LUMAGDA sa isang memorandum agreement ang Social Security System (SSS) at Bureau of Immigration (BI) upang pagkalooban ng social security coverage ang lahat ng job order at contract of service workers ng BI.
Personal na nilagdaan ang naturang kasunduan nina SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet at BI Commissioner Norman G. Tansingco sa isang ceremonial signing, kung saan mabebenipisyuhan ang nasa 800 job order at contract of service workers na nagtatrabaho sa immigration regulatory body.
Sa ilalim ng kasunduan, ang BI’s job order at contract of service workers ay makakatanggap ng SSS coverage sa ilalim ng KaSSSama sa Coverage Program. Sa ilalim ng programa, ang naturang mga tauhan ng Immigration Bureau ay ilalagay na self-employed members ng SSS.
Nakasaad pa sa kasunduan na ang BI ay magiging Coverage at Collection Partner ng SSS.
Inootorisahan ng SSS ang BI na kolektahin at e-remit ang buwanang kontribusyon ng naturang mga manggagawa sa pamamagitan ng salary-deduction scheme.
Niliwanag ni Macasaet na ang naturang mga manggagawa bilang self-employed SSS members ay entitled na makatanggap ng social security benefits tulad ng sickness, maternity, disability, retirement, funeral at death benefits.
Makakakuha rin sila ng dagdag na coverage mula sa Employees› Compensation Program (ECP) para sa work-related contingencies.
Maaari rin silang mag-aplay sa iba’t ibang pautang para sa mga miyembro ng SSS tulad ng salary at calamity loans.
Pinasalamatan naman ni Commissioner Tansingco ang SSS sa pagpupursigi nitong mabigyan ng social security benefits para sa kanilang mga manggagawa. (Daris Jose)