IBINUHOS ng mga taga- Nueva Ecija ang kanilang buong suporta para sa UniTeam sa muling pagbisita ni presidential frontrunner former Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa lalawigan sa pangatlong pagkakataon nitong Biyernes.
Sa kanyang talumpati sa SMDC, Barangay Sta. Arcadia, sa Emilio Vergara Highway, Cabanatuan City, pinuri ni Marcos ang lalawigan para sa kanilang maayos na pagpapatakbo ng agrikultura na aniya’y dapat magawa rin sa buong bansa.
“Kailangan nating ayusin ang ating agrikultura. Dito sa Nueva Ecija maayos ang patakbo ng agrikultura ngunit sa ibang lugar sa Pilipinas ay mayroon tayong kailangang gawin pa para pagandahin pa, upang maging sapat ang ating pagkain. Upang di tayo masyadong umaasa lang sa pag-import (kung hindi) meron tayong sapat na produksiyon para sa ating mga kababayan,” sabi niya.
Sabi ni Marcos, sa tulong ng buong UniTeam, kasama na ang kanilang mga senatoriables, malaki ang pag-asa na magawa nila ng kanyang running mate na si Mayor Inday Sara Duterte ang kanilang mga plano para sa bansa.
“Ang dami nating hinaharap na problema ngayon. ‘Yung ating mga senador ay napag-usapan ang iba’t ibang nakikita nating dapat tugunan, dapat bigyan ng solusyon. Ang problema sa trabaho, problema sa pagtaas ng bilihin, paano po natin aayusin yan? Dapat tulungan natin ang maliliit na negosyante upang sila ay makabawi at makapagtrabaho muli,” sabi niya.
Muli niya ring binigyang-diin ang pangangailangan upang matugunan ang mga problema sa edukasiyon at health system sa bansa kasama na ang pagpapababa ng singil sa kuryente.
Para naman kay gobernatorial candidate at Palayan City Mayor Rianne Cuevas, tinawag niya si Marcos na susunod na presidente ng Pilipinas at sinuyo ang kanyang mga mamamayan na suportahan ang kandidatura ni Marcos.
“Huwag po nating kalimutan na iboto siya. Ang matalino, ang mabait, ang magiging presidente ng magandang Pilipinas! Bongbong Marcos!” sabi niya.
Nagpasalamat muli si Marcos sa mga taga-Nueva Ecija sa kanilang mainit na pagtanggap hindi lang sa kanya pati na rin sa buong UniTeam tuwing dumadalaw siya sa kanilang lugar.
“Maraming salamat sa inyong napaka-init na salubong na ibinibigay sa UniTeam at sa tambalang Marcos-Duterte,” sabi niya.
“Ngayong papalapit na tayo sa Mayo 9, iilang araw na lang… Kaya po, ako ay natutuwang habang tumagal ang aming kampanya ay dumadami po ang sumasama sa atin dito sa adhikain natin ng pagkakaisa,” sabi pa niya.
Matapos ang kanyang pagbisita sa Nueva Ecija ay agad na dumiretso si Marcos sa San Fernando, Pampanga para sa isa pang UniTeam rally kung saan kasama na niya si Inday Sara.