LALONG tumaas ang unemployment rate ng bansa patungong 4.5% kasabay ng pagtindi ng underemployment rate sa 13.9% nitong Enero, ayon sa pinakabagong datos ng gobyerno.
Mas mataas na kawalang trabaho at underemployment ito kumpara noong Disyembre, na siyang nasa 3.1% at 11.9% bago magtapos ang 2023.
“In terms of magnitude, the number of unemployed individuals in January 2024 was estimated at 2.15 million,” wika ng Philippine Statistics Authority (PSA) ngayong Biyernes.
Higit ‘yang mas mataas kaysa sa 1.6 milyong unemployed individuals noong Disyembre 2023.
Narito ang buod ng mahahalagang datos mula sa January 2024 Labor Force Survey:
unemployment rate: 4.5%
walang trabaho: 2.15 milyon
employment rate: 95.5%
may trabaho: 45.94 milyon
underemployment rate: 13.9%
underemployed: 6.39 milyon
labor force participation rate: 61.1%
Pagdausdos ng job quality
Kapansin-pansing tumaas ang mga underemployment sa pagbubukas ng 2024, o ‘yung porsyento ng mga manggagawa’t empleyadong naghahanap nang karagdagang oras sa trabaho o hindi kaya’y dagdag trabaho.
“The country’s underemployment rate in January 2024 was recorded at 13.9 percent,” dagdag pa ng PSA kanina.
“In terms of magnitude, about 6.39 million of the 45.94 million employed individuals expressed the desire to have additional hours of work in their present job or to have additional job, or to have a new job with longer hours of work in January 2024.”
Ayon sa Article 83 ng Labor Code, 40 oras kada linggo o walong oras kada araw ang karaniwang trabaho ng manggagawa o empleyado.