INI-RELEASE na ng singer-songwriter na si Anton Paras ang kanyang bagong komposisyon na may titulong ‘Binabalewala’ na mula sa AltG Records.
Binubuo at isinulat niya ang kanta noong kalagitnaan ng 2021. Tungkol ito sa mga taong gumagawa ng maraming pagsisikap na ipakita ang kanilang mga damdamin patungo sa kanilang bagay ng pagmamahal ngunit hindi nagtagumpay.
Gusto ni Anton na magsulat ng awitin na maraming makaka-relate, kaya sinulat niya ito para sa mga hopeless romantic.
“Gusto ko po makagawa ng song na marami po talagang makaka-relate kahit anong age po sila. Then ‘Binabalewala’ po ‘yung title kasi ‘yung story po ng song is may guy na tina-try po niyang ipakita ‘yung efforts niya sa girl pero hindi po siya pinapansin kahit anong gawin niya. Tapos doon po papasok ‘yung title na ‘Binabalewala,'” pagbabahagi ni Anton.
Dagdag pa niya, “Super na-excite po talaga ako nung nalaman ko na mag-rerelease po ako ng kanta. Sinabi ko po agad kay Sir Pau Agudelo na gusto ko po itong i-record agad kasi ‘yung ‘Binabalewala’ po ‘yung favorite song ko so far sa mga na-compose ko.”
Payo naman niya sa mga nababalewala, “siguro more on distract yourself muna. Do things na makakapagpasaya sa inyo and more on self growth. Palagi ko ring sinasabi na always take one step at the time.”
Kuwento pa ng DSLU student tungkol sa experience na binalewala, “varsity player kasi sa basketball sa High School and I gave all my effort, tapos parang nabalewala ako dahil sa height ko.
“Ang mga kalaban kasi namin noong mga six footer na at may 5’10” at 5’11”, eh kami po mga 5’7″ at 5’8″ lang, kaya ‘yun lang ang experience na binalewala ako.
Pero pagdating sa pag-ibig, wala pa naman daw experience na binalewala si Anton. Kahit nagawa niya ang kanta, dahil inisip na lang niya passion niya ang pagkanta at gustong gawin.
May mensahe naman siya sa lahat ng hopeless romantics, “Lagi naman pong may failure. ‘Wag na lang po masyadong dibdibin ang heartbreaks and move on to the next kasi sabi nga po nila ‘There’s a lot of fish in the sea.’”
At bilang multi-talented artist, patuloy si Anton sa pag-i-explore ng mga different song genres, “Gusto ko po maipakita na I can do a lot of genres, na hindi lang po ako pang R&B Ballads. Gusto ko po ma-showcase ‘yung versatility ng voice ko.”
Bata pa lang si Anton ay pinakakanta na siya ng mga songs ng The Beatles at iba pang old songs. Nahilig din siya kay Eric Clapton. Hanggang sa nagustuhan naman niya ang R&B Pop tulad ng mga songs nina Bruno Mars at Justin Bieber.
Pagdating ng High School, naging ‘old soul’ siya dahil type naman niyang pakinggan sina Usher, Boz II Men, Chris Brown, na malaki talaga ang naging impact sa kanyang pagpi-perform.
Inamin din ni Anton na hindi raw makapaniwala ang friends niya na certified GMA Artist na siya at ito labas na ang kanyang second single sa GMA Music after ng ‘All I Need’.
Ang up-and-coming musician ay napansin dahil sa kanyang various OPM and foreign song covers online. Favorite niya dito ang version niya ng ‘Home’ ni Michael Buble at ‘Pagsamo’ ni Arthur Nery. Nai-release din niya self-composed acoustic track titled ‘Aking Sinta’ na may nakakikilig na music video.
Super proud naman ang kanyang family sa mga singer din dahil nakapasok siya sa showbiz industry. Kahit siya ay hindi makapaniwala na natutupad na ang dream niya na makilala bilang isang legit na singer.
“Kaya thankful ako kay God at sa GMA dahil binigyan nila ako ng opportunity to show my talent. Ang palagi kong iniisip na I have to give my 101 percent para ipakita sa GMA at sa lahat na magaling akong singer and I have what it takes to join the music industry,” pahayag pa ni Anton na naganap na zoom medicon.
Huwag palampasin ang ‘Binabalewala’ ni Anton Paras, available na ito sa lahat ng digital streaming platforms sa buong mundo simula sa araw na ito, Marso 31.
At para live na mapakinggan ang pagkanta ni Anton, abangan din ngayong ika-walo ng gabi sa Pit88 Restobar sa Marikina City para sa kanyang show na ‘Friday Night’s The Night’, kasama ang iba pang mga GMA artists na sina Matt Lozano, Mariane Osabel, Abby Clutario, Janine Tenoso at Wickermoss.
Para sa iba pang detalye tungkol sa Kapuso Network, bisitahin ang www.GMANetwork.com.
(ROHN ROMULO)