HINIKAYAT ni Senador Bong Go ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na i-update ang kanilang listahan ng mga mahihirap na senior citizens para masiguro ang tamang implementasyon ng batas na nagtataas sa kanilang Social Pension.
Ayon kay Go, layon ng Republic Act No. 11916 na itaas ang pension ng mahihirap na senior citizen mula P500 hanggang P1,000.
Ang pag-amyenda umano sa naturang batas ay isang hakbang para masiguro na maganda ang kalidad ng buhay ng mga senior citizen kaya kailangan nila na mabigyan ng karampatang suporta.
“Nandiyan na ang batas. Dapat maimplementa ito ng maayos para mapakinabangan ng taumbayan lalo na ng mga matatanda na sakop ng batas na ito. Ibigay dapat ang nararapat sa kanila at huwag patagalin pa,” giit ni Go.
Iginiit pa ng Senador na sa ilalim ng batas ay may mandato ang DSWD na inilipat sa National Council and Development (NCSC) na kada taon ay i-update at i-validate ang mga benepisyaryo ng listahan sa tulong na rin ng Philippine Statistics Authority o PSA) at mga lokal na pamahalaan. Sa palagay ng Senador dapat na agad i-update ang listahan ng mga benepisyaryo dahil maaaring dumami na ang bilang ng mga indigent senior citizens sa mga nakalipas na panahon.