• November 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 22nd, 2022

Ads July 22, 2022

Posted on: July 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

Marburg virus, mas nakahahawang BA.2.75 subvariant, nagbabanta rin sa Pinas

Posted on: July 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAGBABALA   si infectious health expert Dr. Rontgene Solante sa banta ng bagong Marbug virus at mas nakahahawang Omicron BA.2.75 subvariant na posibleng makapasok sa Pilipinas.

 

 

Sa Laging Handa ­briefing, sinabi ni Solante na kailangang maghanda na agad ang pamahalaan ng Pilipinas sa pag-contain sa Marburg virus katulad ng ginawang ­paghahanda kontra Ebola virus noong 2016.

 

 

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang Marburg virus ay kaha­lintulad ng Ebola na kapwa may pagkakapareho “clinically”, napakadalang pero maaaring magdulot ng mga outbreaks at pagkamatay ng mara­ming tao.

 

 

Sinabi rin ni Solante na oras na lamang ang hinihintay sa pagpasok ng BA.2.75 subvariant na nasa 10 hanggang 12 bansa na kabilang ang India. Kailangan din umanong maghanda ang healthcare system ng bansa tulad ng ginawang paghahanda sa BA.5 subvariant.

 

 

Sa kabila nito, sang-ayon naman siya sa desisyon ng Department of Health (DOH) na huwag magpatupad ng mas mahigpit na restriksyon sa mga border dahil ­masyado pang maaga ang katangian ng bagong subvariant.

 

 

Ang subvariant na may palayaw ngayon na “Centaurus” ay ­unang natukoy sa India at kumalat na sa Estados Unidos, Britanya, Germany, Australia, at iba pang mga bansa.

 

 

Samantala, 910 pang kaso ng BA.5, BA.4, at BA.2.12.1 Omicron subvariants ang natukoy sa pinakahuling genome sequencing ng Department of Health.

 

 

Sa naturang bilang, 816 ay mga kaso ng BA.5; 52 bagong kaso ng BA2.12.1, at 42 pang kaso ng BA.4. (Daris Jose)

1.3-M na 4Ps beneficiaries, inalis na sa listahan – DSWD

Posted on: July 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAGLAHAD ng kanyang presentation kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Social Welfare Sec. Erwin Tulfo sa ginanap na cabinet meeting sa Malacanang hinggil sa ipinatutupad na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan.

 

 

Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na sa report ni Tulfo sa Pangulo, tinatayang 1.3 milyong benepisyaryo ng 4Ps ay hindi na maituturing na mahirap.

 

 

Ayon kay Angeles, katumbas ng pagkakatanggal sa listahan ng higit isang milyong pangalan ay P15 billion halaga ng tulong pinansiyal sa ilalim ng programa ang matitipid ng pamahalaan.

 

 

Dahil dito, magkakaroon ng mga bagong pangalan sa listahan ng mga benepisyaryo kasunod ng ginawang paglilinis ng DSWD list. (Daris Jose)

3 railway projects nabinbin

Posted on: July 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TATLONG malalaking proyekto sa sektor ng railways ang nabinbin dahil hindi nagkasundo ang Pilipinas at China sa pagpopondo ng nasabing proyekto.

 

 

 

Gusto ni President Ferdinand Marcos, Jr. na magkaron ng renegotiation para sa pagpopondo nito mula sa official development assistance (ODA) ng China. Pinag-usapan ng Department of Transportation (DOTr) ang nasabing issue noong nakaraang Cabinet Meeting sa Malacanang.

 

 

 

Ang tatlong proyekto ay ang Subic-Clark Railway, Philippine National Railways (PNR) South Long-Haul at ang Davao-Digos segment ng Mindanao Railway.

 

 

 

“There was a policy discussion on three China ODA rail projects last Tuesday’s Cabinet meeting during which the President commented that as a matter of policy, we should encourage more investments in rail and that we should focus more on rail transport,” wika ni DOTr undersecretary Cesar Chavez.

 

 

 

Ayon kay Chavez, ang nasabing loan agreement para sa tatlong proyekto sa rail ay tinatawag ng “withdrawn” matapos ang pamahalaan ng China ay mabigong kumilos para sa pagbibigay ng pondo na siyang hiningi ng nakaraang administrasyon.

 

 

 

Nagsimula ang paguusap para sa tatlong proyekto sa rail noong pang 2018 kung saan binigyan ito ng approval ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang makakuha ng ODA mula sa China.

 

 

 

Mula noong 2021 hanggang 2022, ang Department of Finance (DOF) ay nagbigay ng inpormasyon sa China Eximbank na ang submitted loan applications ay valid lamang hanggang May 31 ngayon taon at automatic na babawiin kapag hindi ito na approved.

 

 

 

Nalaman din na ang dating finance secretary Carlos Dominguez ay nagdesisyon na kanselahin ang loan applications mula sa China dahil sa gagawing transitions ng pamahalaan at sa pagbibigay ng paggalang sa bagong administrasyon.

 

 

 

Dagdag pa ni Chavez na binibigyan din nila ng konsiderasyon ang iba pang paraan ng pagkuha ng pondo para sa tatlong proyekto sa rail kasama na rito ang pagbubukas nito sa pribadong sektor sapagakat ang thrust ng pamahalaan ngayon ay magkaron ng matatag na private partnerships.

 

 

 

Ang kontrata sa P142 billion na PNR South Long-Haul Project ay binigay sa China Railway Group Ltd., China Railway No.3 Engineering Group Co. Ltd at China Railway Engineering Consulting Group Co. Ltd noong nakaraang January.

 

 

 

Habang ang P83 billion na Tagum-Davao-Digos segment ng Mindanao Railway Project ay hindi na natuloy dahil ang China ay nabigong mag submit ng listahan ng mga shortlisted na contractors para sa design-build contract.

 

 

 

Samantalang ang kontrata para sa P51 billion Subic-Clark Railway Project ay binigay sa China Harbour Engineering Co. noong December 2020.

 

 

 

Ang dating President Duterte na siyang nagsulong para magkaron ng magandang relasyon sa China ay nakakuha ng $24 billion o mahigit sa P1.2 trillion na pledges ng China loans at grants matapos itong pumunta sa Beijing noong 2016.

 

 

 

Nagbigay naman ng pahayag ang Embayada ng China sa Pilipinas na ang dalawang bansa ay nag nenegotiate para sa mga “technical issues” ng mga infrastructure projects nila.

 

 

 

“China will tap its own advantage and support the Philippines to improve its infrastructure. We are open for technical discussions over our G-to-G projects, and is ready to carry our cooperation forward, in close communication with the Philippine new administration,” saad ng Embayada ng China. LASACMAR

Mga kaso ng COVID-19 sa bansa, posibleng bumaba – OCTA

Posted on: July 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INAASAHAN ng OCTA Research group ngayong araw na magkakaroon ng pagbaba sa bilang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

 

 

 

Sa kabila ito ng sunud-sunod na araw na nakapagtala ng nasa mahigit dalawang libong bilang ng mga kaso ng nasabing virus sa bansa.

 

 

 

Sa isang panayam ay sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na posibleng umabot lamang sa 1,500 ang bilang ng mga kasong maitatala sa bansa ngunit sinabing posible pa rin itong tumaas pa sa mga susunod na araw.

 

Ayon pa kay David, may posibilidad na nag-peak na ang mga kaso ng COVID-19 sa NCR batay sa kanilang naitatalang daily positivity rate at kung magtutuluy-tuloy pa aniya ito ay posibleng bumaba na rin daw ang trend sa rehiyon.

 

 

 

Pero paglilinaw niya, ang sinasabing pagbaba ng trend na ito ay posibleng sa Metro Manila lamang maranasan dahil may ibang lugar pa kasi aniya sa bansa ang nagsisimula pa lamang na makapagtala ng mataas na kaso ng nasabing sakit.

 

 

 

Samantala, muli namang iginiit ni Dr. Guido David na ang nararanasang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng nakakamatay na virus sa iba’t-ibang panig ng bansa ay hindi pa rin dapat na ikaalarma.

 

 

 

Basta’t kinakailangan lamang na patuloy na mag-ingat ang publiko sa pamamagitan ng mga pagsunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols ngayong batid na nila na mayroong mga lugar pa rin ang nakakaranas ng bahagyang pagtaas sa bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Pangako ni PBBM, mas maayos na suporta sa mga atleta; pinuri ang ” historic win” ng Philippine National Women’s Football team

Posted on: July 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NANGAKO si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bibigyan ng mas maayos na suporta ng gobyerno ang mga  national athletes para hasain pa ang kanilang mga potensiyal.

 

 

Binati ng Pangulo ang Philippine Women’s National Football team Filipinas para sa makasaysayang pagkapanalo ng mga ito laban sa Thailand nitong nagdaang linggo.

 

 

“We have to do better in terms of government support when it comes to our athletes. Medyo nabawasan nung nawala ‘yung sports sa eskuwelahan, when DECS (Department of Education, Culture and Sports) became Department of Education alone, the emphasis on sport became a little bit less,” ayon kay Pangulong Marcos nang mag-courtesy call ang  Philippine Women’s National Football team Filipinas sa kanya sa Malakanyang, araw ng Miyerkules.

 

 

“But that is something that we really should encourage because sport means more than just playing games. It means developing discipline, learning how to sacrifice, learning to be gracious in victory, learning to work with other people as a team,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Sinabi pa ng Pangulo na ang pagkapanalo ng team Filipinas ay nakapagbigay ng labis na kasiyahan sa mga mamayang Filipino at karangalan na maging isang  Filipino.

 

 

“The win is the greatest gift that you have given your country,” ayon sa Punong Ehekutibo.

 

 

“So I thank you very much, and I congratulate you for this great achievement and great championship,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.

 

 

Pinuri rin ng Chief Executive ang team para sa sakripisyo at dedikasyon ng mga ito pa’t naharap sa maraming pagsubok dahil sa   pandemic-induced restrictions.

 

 

Sa kabila ng health crisis, napanatili ng mga miyembro ng team Filipinas ang kanilang  “fitness, skills and teamwork.”

 

 

Samantala, ang Philippine National Women’s Football team ay gumawa ng makasaysayang pag-agaw sa Asean Football Federation (AFF) Women’s Championship 2022, na pinatalsik ang four-time champion Thailand sa finals, 3-0.

 

 

Ito ang unang korona ng Pilipinas mula noong 2004.

 

 

Ang panalong ito ay isa pang pahina sa kasaysayan ng Philippine football, na ginanap sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila. (Daris Jose)

“Thanks for making my heart happy. I love you!”: BEA, nag-post ng tagos-puso at nakakikilig na pagbati kay DOMINIC

Posted on: July 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

SA Instagram ni Bea Alonzo, nag-post siya nang nakakikilig na pagbati sa kaarawan ng kanyang boyfie na si Dominic Roque, kasama ang sweet photo nila.

 

May caption ito ng, “Happy birthday, my love 🎈

 

“I love it when you smile like this, and I’d gladly put a smile on your face every day. I’m so blessed by how kind and understanding you are. Thanks for making my heart happy. I love you ❤️@dominicroque”

 

Sagot naman ni Dom, “i love you hun, thank you for the surprise bday party!❤️”

 

At nireplayan naman ito ni Bea ng three face throwing a kiss emojis.

 

Tuwang-tuwa naman ang mga netizens at pinusuan ang IG post ni Bea.

 

Ilang nga sa naging comments nila:

“@dominicroque @beaalonzo sana next year may big announcement na kasi alam kayo na talaga ang magkakatuluyan.”

 

“Ito talaga hinihintay ko e 😭😍❤️ 3rd birthday ni dom with you but ito yung 1st ever bday post mo for him. ❤️ Stay happy, you two! 😍❤️.”

 

“Propose ka na daw! Lol”

 

“Ang gaan ng awra!!!”

 

“Halata na yung trip nila sa US memorable kay Bea.”

 

“Love love love… Happiness!!”

 

“Presko and positive vibes 🥰”

 

“They genuinely happy and love each other.”

 

“Pang forever na 🙏💖”

 

“Parehong good looking!”

 

“Parang hindi napapawisan si Dom kalurks.”

 

“Ang bango bango ng dalawang ito kahit sa pics 😍😊❤️BeaDom stay happy.”

 

“Eto ang couple na maraming naga-agree at sumusuporta sa kanilang pagmamahalan.❤️❤️”

 

“Sa pogi at ganda ng mga to nagmukha na silang siblings. Gandang lahi siguro if magkatuluyan.”

 

“Good to see na happy si manay. Sana maging masaya na din mga tao for her and for her ex.”

 

“People always have something to say. Let her be happy! Different strokes for different folks 👌🏽”

 

(ROHN ROMULO)

PSG, walang natatanggap na direktang banta o security threat sa unang SONA ni PBBM

Posted on: July 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

WALANG natatanggap ang Presidential Security Group (PSG)  na banta sa seguridad para sa unang State Of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

 

 

“None at the moment” ang tugon  ni senior military assistant at Presidential Security Group (PSG) commander

 

 

Col. Ramon Zagala sa tanong kung may nakikita silang magiging dahilan para madiskaril ang  SONA ni Pangulong Marcos.

 

 

Ang importante aniya ay nakatanggap sila ng impormasyon at ang lahat ng impormasyon na kanyang natanggap ay mahalaga.

 

 

“And that we verify and for now, everything is okay. However, if there are any new information then we will act on it,” aniya pa rin.

 

 

Sa ngayon ay nasa final stages na sila ng paghahanda sa SONA.

 

 

Sa kabilang  dako, para matiyak ang kaligtasan ni Pangulong Marcos sa SONA ay magde-deploy sila ng sapat na tauhan.

 

 

Ang hakbang na ito ay hindi lamang para kay Pangulong Marcos kundi para protektahan ang First Family at mga dadalo sa SONA ni Pangulong Marcos Jr.  sa Hulyo 25, 2022.

 

 

“That’s something we prefer not to reveal,” ani Zagala.

 

 

“As you know, it is not just the President attending the SONA. There will be members of the House of Representatives, the Senate and other guests that will be attending which will be part of the protection that PSG will give during the SONA,” dagdag na pahayag ni Zagala.

 

 

Ito aniya ang unang  SONA ni Pangulong Marcos at  Presidential Security Group (PSG) .

 

 

“We are making the necessary coordination with other security agencies, security personnel such as the Philippine National Philippines, Bureau of Fire, and all other agencies that support the Presidential Security Group in securing that the President will have a safe and no incident, untoward incident that will happen during the SONA,” ayon kay Zagala.

 

 

” So these preparations are being planned since last week and that we at PSG, we are prepared in coordination  with the Philippine National Police so that everything will go around.. smooth, from the time he arrives, he delivers his SONA until he returns to the Malacañang Palace,” aniya pa rin.

 

 

Samantala, nananatiling hindi isinasapubliko ng PSG ang iskedyul o kahit na anumang aktibidades na mako-kompromiso ang kaligtasan ng Pangulo.

 

 

“But, rest assured that when the day comes that the President will deliver his Sona, you will all know the schedule that day,” ayon kay Zagala. (Daris Jose)

Tiyak na miss na miss na nila ang isa’t-isa: RURU, super sweet sa pagpapadala ng red roses kay BIANCA kahit nasa South Korea

Posted on: July 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TIYAK na miss na miss na nina Bianca Umali at Ruru Madrid ang isa’t isa, dahil matagal-tagal na ring nasa South Korea si Ruru na nagti-taping ng “Running Man PH.”

 

 

Kaya naman parehong nag-“i miss you” ang dalawa sa kani-kanilang Instagram post, matapos padalhan ni Ruru ng isang bouquet of Ecuadorian red roses si Bianca, kasama ang message niyang: “Since the day I met you, my life has never been the same. (with red heart emoji).”

 

 

Sagot naman ni Bianca: “I miss you,” at nasundan naman ito ng mga mensahe mula sa friends and fans nila na tinukso sila na ang sweet daw ni Lolong kay Bianca.

 

 

Sa ngayon ay gabi-gabing nagti-trending sa social media ang rating ng fantasy-action series na “Lolong” ni Ruru sa GMA-7 pagkatapos ng “24 Oras.” Kasama rito ni Ruru sina Shaira Diaz, Arra San Agustin, Paul Salas, Jean Garcia at Christopher de Leon.

 

 

Busy naman ngayon si Bianca sa paghahanda ng mga fight scenes niya sa sisimulan niyang bagong epic serye ng GMA, ang “Sang’gre,” na muli raw magbabalik ang original na Sang’gre na makakasama ng mga bagong Sang’gre.

 

 

***

 

 

MARAMING nagulat nang lumabas ang teaser ng “The Boobay and Tekla Show,” na mapapanood na this Sunday, July 24, at nakita roon si Lyca Gairanod, ang champion ng “The Voice Kids Philippines Season 1.”

 

 

May mga nagtanong tuloy kung lumipat na raw ba sa GMA Network si Lyca. Sinagot agad ito ng show nina Boobay at Tekla na magiging special guest lamang nila si Lyca sa special episode nila, na ibabahagi ni Lyca ang kanyang buhay bilang isang vlogger, artista at isa sa successful singers ng kanyang generation.

 

 

Base sa trailer, magpapakitang gilas din si Lyca sa pag-arte bilang kontrabida sa isang nakakatawang improvised segment kasama sina Boobay at Tekla. May isa ngang eksena roon na nagulat pa si Tekla sa ginawa ni Lyca.

 

 

Abangan ang eksenang ito at si Lyca, sa pagsali niya sa iba pang laro at mga pakulo ng comedy show, na mapapanood pagkatapos ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sa GMA-7.

 

 

***

 

 

NANGAMUSTA si Comedy Queen Ai Ai delas Alas sa pamamagitan ng kanyang Instagram, sa mga kasama niya sa cast ng GMA Afternoon Prime series na “Raising Mamay.”

 

 

Habang nasa San Francisco, California pa sila ng husband niyang si Gerald Sibayan, dahil naging very successful ang kanilang baking business na ube pandesal na thankful sila dahil tinatangkilik ito ng mga kababayan natin doon.

 

 

Pumunta roon sina Ai Ai after ng lock-in taping nila ng serye with Shayne Sava, Abdul Raman, Gary Estrada, Joyce Ching ang Ms. Valerie Concepcion.

 

 

Final week na ng serye simula sa Monday, July 25, kaya excited na ang mga netizens na malaman kung ano ang magiging wakas ng story, na sasagutin na ang maraming sekreto.

 

 

Tulad nang sino ang tunay na ina at ama ni Abigail (Shayne) at ang pinakahihintay ng lahat, muli kayang bumalik ang kaisipan ni Mamay Letty (Ai Ai), na dahil sa isang aksidenteng nabaril siya sa ulo, ay nabuhay nga siya, pero bumalik ang kaisipan niya ng isang bata. At si Abigail na kinilala niyang anak, ang siyang nag-alaga sa kanya.

 

 

Napapanood ang “Raising Mamay” after ng “Apoy sa Langit” sa GMA-7.

 

 

Samanatala, malamang bumalik si Ai Ai sa bansa kapag magsisimula na ang reality singing competition na “The Clash” 5th edition.

 

 

(NORA V. CALDERON)

Environmental protection efforts, tinalakay ni PBBM sa DENR chief

Posted on: July 22nd, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TINALAKAY ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang mga inisyatibo na naglalayong protektahan ang kapaligiran.

 

 

Makikita sa official Facebook page ng Office of the President (OP) ang mga larawan na kuha sa nangyaring pagpupulong nina Pangulong Marcos at  Yulo-Loyzaga sa Malakanyang.

 

 

Partikular na pinag-usapan nina Pangulong Marcos at Yulo-Loyzaga ang environmental protection efforts na makatutulong sa  Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magampanan ang mandato na protektahan at alagaan ang kapaligiran.

 

 

“President Ferdinand Romualdez Marcos Jr. met with the new DENR Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga to discuss topics concerning our environment such as development, enhancement, up to restoration and regeneration of our natural resources, and digitizing databases and systems of the department,” ang nakasaad sa Facebook page

 

 

Sa kabilang dako, mandato ni DENR Secretary, Yulo-Loyzaga na panindigan ang mandato ng departamento na naglalayon  para sa “conservation, management, development, and sustainable use of the country’s ecosystems and natural resources.”

 

 

Ang pagkakatalaga kay Yulo-Loyzaga ay nangyari  sa gitna ng  environmental issues, kabilang na ang sakuna dahil sa climate change, environmental pollution, illegal wildlife activities, at iba pang usapin ukol sa “land, mining, biodiversity loss and forestry.”

 

 

Samantala, sa isang kalatas sa Presidential Communications’ Facebook page, sinabi ng Office of the Press Secretary (OPS) na kumpiyansa si Pangulong Marcos na “best fit for the job” si  Yulo-Loyzaga.

 

 

“The Chief Executive expressed his trust and confidence in the DENR chief, citing her stint as the chairperson of the International Advisory Board of the Manila Observatory will be vital in envisioning the agenda of the government to address climate change and other environmental issues,” ayon sa OPS.

 

 

Habang sa official Facebook page naman ni Pangulong Marcos, tiniyak nito sa publiko na magsasagawa siya ng masusing ebalwasyon sa mga programa at polisiya ng departamento at tanggapan sa ilalim ng  Executive Branch, kabilang na ang  DENR.

 

 

“Susuriin natin ng mabuti ang bawat plano, programa, at polisiya upang masigurado na nararapat at naaakma ang mga ito sa pangangailangan ng bawat Pilipino,” aniya pa rin. (Daris Jose)