SINIMULAN na ng bicameral conference committee ang pagtalakay sa P5.768 trillion na 2024 national budget para pagkasunduin ang kanya-kanyang bersyon ng Senado at Kamara.
Pinayuhan ni Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara, head ng Senate contingent sa bicam, ang mga mambabatas na gampanan ng mahusay ang kanilang mga tungkulin sa ilalim ng saligang batas dahil ito lamang din ang kanilang magagawa sa panahon ngayon na hindi sigurado kung saan may mga nagaganap na giyera at pagkasawi ng mga inosente.
Sinabi pa ni Angara na kahit ano pa ang maging lagay o sitwasyon ng merkado sa mga ganitong panahon na hindi tiyak ang mangyayari ay dapat pa ring gawin ng pamahalaan ang kanyang tungkulin.
Samantala, sa Senate version ay inadopt ng Mataas na Kapulungan ang bersyon ng Kamara kung saan ang confidential at intelligence funds ng mga civilian agencies ay nire-align sa mga security agencies.
Paliwanag ng senador, katulad sa Kamara ay pareho rin sila ng pagtingin sa CIF na ito ay dapat para lamang sa mga ahensya na may mandato para sa intelligence gathering.
Hinikayat naman ni House Committee on Appropriations Chairman Elizaldy Co ang mga kapwa mambabatas na i-adopt ang mga binago at inintrodyus ng liderato ng Kamara sa General Appropriations Act upang isulong ang transparency sa public spending, protektahan ang pambansang seguridad, tiyakin ang sapat na pagkain at suportahan ang populasyon na patuloy na umaahon matapos ang matinding epekto ng pandemya. (Daris Jose)