HINIKAYAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pinoy na maghanda para sa pagpapatuloy ng face-to-face classes sa huling buwan ng Agosto.
Sa kanyang lingguhang vlog, sinabi ng Pangulo na dapat ay may sapat na proteksyon ang publiko laban COVID-19 bago pa ang inaasahang pagdagsa ng mga estudyante sa mga eskuwelahan.
“Una riyan ‘yung panigurong nakapag-booster shot na ang lahat lalong lalo na ang ating mga kabataan para siguradong handa ang pangangatawan nila sa pagbabalik eskuwela,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Hindi man ito magiging ganun kasimple, pero kapag tama ang paghahanda ay siguradong magiging matagumpay ito,”aniya pa rin .
Hindi naman nilinaw ng Pangulo kung ang pagbabakuna laban sa COVID-19 ay requirement para sa mga estudyante subalit sinabi naman ng Department of Education na hindi idi-discriminate ang mga mag-aaral na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagpapabakuna laban sa coronavirus.
“So far only 15.9 million Filipinos have availed of their first booster shots, while 1.2 million others have already been jabbed with COVID-19 boosters twice,” ayon sa Pangulo.
“Hindi pa ito magandang numero kumpara sa target natin na 100 percent kaya tayo magsasawa na pakiusapan ang ating mga LGU na mahing mas agresibo dito sa kampanyang ito,” aniya pa rin .
Tinatayang may 15.2 milyong estudyante ang nage-enroll para sa pagsisimula ng school year.
Ani Pangulong Marcos, maraming tao ang makikinabang sa pagbabalik ng physical classes matapos ang 2 taon ng virtual learning.
“Kailangan din ng mga estudyante ng mga school supplies at materyales. Isama mo na ‘yung pagkain kaya’t ang ating retail industry ay may karagdagang influx din ng salapi,” ani Pangulong Marcos.
Marami ring mga magulang ang mas magkakaroon ng oras makapag-hanapbuhay kapag nasa eskuwelahan na ang kanilang mga anak kaya madadagdagan ang ating workforce at mas marami rin silang magiging option sa pagpili ng trabaho dahil hindi na sila limitado sa online,” aniya pa rin.
“Kapag ito ay naging matagumpay, hindi lang ito balik eskuwela, kung di balik negosyo? Balik hanapbuhay at balik kaunlaran,”pahayag ng Punong Ehekutibo.
Pinaalalahanan naman nito ang public transportation na tiyakin na maipatutupad ang minimum health at safety protocols sa kani-kanilang sasakyan.
“Ito’y masasabi ring malaking tulong sa malawakang kilusan natin nang pagbubukas ng ekonomiya,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Maraming industriya ang magiging bahagi at makikinabang sa hakbang na ito kung kaya’t dapat siguruhin natin na ang lahat ay handang handa,” anito .
Tinapos naman ni Pangulong Marcos ang kanyang vlog sa pagbibigay pagpapaalala sa publiko hinggil sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika o National Language Month. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)