagan ng pandemya ang tinanggap nitong pagkilala na “People of the Year 2022.”

 

 

Kinilala si Domagoso ng PeopleAsia Magazine dahil sa ginawang pagtugon at paglaban ng lokal na pamahalaang lungsod na kanyang pinamumunuan sa pandemya dulot ng COVID-19. Partikular sa ginawa nitong 344-bed capacity Manila COVID-19 Field Hospital at ang pagbibigay ng libreng mga mamahalin at hard-to-access na mga anti-COVID medicines tulad ng Remdesivir, Tocilizumab, Molnupiravir, Baricitib at Bexovid.

 

 

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni domagoso ang kanyang kapartner na si Vice Mayor Honey Lacuna at ang lahat ng City Hall employees na nagsilbi sa frontlines lalo na noong kasagsagan ng pandemya na katrabaho rin niya sa loob ng tatlong buwan na hindi siya umuwi ng bahay at nanatili lamang sa City Hall.

 

 

Habang sila ni Lacuna ay na-infect din ng virus ay may mga frontliners ang nagbuwis ng kanilang buhay makapaglingkod lamang sa mamamayan ng lungsod.

 

 

Inialay ni Domagoso ang karangalan natanggap sa kanyang yumaong mga magulang na nagbigay sa kanya ng inspirasyon na huwag susuko lalo na noong panahon ng kahirapan.

 

 

“Inaalay ko ito sa aking nanay at tatay na naging simbolo ko na ‘wag sumuko sa buhay. Di nila ako sinukuan, bagamat ako ay solong tagapagmana ng lupain na bulubundukin at umuusok pa. The thing is, hindi sila sumuko kaya andito ako sa harap nyo ngayon,” saad ni Domagoso kung saan tinukoy nito ang Smokey Mountain kung saan siya lumaki.

 

 

Kinilala din si Domagoso sa ginawa nitong paglilinis ng magulong Divisoria at sa rehabilitasyon ng Arroceros Forest Park, pagkakaloob ng disenteng pabahay sa mga mahihirap at pagtatayo ng mga bagong paaralan sa loob lamang ng maiksing panahon at sa pagpapakita nito ng political will at conviction, naging maganda ang buhay ng isang payak na Pilipino.

 

 

“Ito rin ay iniaalay ko sa mga magulang at mga bata na kumakaharap ng pagsubok sa buhay. Huwag kayong susuko, kapit lang. Lagi niyong tandaan na after the rain, there is a rainbow.

 

 

Salamat sa lahat ng bumubuo ng PeopleAsia Magazine sa inyong iginawad na pagkilala sakin bilang isa sa mga People of the Year 2022,” ayon pa kay Domagoso. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)

“SUSUKA pero hindi SUSUKO”

Posted on: April 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINDI inalintana ng mga youth volunteers ni presidential candidate Manila Mayor Francisco “ISKO” Domagoso na lulan ng “Bus ni Isko” ang bagyo at sama ng panahon matapos nilang suungin ito patungo ng Dapitan , Zamboanga del Norte noong nakaraang araw ng Martes ng buong tapang.

 

 

Ayon Kay Ces Bayan , ng grupong Ama ni ISKO, at team leader ng Visayas -Mindano Bus ni Isko, naging challenging ang biyahe patawid ng dagat ng Dapitan City sa pamamagitan ng RoRo dahil sa sama ng panahon.

 

 

Sa kabila nito, hindi sumuko ang naturang mga youth volunteers ng 47 anyos na Alkalde ng Maynila upang ituloy ang kanilang kampanya sa nasabing lugar.

 

 

“Laban lang po, walang susuko” ayon pa kay Bayan.

 

 

“SUSUKA pero hindi SUSUKO”, aniya. Ito ay matapos na makaranas ng pagkahilo at pagsusuka ang ilang kapwa kabataan habang sakay ng RoRo ang kanilang grupo patungo ng Dapitan City.

 

 

Nauna rito, nanggaling ng Dumaguete City ang mga kabataan  kung saan namahagi ng T-shirts , stickers, apron, at iba pang campaign materials upang kumbinsihin pa ang ilang kabataan na mag SWITCH to ISKO na.

 

 

Sa kabila nang malakas na buhos ng ulan na naging dahilan ng pagkaantalang biyahe ng naturang grupo, sinuong pa rin nila ito upang makarating ng Dapitan sa pamamagitan ng RoRo at maituloy ang pangangampanya.

 

 

Inilunsad noong Abril 4 ang “Bus ni ISKO” campaign caravan na naglalayong ikampanya ang kandidatura ni Mayor ISKO dahil naniniwala sila sa mga nagawa nito sa Maynila ay magagawa din sa buong bansa.

 

 

Si Mayor Isko ay nakilala bilang dating basurero, pedicab driver na naging artista bago pumasok sa politika.

 

 

Lulan ng BUS ni ISKO ang mga youth volunteers mula sa grupong Ama ni ISKO, ISKO Tayo sa Kabataan, PRIMO ISKO, at Alliance for ISKO movement AIM, ay mainit na tinanggap ng mga mga kabataan , kapwa nila youth volunteers, mga kandidato at local na opisyal tuwing sila ay mag stop over.

 

 

Ang mga ito ay nagnanais na makumbinsi  ang mga kabataang kapwa  nila sa lahat ng sulok ng naturang lugar sa pamamagitan ng BUS ni ISKO campaign caravan na iboto si Domagoso.

 

 

Sila rin ay nakatakdang magtungo sa Dipolog City, Zamboanga City at Pagadian City.

Lacson, Gonzales nagbabala ng ‘destabilization’ kung mananalo si Marcos Jr. sa Halalan 2022

Posted on: April 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

KAPWA nagbabala sina Presidential bets Sen. Panfilo Lacson at dating defense secretary Norberto Gonzales sa posibleng mangyaring “destabilization” sa bansa kung mananalo sa pagka-pangulo si dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

 

 

Sa isang press conference sa Manila Peninsula, araw ng Linggo, sinabi nina Lacson at Gonzales, kasama ang kapuwa presidential candidate na si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, na inaalok nila ang kanilang mga sarili bilang alternatibo sa tinatawag nilang “warring colors” na pula at dilaw.

 

 

“Maliwanag ang message namin: we want to offer ourselves. We don’t want Marcos to win because destabilization ang aabutin. Iyan ang aming analysis ni Sec. Gonzales, coming from the security sector. Guguluhin ‘yan,”ayon kay Lacson.

 

 

“For the sake of the country, and for the sake of the peace and quiet we all aspire for, dapat mamili sila ng iba, not either one of the two. So, we’re not campaigning for Marcos,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Para naman kay Gonzales, posible ang destablisasyon kung mananalo si Marcos Jr. bunsod na rin ng maraming isyu na mayroon ang dating senador at pamilya nito.

 

 

“I share the sentiment na baka mas maganda, hindi muna isang Marcos ang uupo diyan. Kasi maraming issues na sa tingin ko, makakabigay ng destabilization sa lipunan, not necessarily because Number 2 of today will oppose Number 1 even after the elections,” aniya pa rin.

 

 

Sinabi ng dating defense secretary na natatakot siya sa implikasyon ng Marcos victory sa May 9 polls.

 

 

Gayunman, hindi naman ito nagbigay ng anumang detalye kung ano ang mga nasabing implikasyon.

 

 

Sina Marcos Jr. at Robredo ang mga nangunguna sa pinakahuling pre-election surveys.

 

 

Ayon kasi sa pinakahuling March Pulse Asia survey, nananatiling frontrunner si Marcos sa presidential race na mayroong 56% , 32 puntos ang lamang kay Robredo na may 24%.

 

 

Dahil sa malawak na margin sa pagitan nina Marcos at Robredo, sinabi ni Gonzales na ito na ang tamang panahon para baguhin ang kandidato na makatatalo kay Marcos.

 

 

“Baka kailangan nating palitan ‘yong lumalaban sa Number 1, aniya pa rin.

 

 

Isinaboses naman ni Domagoso ang sentimyento ng kanyang mga kapwa kandidato, binatikos ang “pink” campaign ni Robredo bilang paraan na paghiwalay mula sa yellow color na ‘associated’ sa Liberal Party, kung saan siya nananatiling nakaupo bilang chairperson.

 

 

“Gusto n’yo bang huwag manalo si Marcos? Withdraw, Leni,” ayon kay Domagoso.

 

 

Sa kabila ng panawagan kay Robredo na mag- back out mula sa labanan sa pagka-pangulo, nilinaw ng mga kandidato na hindi sila “anti-Leni.”

 

 

“Nagmumukha tayong anti-Leni dito eh… But the reason is not because we’re anti-Leni. The reason is we have been asked to withdraw by the Vice President. Kung si [Marcos Jr.] ang magsasabi sa amin na mag-withdraw, we would be on the same sentiment as today. Kaya lang kami nagre-react, pare-pareho kami ng experience eh. Kung hindi nangyari ‘yan, walang ganito,” ayon kay Gonzales.

 

 

“Ang message ko lang is, kung ayaw n’yo kay Marcos, mamili kayo sa amin. Kung ayaw n’yo kay Robredo, mamili kayo sa amin. Huwag kayong mag-confine sa kanilang dalawa,” dagdag na pahayag naman ni Lacson. (Daris Jose)

20 KATAO SUGATAN SA PANIBAGONG KAGULUHAN SA JERUSALEM

Posted on: April 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NASA mahigit 20 Israelis at Palestinians ang nasugatan sa panibagong mga insidente ng kaguluhan sa Al-Aqsa Mosque compound sa Jerusalem ito ay dalawang araw matapos ang nangyaring major violence sa naturang site noong nakalipas na linggo.

 

 

Bunsod nito, pumapalo na sa mahigit 170 ang bilang ng mga nadamay at nasugatan sa naturang kaguluhan kung saan nataon na isinagawa ang Jewish passover festival na Ramadan.

 

 

Daan-daang mga Palestinian demonstrators na nasa loob ng mosque compound ang nagsimulang mangalap ng mga bato matapos ang arrival ng mga Jewsih visitors.

 

 

Nagbunsod ito para pasukin ng police forces ang naturang compound upang mapaalis ang mga demonstrador at mae-establish ang kaayusan.

 

 

Pinapayagan lamang ang mga Jews na bumisita at hindi magdasal sa naturang site o mas kilala bilang Temple Mount na itinuturing na holiest place sa Judaism at ikatlong pinakabanal sa Islam.

 

 

Patuloy ang pupusang paghahanap sa dose-dosenang katao na nananatiling missing sa may KwaZulu-Natal province sa South Africa matapos ang matinding pag-ulan sa nakalipas na mga araw na nagbunga ng pagbaha at mudslide na kumitil na ng mahigit 440 katao.

 

 

Libu-libong katao din ang nawalan ng bahay dahil sa baha at nawalan ng suplay ng kuryente at tubig at nagresulta din ng pagtigil operasyon ng isa sa busiest port sa Africa, ang Durban.

Kelot timbog sa entrapment sa Valenzuela

Posted on: April 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

ARESTADO ang isang 29-anyos na lalaki sa isinagawang entrapment operation ng pulisya makaraang tanggapin ang isang package na naglalaman ng hinihinalang marijuana kush sa Velenzuela City, kamakalawa ng gabi.

 

 

Kinilala ni PLT Joel Madregalejo, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police ang naarestong suspek na si Aaron James Bolivar ng 740 Francisco St., Brgy. Paso De Blas.

 

 

Ayon kay PSSg Carlos Erasquin Jr, bago ang pagkakaaresto sa suspek, nagtungo sa opisina ng SDEU ang isang Angkas Rider at inireport ang hinggil sa kanyang delivery goods na kinuha mula sa Sampaloc, Manila at ide-deliver sa Paso De Blas, Valenzuela City ay naglalaman umano ng hinihinalang marijuana  kush.

 

 

Dahil dito, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Doddie Aguirre ang entrapment operation kung saan nang tanggapin ng suspek ang package mula sa Angkas Rider malapit sa kanilang bahay sa Francisco St., Brgy. Paso De Blas dakong 11:30 ng gabi ay agad lumapit si PCpl Isagani Manait saka inaresto si Bolivar.

 

 

Narekober sa suspek ang limang transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang Kush, brown paper bag, self sealed paper bag na naglalaman ng cookies, P20 bill, dalawang cellphones, at P150 bills.

 

 

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

Nasa mahigit 3,000 pasyente ang nabigyang serbisyo ng Philippine Red Cross (PRC) Emergency Medical Services (EMS) Teams

Posted on: April 19th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

SA ILALIM ng direktiba ni PRC Chairman at CEO, Senator Richard J. Gordon ay nagtalaga ang PRC ng nasa 1,399 PRC EMS personnel, operating 127 first aid stations, at 97 ambulance units sa mga simbahan, highway, terminal, beaches, parks, pilgrimages, and mga bundok sa buong bansa mula Abril 10 (Palm Sunday) hanggang Abril 17 (Eastern Sunday).

 

 

Sa datos ay nasa 3,224 na mga pasyente sa buong bansa ang nahatiran ng tulong medikal ng PRC Emergency units.

 

 

Nasa 12 na mga pasyente dito ay nakaranas ng major conditions tulad fracture o sugat sa ulo, habang nasa 21 naman ang dinala sa mga medical facilities dahil sa hirap sa paghinga, suspected fracture, maraming gasgas, sugat mula sa pagkakabaril, contusion at laceration.

 

 

Bukod dito ay nakapagtala rin ng nasa 150 minor cases ang PRC kabilang ang pagkahilo, gasgas, mga hinimatay, sprain, allergic reaction, animal bite at iba pa. Apat sa mga ito ang ini-refer sa medical facilities o sa psychosocial support.