ANG pagsasara sa isang serye ang pinakamahirap gawin, ayon kay nine-time PBA champion coach Chot Reyes ng nagdedepensang TNT Tropang Giga.
“I’ve always said it. The hardest game to win is the fourth game. So we have no illusions about it,” sabi ni Reyes sa pagsagupa ng Tropang Giga sa San Miguel Beermen sa krusyal na Game Six ng 2022 PBA Philippine Cup Finals sa Smart Araneta Coliseum.
Hawak ang 3-2 lead, sisikapin ng TNT na tapusin ang kanilang best-of-seven championship series ng SMB ngayong alas-5:45 ng hapon.
Puntirya ng PLDT franchise ang kanilang pang-pitong All-Filipino title at ika-siyam sa kabuuan.
“We know that it’s gonna be a battle, a difficult war. So we have to be prepared. All we can do is prepare ourselves — control the things that we can control and just be ready for Friday,” ani Reyes.
Kinuha ng Tropang Giga ang bentahe sa serye matapos agawin ang 102-93 panalo sa Game Five tampok ang pagkolekta ni one-time PBA MVP Kelly Williams ng 21 markers, 9 rebounds, 3 assists at 2 steals.
Bukod pa ito sa kanyang matibay na depensa kay six-time PBA MVP June Mar Fajardo na humahataw ng mga averages na 20 points at 17.5 rebounds per game.
“My job is to just try to give him some resistance. Not make it easy for him and trusting that the guys are gonna be there to help pull the weight,” wika ng 40-anyos na si Williams.
Inangkin ng SMC franchise, hangad ang kanilang ika-28 PBA crown, ang 2-1 bentahe matapos kunin ang Games Two at Three bago nakatabla at nakalamang ang TNT sa pagbabalik ni Reyes.