TULOY na tuloy na pala ang civil wedding nina Paranaque City Councilor Jomari Yllana at Abby Viduya ngayong November 2023.
Sa media launch para sa Motorsport Carnivale 2023 na ginanap sa Okada Manila, una itong naikuwento ni Abby, na super excited na sa wedding nila ni Joms na gaganapin sa Las Vegas, Nevada.
Pagkatapos nito ay magkakaroon naman sila ng church wedding sa Our Lady of Peñafrancia Shrine sa Naga City at ang kanilang time frame ay end of 2024 or early 2025.
Si Jomari raw ang nag-aasikaso ng kanilang kasal, dahil ayaw ng aktor na ma-stress si Abby.
Kuwento naman kay Jomari, “we’re very very happy. We doing everything together.
“Ako, okey na ako, gagarahe na ako. I’m doing what I love and I’m together with the one I love.”
Samantala, magsisimula ang pinakamalaking motorsport event sa Pilipinas sa mga taon sa araw na ito, Agosto 2 sa The Boardwalk ng Okada Manila sa Paranaque City.
Presented ng Okada Manila, ang Motorsport Carnivale 2023 ay isang 5-day sporting event na pinangungunahan ng Philippine Rallycross Series na inaasahang magtitipon ng mahigit 50 racer papunta sa Tarlac at pabalik.
Iba pang mga highlights, ang CART, na isang Car Meet in memory of Eduardo ‘Mang Ed’ del Rosario, ang founding father ng Cavite Auto Racing Team, na tinatayang magtitipon ng mga collectors ng rare racing cars at motorsport gadgets, isang Autocross Race, na nagtatampok ng hindi bababa sa 150 kotse sa Linggo (Aug. 6), ay may champagne popping pa.
Gaganapin ang awarding ceremonies sa Okada Manila sa Agosto 6 na kung saan tatanggap ng special award sina Richard Gomez at Matteo Guidicelli na parehong racing enthusiast.
Pangungunahan nga ito ni Jomari, na matagal nang mahilig sa karera, na umaasang maibabalik ang glory days ng mga motorsport sa bansa, bilang pagtukoy sa panahon kung kailan ginanap ang Philippine Grand Prix sa Maynila mula 1973 hanggang 1976.
Ayon pa actor-turned-politician, gusto niyang hikayatin ang mga Pilipino na yakapin ang mayamang kasaysayan ng Philippines motorsport sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng lahat ng mga mahilig sa karera at panatiko sa isang komunidad.
Hindi na nga bago sa naturang sport si Jomari, nanalo at nakapuwesto sa ilang lokal na karera at siya ang first Filipino podium finisher sa Yeongam International Circuit sa South Korea noong 2014.
Siya rin ang principal driver ng pro racing team na Yllana Racing.
***
PINAALALAHANAN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson Lala Sotto-Antonio kamakailan ang lahat ng Television (TV) Networks, Blocktimers, Program Producers, at Distributors na tiyaking ang mga suot ng mga talent ay ligtas at angkop sa performances.
Inilabas ng MTRCB ang Memorandum bunsod ng magkakasunod na wardrobe malfunctions na namataan ng Ahensiya sa ilang live TV programs.
Binigyan-diin ni Sotto-Antonio na ang MTRCB “ay kumikilala sa aksidente ng wardrobe malfunction pero, gayunpaman, ang MTRCB Board ay mariing nagpapaalala sa mga stakeholder na doble-ingat sa gitna ng madalas na pagkasira ng wardrobe ng ating mga performer at talent.”
“Binabalaan ang lahat na sakaling maulit ang mga kahalintulad na sakuna ay lalapatan ng mas mabigat na parusa,” dagdag niya.
Ayon sa Section 8, Chapter V ng Implementing Rules and Regulations of the Presidential Decree No. 1986, ang mga live television programs tulad ng noontime variety shows at talk shows, ay kinakailangan na mag-superimpose ng katagang Parental Guidance (PG) sa TV screen sa buong airing ng programa. Ang superimposition ng naturang rating ay bilang paalala sa mga magulang at TV stakeholder na maging mapagmatyag at mabigyan ng pansin ang content na maaaring hindi angkop sa mga kabataan, lalunat ang mga programa sa telebisyon ay umeere ng live.
(ROHN ROMULO)