LUNGSOD NG MALOLOS – Kaisa ng bansa sa pagdiriwang ng National Indigenous People’s Month, magsasagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office ng isang programa para sa mga katutubo na tinawag na “Taunang Araw ng mga Katutubong Dumagat” sa Oktubre 21, 2022 sa Sitio Manalo, Brgy. San Lorenzo, Norzagaray, Bulacan.
May temang “Pagsasakatuparan ng mga Katutubong Karapatan at Kapakanan Batay sa Kanilang Pangarap at Hangarin”, layunin ng pagdiriwang na itaas ang kamalayan ng publiko at suportahan ang kultura ng katutubo sa lalawigan.
Inaasahang magbibigay ng kanilang mensahe tungkol sa pagpapalakas at pagpapanatili ng katutubong kultura sina Gobernador Daniel R. Fernando, Abgd. Antonio A. Roman, OIC-Regional Director III ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at Gng. Regina Panlilio, Chief of NCIP-Bulacan.
Samantala, umaasa naman si Fernando na bibigyang respeto ng mga Bulakenyo ang mga Dumagat sapagkat mayroon din itong mahalagang bahagi sa lalawigan.
“Ang kalalawigan nating mga Dumagat na naninirahan sa bulubunduking lugar sa Norzagaray ay katuwang natin sa paglilinang ng ating mga lupain na nakatutulong din upang maiwasan ang matitinding epekto ng mga sakuna. Marapat lang na bigyan natin sila ng pagkilala at respeto, at ang pagpapahalaga sa kanilang mayamang kultura at tradisyon ay ilan sa paraan upang ito ay maisakatuparan,” ani Fernando.
Alinsunod sa Proclamation No. 1906, Series of 2009, ang buwan ng Oktubre kada taon ay idinideklarang ‘National Indigenous Peoples Month’. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)