KINUMPIRMA ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nasa kustodiya nila ang isa pang “middleman” sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid at bantay-sarado na nila ito.
Ayon kay BJMP chief Director Allan Iral, naka-isolate na sa isang jail facility sa Metro Manila ang middleman na may drug charges para na rin sa seguridad nito. Tiniyak ni Iral na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon ng PNP at sisiguraduhin na ligtas ang middleman.
“Yes nasa atin yong isa, kaya pinapabantayan ni SILG,” ani Iral sa isang text message.
Una nang sinabi ni Southern Police District Director Brig. Gen. Kirby John Kraft na si Christopher Bacoto o Jerry Sandoval ay nasa BJMP.
Tulad ni Bacoto, si Crisanto Villamor ang middleman na kumontak kay Escorial upang patayin si Lapid noong Oktubre 3 sa Las Piñas.
Samantala, inatasan ni Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang PNP sa pag-secure kay Escorial gayundin sa BJMP kay Bacoto.
Ayon kay Abalos, ang pagkamatay ni Villamor ay indikasyon na mas dapat pang tutukan at busisiin ng PNP ang mga ebidensiya upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Lapid at matukoy ang mastermind.
Hindi rin naitago ni Abalos ang kanyang galit at panghihinayang nang malamang namatay ang middleman na si Villamor. Aniya, may ginagawang autopsy kay Villamor kaya sakaling may foul play, kailangang may managot.
Oktubre 18 nang sumuko at umamin si Escorial ng pagpatay kay Lapid. Subalit makalipas ang ilang oras ay namatay umano si Villamor sa loob ng New Bilibid Prison.
Ang misteryosong pagkamatay naman ni Villamor ang naging basehan ni Justice Secretary Crispin Remulla upang patawan ng suspensiyon si Bureau of Corrections (BuCor) head Director General Gerald Quitaleg Bantag. (Daris Jose)