• July 18, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 15th, 2023

Sa mga business ventures niya: YSABEL, naa-appreciate ang walang humpay na suporta ni MIGUEL

Posted on: December 15th, 2023 by @peoplesbalita No Comments
ISA si Ysabel Ortega na marunong mag-invest sa negosyo upang mas mapalago pa ang kinikita sa pag-aartista.
Hindi pa natatagalan noong nagbukas ng sarili nilang branch ng NAILANDIA nail salon and spa sa Il Terrazo, sina Ysabel, Sophia Senoron at Elle Villanueva, heto at nagbukas naman si Ysabel ng bakeshop na kasosyo ang ina niyang si Michelle Ortega, ang Maria Ysabel’s Cakes and Pastries.
At tulad sa opening nila ng NAILANDIA, dumalo muli sa opening ng bakeshop ni Ysabel sina Miguel Tanfelix at Raphael Landicho na mga co-stars ni Ysabel sa ‘Voltes V: Legacy’.
Appreciated ni Ysabel ang walang humpay na suporta sa kanya ni Miguel sa mga business ventures niya.
“It means a lot, of course. Kasi siyempre, in everything naman masaya kung may support system ka,” saad pa ni Ysabel.
“With Miguel, very supportive siya sa akin. May mga nights na nagkukuwento ako sa kanya, tapos palagi siyang may words of encouragement and nakita naman din na very supportive siya.
“So, very grateful. Sobrang appreciative ako sa kanya,” dagdag na sinabi pa ni Ysabel.
Si Marian Rivera ang celebrity endorser ng NAILANDIA.
Isa nga si Marian sa mga natuwa nang nalaman nitong may branch na sina Ysabel, Elle, at Sophia.
Sa isang pakikipag-usap namin sa NAILANDIA owner na si Noreen Divina, nabanggit niya sa amin na matagal na rin palang gusto ni Marian na magbukas ng sarili nitong branch pero naghahanap pa raw ang GMA Primetime Queen ng magandang puwesto.
“She’s planning na talaga.
“Before nag-apply kami sa Rockwell,” kuwento sa amin ni Noreen, pero wala raw silang nakitang bakanteng puwesto.
“But when I told Marian na sina Ysabel, sina Sophia at Elle mag-put up ng Nailandia. Sabi niya, ‘Ms. Noreen, hindi pa tapos yung plan ko, ha? Still trying to look for a nice place for me.’
“Sabi ko, ‘Yes tuloy pa tayo.’”
Still on Ysabel, mapapanood ang Sparkle actress sa ‘Firefly’ ng GMA na entry sa Metro Manila Film Festival ngayong Disyembre 25, sa direksyon ni Zig Dulay.
Nag-aaral rin ngayon si Ysabel ng kursong Law.
(ROMMEL L. GONZALES)

MMDA dudang 100k sasama sa Piston tigil-pasada, aagapay sa commuters

Posted on: December 15th, 2023 by @peoplesbalita No Comments

MINALIIT ng Metropolitan Manila Development Authority ang posibleng maging epekto ng inilulutong transport strike ng Piston kontra “jeepney phase” out at December 31 consolidation deadline — pero nakahanda na raw silang umalalay sa mga maiipit ng welga.

 

 

Ito ang ibinahagi ni MMDA acting chairperson Don Artes sa isang video statement bago ang December 14-15 transport strike na ikakasa kasabay ng matinding demand sa sasakyan dulot ng Christmas rush at “payday Friday.”

 

 

“Lagi namang malaki ‘yung claim nila na sumasama,” wika ni Artes kanina matapos sabihin ng progresibong grupong aabot sa 100,000 tsuper ang dadalo sa kilos-protesta.

 

 

“But based sa aming information, medyo hindi ganoon karami ‘yung sasama. So kung saan may concentration ng sasama, doon kami maglalagay ng augmentation vehicles.”

 

 

Una nang sinabi ng Piston na pamumunuan nila ang malawakang tigil-pasada ng mga public utility vehicles (PUVs) para tutulan ang itinakdang December 31 deadline ng gobyerno para makapagkonsolida sa ilalim ng mga kooperatiba o korporasyon, bagay na pipigil diumano sa operation ng mga unit na hindi makasusunod.

 

 

Alinsunod ito ng PUV modernization program ng gobyerno, bagay na nagtutulak sa mga operator at tsuper na magtransisyon patungo sa mga modernong minibuses o e-jeeps. Gayunpaman, umaaray ang mga grupo dito dahil sa umaabot daw ito sa hanggang P2.8 milyon kada unit.

 

 

Una nang pinabulaanan ng Department of Transportation ang phase out ng mga tradisyunal na jeep, kahit una nang inamin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na ito ang “huling hakbang” ng PUVMP. Wika pa ng estado, nagbibigay din ng ayuda para sa mga kooperatiba.

 

 

“Despite minimal ‘yung impact, kami ay laging naghahanda pa rin dahil ‘yan po ay serbisyo na dapat nating ibigay sa ating mga kababayan at to ensure na minimal ‘yung impact at inconvenience sa ating riding public. We’ll prepare pa rin,” ani Artes.

 

 

“Kung pagbabasehan ‘yung nakaraang [welga], [Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela] area ‘yung medyo tinamaan at Paranaque. So ‘yan pa rin ‘yung ating tututukan.”

 

 

Ayon sa MMDA official, lumabas na sa pag-iimbentaryo nilang marami ang hindi sasama sa protesta lalo na’t nadadala raw ang ilan dahil sa epekto nito sa kikitain. Bukod pa raw ito sa “pagresponde ng gobyerno.”

 

 

Una nang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na magkakaroon ng extension sa deadline ng consolidation.

 

 

Dagdag pa ni Artes, tinitignan pa nila kung ilang standby units ang maitatalaga upang tumugon sa epekto transport strike. Noong nakaraang welga kasi, umabot daw ito sa 686 kung kaya’t posibleng ito rin daw ang rumesponde — kabilang na ang sa local government units.

 

 

Bagama’t “minimal” daw ang naging epekto ng mga nakaraang tigil-pasada, tuloy pa rin daw sila sa pagiging alerto upang maiwasan ang gulatan.

 

 

Taliwas ito sa unang balita ng Piston na naparalisa nila ang 90% ng mga ruta sa National Capital Region nitong Oktubre.

 

 

“Imo-monitor pa rin po natin ‘yung lahat ng lansangan sa Metro Manila at magbibigay tayo ng augmentation kung sakali pong kailangan at makita na meron po tayong stranded na pasahero ay atin pong tutugunan para ma-minimize ‘yung inconvenience sa ating riding public,” dagdag pa ni Artes.

 

 

Wala rin daw inaasahang suspensyon ng number coding scheme para bukas lalo na’t nadadagdagan daw ng 20% na sasakyan sa tuwing ginagawa ito.

 

 

Paglilinaw naman ni LTFRB spokesperson Celine Pialago kanina, wala silang ibibigay na libreng sakay simula bukas hanggang Biyernes.

 

 

Gayunpaman, nanggagaling daw ang ganitong inisyatiba sa Philippine National Police, JTF NCR, MMDA, Department of Public Works and Highways at LGUs. (Daris Jose)