• December 19, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April 8th, 2024

Political amendment proposals, huwag pansinin

Posted on: April 8th, 2024 by @peoplesbalita No Comments
Hinikayat ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na huwag pansinin ang political amendment proposals ni presidential adviser at ex-senatorial candidate Larry Gadon.
“I urge Speaker Romualdez to completely disregard Gadon’s letter (proposing political amendments),” ani Rodriguez, chairman ng House committee on constitutional amendments.
Naniniwala ito na ibabasura din lamang ng pinuno ng Kamara ang naturang liham dahil matagal nang sinabi nito na sususortahan lamang ng kamara ang panukalang economic Charter reforms.
Bilang presidential adviser, sinabi nito na dapat pakinggan ni Gadon ang pahayag ng pangulo.
Matatandaan aniya na sa isinagawang speech ni Pangulong Marcos sa Philippine Constitution Association noong Pebrero 8, sinabi ng presidente na isinusulong lamang niya ang economic amendments.

isa si Rodriguez sa mga co-authors ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, na nagsusulong sa economic Charter change proposals na mag-aamyenda lamang sa probisyon ng public utility, higher education at advertising. Habang ang senate version naman ay RBH No. 6.

“As a co-author of RBH 7, I will never support political amendments,” ani Rodriguez.

Kabilang sa mga panukala ni Gadon na political amendment ay ang pagbabago sa termino ng mga local officials at kongreso mula tatlong taon sa anim na taon, kahalintulad sa termino ng President, Vice President at senators, upang magkakaroon lamang ng eleksyon tuwing anim na taon sa halip na kada tatlong taon. (Vina de Guzman)

April 10, idineklarang regular holiday ni PBBM para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr

Posted on: April 8th, 2024 by @peoplesbalita No Comments
IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na regular holiday ang April 10, araw ng Miyerkules, sa buong bansa bilang pagdiriwang ng Eid’l Fitr, o Feast of Ramadhan.
Sa pamamagitan ng Proclamation No. 514, idineklara ng Pangulo ang nasabing petsa na regular holiday “in order to bring the religious and cultural significance of the Eid’l Fitr to the fore of national consciousness.”
Aniya pa, idineklara niya ang Eid’l Fitr, o Feast of Ramadan na regular holiday upang pahintulutan ang buong sambayanang filipino na makiisa sa mga kapatid na Muslim sa kapayapaan at pagkakaisa.
Ang naturang proklamasyon ay nilagdaan ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, araw ng Huwebes, Abril 4, 2024. (Daris Jose)

PBBM, ipinag-utos ang adopsyon ng Nat’l Cybersecurity Plan 2023-2028

Posted on: April 8th, 2024 by @peoplesbalita No Comments
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang adopsyon at implementasyon ng National Cybersecurity Plan (NCSP) 2023-2028 para palakasin ang seguridad at katatagan ng cyberspace ng bansa.
Sa ilalim ng Under Executive Order (EO) 58 na tinintahan ni Pangulong Marcos nito lamang Abril 4, ang NCSP 2023-2028 na nilikha ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ay magsisilbi bilang “whole-of-nation roadmap for the integrated development and strategic direction of the country’s cybersecurity.”
Sa pamamagitan ng EO 58, binibigyan nito ng mandato ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan at instrumentalities na bumalangkas, mag-adopt at magpatupad ng kanilang cybersecurity plans at estratehiya na may kaugnayan sa kani-kanilang mga mandato, alinsunod sa NCSP 2023-2028.
Hinikayat naman ang Local government units (LGUs) na gawin din ito.
“Pursuant to its mandate under Section 15 of RA (Republic Act) 10844, the DICT formulated the National Cybersecurity Plan (NCSP) 2023-2028, which outlines the country’s policy direction and provides operational guidelines towards a trusted, secured, and resilient cyberspace for every Filipino,” ang nakasaad sa EO.
“It is imperative for all concerned national government agencies and instrumentalities, and local government units, to support and cooperate towards the successful implementation of the NCSP 2023-2028,” dagdag na pahayag ng EO.
Inatasan ang DICT na mag-adopt ng sistema para sa epektibong implementasyon, monitoring, at pagrerebisa ng NCSP 2023-2028, nababatay sa umiiral na batas, rules and regulations.
Ipinag-utos naman ng EO 58 sa DICT na makipagtulungan sa pribadong sektor sa pagbibigay ng kinakailangang technical assistance sa ibang ahensiya ng pamahalaan at tanggapan para sa implementasyon ng NCSP 2023-2028.
Ayon sa EO, kailangan na magsumite ng DICT sa Pangulo, sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary at National Cybersecurity Inter-Agency Committee, ng isang bi-annual report hinggil sa kalagayan at progreso ng implementasyon ng NCSP 2023-2028.
Ang budget na kakailanganin para sa implementasyon ng EO 58 ay huhugutin sa kasalukuyan at available na appropriations ng mga concerned agencies, iyon nga lamang ay “subject to pertinent budgeting, accounting, and auditing laws, rules and regulations.”
Ang kakailanganing pondo para sa pagpapatuloy ng implementasyon ng kautusan ay isasama sa General Appropriations Act, nakabatay sa karaniwang budget preparation process.
“The strengthening of security and resilience of the country’s cyberspace is one of the key strategies to ensure safety and security in cyber and physical spaces under the Philippine Development Plan 2023-2028,” ayon sa ulat.
Ang kopya ng EO 58 ay ipinalabas araw ng Sabado. Magiging epektibo ang kautusan sa oras na mailathala na sa Official Gazette o pahayagan na may general circulation.
(Daris Jose)