NAIS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling buksan ang kaso kaugnay sa sinisingil na estate tax sa pamilya Marcos na noong 1991 ay nagkakahalaga ng mahigit P23 bilyong piso.
“Open the case and let us argue with it. So that all of the things that we should have been able to say in 1987, ’88, ’89 that we were not able to say,” ayon kay Pangulong Marcos sa naging panayam sa kanya ng TV host na si Toni Gonzaga.
“What did you want to say noong ’86, ’87, ’88, ’89?” tanong naman ni Gonzaga.
“Iisa-isahin namin talaga ‘yung sinasabi nilang property kasi hindi maliwanag ang pag-aari ng mga property na sinasabi amin. Sinasabi namin hindi amin ‘yan. Huwag niyo kami tina-tax diyan,” ang tugon naman ni Pangulong Marcos.
Ayon sa Pangulo, hindi sila nagkaroon ng pagkakataon na sumagot sa kaso kaya’t dapat na buksan muli para maresolba na.
Ito’y kahit 1999 pa naging final at executory ang desisyon ng Korte Suprema.
“Well, we are actually encouraging that this finally be resolved because I don’t want to make a legal opinion for which I am not qualified. But rather to say that in our — we were never allowed to argue because when this case came out, we were all in the United States,” ani Pangulong Marcos.
“So when it was the time for us to answer, we had no chance to answer because we were nakakulong in Hickam Air Force Base in Hawaii,” dagdag na pahayag nito.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na ilang beses na rin aniya siyang lumagda ng “quit claim” para lamang patunayan na wala silang kinalaman sa mga nasabing properties.
“Paano ho sila nag-come up nung P203 billion na figure?” ang balik-tanong ni Gonzaga.
“Hindi ko alam. Basta’t pinagsama-sama lang nila kung ano-anong property. Eh ‘yung karamihan doon, hindi talaga — wala kaming kinalaman doon,” ayon sa Punong Ehekutibo.
“In fact, pumirma na ako, ilang beses na akong pumirma ng quit claim na tinatawag. Kung talagang gusto niyo, kunin niyo. Hindi amin ‘yan eh,” dagdag na pahayag nito.
Sa ulat, taong 1986 nang umalis ang mga Marcos sa Pilipinas patungong Hawaii makaraan ang EDSA People Power Revolution.
Taong 1989 ay pumanaw sa nasabing bansa ang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ito naman ang naging dahilan para lumikha ng Special Task Audit Team ng Assesstment ng Tax Liabilitties and Obligation ng matandang Marcos.
Taong 1991 ay nagpalabas ang BIR ng deficiency estate tax assesstment na umabot ng P23 billion noon. Oktubre ng taong din iyon, nagbalik sa Pilipinas nakababatang Marcos.
Taong 1993 naman nang maghain ng petisyon sa Court of Appeal si Marcos pero hindi siya kinatigan ng CA nang magpalabas ito ng desisyon noong 1994.
Taong 1995 nang ipela ito ni Marcos sa Korte Suprema pero taong 1997 ay ibinasura ito ng Korte Suprema.
Isa sa mga argumento noon ni Marcos ay ang hindi sila nabigyan ng due process. Hindi rin sila nabigyan ng pagkakataon na kuwestiyunin ang mga ipinadalang notices of levy subalit ang sabi ng Korte Suprema noon, ilang beses nang naipadala kina Marcos ang mga abiso hinggil sa Deficiency Estate Tax Assesstment ng makabalik na ang mga ito sa Pilipinas.
Sa naging desisyon pa rin ng Korte Suprema, wala raw ginawa sina Marcos para kuwestiyunin ang mga assesstment na ito.
Ang desisyon ng Korte Suprema ay naging final at executory na noong 1999, ibig sabihin lamang ay hindi na ito puwede pang iapela. (Daris Jose)