BINUKSAN kailan lamang ang operasyon ng Philippine National Railways (PNR) na biyaheng Naga papuntang Ligao sa probinsiya ng Camarines Sur at Albay.
Sinuspinde ang operasyon ng Naga-Ligao dahil sa kakulangan ng rolling stock na nagdudugtong sa southern Luzon papuntang probinsiya ng Camarines Sur at Albay.
Magkakaroon ng dalawang (2) trips araw-araw ang Naga-Ligao na ruta na may habang 67 kilometro. Ito ay bahagi ng Bicol Commuter Service subalit ang ibang bahagi ng ruta ay suspendido at walang ng operasyon sa ngayon. Sa ngayon ang may operasyon lamang ay ang Naga-Sipocot na ruta sa nasabing commuter service.
Ang unang trip mula Ligao City papuntang Naga ay nagsisimula ng 5:30 ng umaga at ang ikalawang trip ay 5:30 sa hapon mula Naga hanggang Ligao.
“There would be more trips in the said line should the passengers increase,” wika ng PNR.
Ang travel time sa nasabing ruta ay tatagal ng dalawang (2) oras at 11 minuto gamit ang Diesel Hydraulic Locomotive (DHL) na may limang (5) passenger coaches na makapagsasakay ng hanggang 1,300 na pasahero.
Ito ay binubuo ng siyam (9) na estasyon na magsisilbi sa mga pasahero sa parte ng Albay at Camarines Sur kasama ang Naga, Pili, Baao, Iriga, Bato, Matacon, Polangui, Oas at Ligao.
Ang pasahe ay magsisimula sa P15 pagkatapos ng unang estasyon. Kung end-to-end, ang pasahe ay aabot ng P105. Bawal ang kumain at uminom sa loob ng mga bagon habang ang pagsusuot ng face mask ay optional na lamang.
Samantala, kamakailan lamang ay binanalita ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na bubuhayin ang PNR North Long Haul at Panay Railway kasama rin ang North Mindanao Railway at San Mateo Railway na siyang magdudugtong sa LRT 2 papuntang bayan ng San Mateo at Rodriguez sa probinsiya ng Rizal. LASACMAR