NAGING matagumpay ang ika-anim na edisyon ng The EDDYS (Entertainment Editors’ Choice) ng Society ng Philippine Entertainment Editors (SPEEd), na ginanap sa Aliw Theater sa Pasay City noong Nobyembre 26.
Nagningning nga ang pinakamahusay sa paggawa ng pelikulang Pilipino para sa taong 2022, pati na ang natatanging pagganap ng mga aktor at aktres.
Big winners ang “Blue Room” at “Family Matters” sa katatapos lang na awards night, na parehong tinanghal na Best Film.
Ang Best Director ay ipinagkaloob kay Nuel Crisostomo Naval para sa “Family Matters”.
Nag-tie naman sina Max Eigenmann at Janine Gutierrez sa Best Actress award para sa kanilang nakabibilib na pagganap sa “12 Weeks” at “Bakit ‘Di Mo Sabihin?”
Ang 5th EDDYS Best Supporting Actress na si Lotlot de Leon ang tumanggap ng tropeo para sa kanyang anak.
Hindi nga napigilan ni Lotlot na maging emosyonal sa kanyang speech, “Alam n’yo po, pangarap ko talaga na makatanggap ng Best Actress award, ‘yun pala tanggapin ko, ‘yung sa anak ko.
“Janine, I’m so proud of you, my darling!”
Inialay naman ni Max ang award sa kanyang ina na si Bing Pimentel, na kasama rin niya sa “12 Weeks”.
Si Elijah Canlas ang nakasungkit ng Best Actor award para sa mahusay niyang pagganap sa “Blue Room”.
Tulad ng inaasahan nang nakararami, si Nikki Valdez ang nakapag-uwi ng tropeo ng Best Supporting Actress para sa kanyang ‘di matatawarang pagganap sa “Family Matters.”
Nakagawa naman ng EDDYS history si Mon Confiado na tumanggap ng ikalawang Best Supporting Actor award para sa kanyang nakakikilabot na pagganap sa “Nanahimik ang Gabi,” dahil siya rin ang nagwagi sa last year sa ‘5th The EDDYS’, para sa pelikulang “Arisaka”.
Ginawaran ng Best Screenplay si Mel Mendoza del Rosario para sa “Family Matters”, habang ang Best Cinematography ay nakuha ni Moises Zee para sa “Nanahimik ang Gabi”.
Si Marxie Maolen Fadul ay tumanggap ng parangal bilang Best Production Design, samantalang si Vanessa de Leon ang kinilala sa Best Editing, na pawang para sa “Blue Room”,
Isa pang award ang nasungkit ng “Blue Room”, wagi sina Jazz Nicolas at Mikey Amistoso ng Best Musical Score, habang ang Best Sound Design ay napagwagian nina Andrea Teresa Idioma at Emilio Bien Sparks para sa “Nanahimik ang Gabi”.
Ang awiting “Sa Hawak Mo” ang nagwaging Best Theme Song na mula sa “Family Matters”.
Sina Carl Regis Abuel, Tricia Bernasor at Geraldine Coa ng “Live Scream” ang nagwagi sa Best Visual Effects.
Ang awards night ay idinirek ni Erik Quizon, hosted by Piolo Pascual and Iza Calzado. Nasaksihan din ang natatanging pagtatanghal nina Pops Fernandez, Darren Espanto, Erik Santos, at P-pop group na Calista.
Hindi magiging matagumpay ang 6th The EDDYS, kung wala ang pagsuporta ng Beautederm, Globe Telecom, Shopee, at Tough Mama.
Pinasasalamat din ang auditing firm ng Juancho Robles, Chan Robles & Company, CPAs, na nagsilbing auditor ng mga boto.
Special thanks din kay Ms. Angeli Pangilinan-Valenciano ng Sound Check, Beautederm loot bags, at sa foods na pinadala ni Ms. Mhae Sarenas ng Echo Jham Entertainment Production.
Prinoduce ito ng SPEEd sa pakikipagtulungan sa Airtime Marketing Philippines ni Ms. Tessie Celestino-Howard, magkakaroon ng delayed telecast ang 6th The EDDYS sa ika-2 ng Disyembre sa A2Z.
(ROHN ROMULO)