NAGKAKAMABUTIHAN na ba sina Buboy Villar at Faith da Silva?
Ito ang tanong na nagpa-blush kay Buboy at parang nataranta siyang naghanap ng isasagot tungkol sa kanilang ni Faith.
Ayon kay Buboy, naging close daw sila ni Faith dahil sa pagsama nila sa musical-comedy segment ng All-Out Sundays. Minsan daw niyang inaya itong lumabas pero hindi raw magtugma ang schedules nila. Hanggang sa lumipad na for South Korea si Buboy for Running Man Philippines, hindi na natuloy ang date nila ni Faith.
Noong makabalik na si Buboy pagkaraang ng dalawang buwan, sinorpresa siya ng mga taga-TBATS (The Boobay and Tekla Show) ng isang video message mula kay Faith.
“Hi Buboy. It’s me Faith Da Silva. Hindi ko alam kung na-miss mo ako pero ako… Gusto ko lang mag-congratulate sa’yo sa napaka-exciting na Running Man Philippines.
“Excited ako na mapanood ‘yon and I’m just here to support you and miss ko na to hang out with you at makasama ka sa trabaho. But now that I’m still here in lock-in, chat chat na lang muna. Welcome back to TBATS!” sey ni Faith sa video na ikinakilig ni Buboy.
Matatawag ni Buboy na single siya dahil naghiwalay na sila ng live-in partner niya at ina ng dalawang anak niyang si Angillyn Gorens noong October 2020. Pero magkaibigan pa rin sila at co-parenting ang arrangement nila sa mga anak nilang sina Vlaz Karollyn at George Michael.
Sa US na naka-base si Angillyn at na-petition na niya ang dalawang anak nila ni Buboy na maging US citizen.
***
BIGLANG naging leading man sa teleserye na Nakarehas Na Puso ang dating sexy actor na si Leandro Baldemor at pag-aagawan pa siya nila Jean Garcia at Michelle Aldana.
Pinaghandaan nga raw ni Leandro ang role niya at panay biro sa kanya ng dalawang leading ladies niya na panay diet at workout nito sa kanilang lock-in taping.
Biro ni Leandro, may nabudol daw siya sa production kaya ginawa niyang leading man.
“May nabudol yata tayo kaya ginawa akong leading man nila Jean at Michelle. Nagpapasalamat ako sa GMA kasi malaking role ito na pinagkatiwala nila sa akin.
“Since 2010, gumawa na ako ng teleserye with GMA at lahat ay supporting roles. Masaya na ako sa gano’n, eh. Pero noong sabihing ako ang leading man dito, sabi ko, ‘Teka, iba ito. May nabudol din tayo!'” sabay tawa pa niya.
Nagpapasalamat din ang aktor kina Jean at Michelle dahil napagaan daw ng mga ito ang kanyang pagsabak sa mga drama scenes nila.
“Ngayon ko lang kasi sila nakatrabaho. Noon kasi napapanood ko lang sila sa mga pelikula. Kinabahan din ako kasi ang galing nilang umarte pareho, pero malaki ang tulong nila para mapaganda ko ang performance ko sa mga eksena namin,” diin pa ni Leandro.
Kahit nga raw may sariling wood carving business sa Paete, Laguna si Leandro, hinding-hindi raw niya iiwan ang showbiz dahil sobra raw niyang minahal ang propesyon na ito simula noong ma-discover siya ng Seiko Films noong 1998.
Ordinaryong college student lang daw siya noon nang may lumapit sa kanya para gawin siyang artista. Pagkaraan ng sampung araw ay nagsu-shooting na raw siya para sa unang pelikula niya na Patikim Ng Pinya kasama si Rosanna Roces.
Ang iba pang sexy films na ginawa ni Leandro ay Sariwa, Tukso Layuan Mo Ako, Pisil, Pedrong Palad, Katawan, Burlesk Queen Ngayon, Ikapitong Gloria, Virgin Wife, Eskandalo, Huwag Kang Kikibo, Bedtime Stories, Ligaya Pantasya Ng Bayan at Balat Sibuyas.
Noong hindi na uso ang paggawa ng sexy films, naging entertainer sa Japan si Leandro ng ilang taon. Noong bumalik siya sa Pilipinas, sinubukan niyang pasukin ang politics sa pagtakbo bilang board member ng 4th District ng Laguna. Pero hindi sinuwerte si Leandro kaya bumalik siya sa pag-arte.
Ilan sa mga teleserye na nilabasan ni Leandro ay ang Marimar, Rosalka, Importal, Munting Heredera, Isang Dakot Na Luha, Indio, Mundo Mo’y Akin, Innamorata, My BFF, Pinulot Ka Lang Sa Lupa, Encantadia, Impostora, Contessa, Cain at Abel, The Gift at Las Hermanas.
(RUEL J. MENDOZA)