APRUBADO na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang matrix ng multa naibabayad ng mga mahuhuling motorista na lalabag sa mga batas trapiko sa ilalim ng single ticketing system na nasa Metro Manila Traffic Code.
Inaprubahan ng Metro Manila Council noong nakaraang linggo ang multa mula P500 hanggang P10,000 depende sa violation at kung ilan beses nagawa ng offender ang paglabag.
Umaasa si MMDA acting chairman Romando Artes na ang nasabing naaprubahang bagong code ay makakabawas sa human intervention at sa kalaunan ay mawawala ang korupsiyon sa pamamagitan ng paggamit ng technology sa panghuhuli ng mga motoristang lumalabag sa batas trapiko.
“The Metro Manila Traffic Code, I don’t think standing alone will address corruption as far as traffic law enforcement is concerned. But the MMDA with the local government units are investing in technology to eliminate or at least lessen, corruption,” wikani Artes.
Sinabi ni Artes na ang kanilang ahensiya ay bumili ng body cameras na nakakabit sa command center kung saan makikita ang real-time kung paano nahuli ng isang traffic enforcer ang motorista.
Bumubuo rin ang MMDA ng isang handheld device na makapag-iisyu ng tickets at puwedeng tumanggap ng bayad digitally ng mga multa.
“Through this handheld device, we will be able to do away with the paper ticket and, hopefully, the chance to provide grease money,” dagdag ni Artes.
Ayon sa bagong matrix, ang mga mahuhuli ay kinakailangan magbayad ng mga sumusunod: P500 kada isa para sa number coding, tricycle ban at arrogance/discourteous conduct; P1,000 kada isa para sa disregarding traffic sign, attended illegal parking o di kaya ay kung ang driver ay nasaloob ng sasakyan, obstruction, overloading, defective motor vehicle accessories, loading at unloading sa mga bawal na lugar, overspeeding at walang seatbelt; P2,000 kada isa para sa unattended illegal parking, light truck ban at unauthorized modification at P3,000 naman para sa truck ban.
Depende naman sa kung ilan beses ginawa ang offenses, ang mga mahuhuli ay magmumulta ng P1,000 sauna, P2,000 sa ikalawa, at P2,000 na may kasamang seminar sa mga susunod na offenses para sa reckless driving.
Para naman sa dress code, P500, P750 at P1,000. Papatawan ng P2,000 at P5,000 para sa illegal counterflow; P1,000, P2,000 at P5,000 sa hindi paggamit ng child restraint system (CRS). Bibigyan naman ng multang P1,000, P3,000 at P5,000 para sa substandard na CRS; P1,500, P3,000 at P5,000 at P10,000 kung hindi gumagamit ng motorcycle helmet. Habang P3,000 at P5,000 sa paggamit ng helmet ng walang import commodity clearance o ICC marking. Papatawan din ng P3,000, P5,000 at P10,000 kung hindi sumunod sa Children’s Safety on Motorcycles Act.
Ayon kay Artes, ang mga law offenders ay dapat magbayad ng multa sa loob ng 10 araw pagkatapos ng pagkahuli. Aalisin ang record ng violation kapag nagbayad na ang motorista ng multa.
Ipatutupad din ang demerit system kung saan ang driver’s license ay kukunin at susupendihin kapag nakarating nasa certain number ng points.
Umaasa si Artes na ang Metro Manila Traffic Code ay makapagbibigay ng disiplina sa mga motorista kahit na ang ibang tao ay naniniwalang ang mga multa ay isang parusa.
Ang Land Transportation Office (LTO) naman ay pinuri ang pagpapatupad ng single ticketing system ng Manila’s Council upang magkaron ng harmonious at streamline na contact apprehension sa National Capital Region. LASACMAR