Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko ang plano at estratehiya ng gobyerno para patamlayin ang presyo ng kuryente sa gitna ng kasalukuyang mataas na demand ng elektrisidad.
Sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush interview sa Pikit, Cotabato, na walang artificial crisis sa power sector. Ang meron aniya ang bansa ay ang power system overload dahil sa dry spell.
Patuloy na mino-monitor ng gobyerno ang situwasyon dahil sa pagsirit ng demand, sinabi ng Pangulo, ang pagbibigay katiyakan sa mga tao na gagawin ng gobyerno ang lahat at isakatuparan ang mga hakbang para kontrolin ang presyo ng elektrisidad.
“Ang naging consumption natin biglang tumaas talaga dahil napaka init. Kaya’t nakabantay kami ng husto. Kaya naman nagkakaroon ng problema sa mga iba’t ibang sistema kaya namin tinututukan,” ang winika ng Pangulo.
“At ‘yung pagtaas ng [presyo]— mayroon kaming mga plano, mga strategy para hindi na magtaas ng presyo ng kuryente. At least for now, in this crisis time,” aniya pa rin.
Isa sa itinutulak ayon kay Pangulong Marcos ay ang hikayatin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na magtayo ng transmission lines na ipinangako nito para palakasin ang “much-needed electricity” lalo na sa mga lugar na hindi konektado sa grid.
Samantala, ang Pangulo ay nasa Cotabato para pangunahan ang inagurasyon ng Malitubog-Maridagao Irrigation Project Stage II (MMIP II). (Daris Jose)
NAGBAGO na ng atake at hakbang ang gobyerno para i-maximize ang suplay ng tubig sa gitna ng La Niña phenomenon na inaasahan na tatama sa maraming bahagi ng Mindanao sa huling bahagi ng taong kasalukuyan.
“Nagbago na talaga ang approach sa flood control, sa irrigation at lahat. Kaya’t ‘yun ang sinusundan namin ngayon,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos tanungin hinggil sa magiging tugon ng pamahalaan sa low-lying areas sa Cotabato at Maguindanao sa sidelines ng inagurasyon ng Malitubog-Maridagao Irrigation Project Stage II (MMIP II).
Winika ng Pangulo na aalamin ng pamahalaan ang partikular na magiging gamit ng tubig, kung ito’y para sa irigasyon, hydro, o gamit sa bahay.
“Ang approach ngayon, lahat ng ginagawa na ito kung mayroon isang kasama d’yan ang irrigation, kasama d’yan ang fresh water supply. Kasama d’yan ang flood control at kasama na d’yan ‘yung patubig na para sa mga magsasaka,” aniya pa rin.
Tinuran pa rin nito na maraming mga bagong teknolohiya ang akma sa magiging tugon ng pamahalaan sa La Niña phenomenon.
Kabilang sa mga ito ay ang paglikha o pagtatayo ng mas maraming dams na magtatampok sa multiple functions gaya ng pag-convert ng tubig para gamit sa bahay, para sa irigasyon, flood control at hydro-electric power. (Daris Jose)
NAPIGIL ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng biktima ng human trafficking nang tinangkang eskortan ng kanyang lalaking trafficker sa Davao City.
Ang biktima na isang babae ay ni-rescue sa Davao International Airport habang papasakay ito ng Scoot Airlines flight patungong Singapore.
Ayon sa biktima, biyaheng Singapore umano siya bilang turista kasama ang kanyang employer pero kalaunan ay inamin niya na ni-recruit lamang siya upang magtrabaho bilang katulong sa United Arab Emirates na hindi binanggit kung magkano ang suweldo.
Sinabi pa ng biktima na sinabihan siya ng kanyang lalaking escort na kunwaring katulong siya sa kanyang pagbabakasyon.
Pero base sa datos, nalaman na ang escort na lalaki ay mayroon nang dating kaso kung saan nag-sponsor na rin ito ng iba pang babae subalit walang datos kung kailan bumalik ang nasabing babae kung saan nalaman na ang babae ay inilipat sa Thailand.
Suspeta ng BI immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na gawain talaga ng nasabing escort na lalaki na nagrerecruit ng mga Filipino upang magtrabaho sa Middle East pero iniiwan na lamang niya ito sa ere.
“These traffickers dupe victims into agreeing to such schemes, only to leave them penniless in the middle of an unfamiliar foreign country,” ayon kay Tansingco. “Aspiring workers should never ever agree to such arrangements,” dagdag pa nito.
“We thank the IACAT for actively pursuing cases against these traffickers,”ayon pa kay Tansingco. “It makes our job meaningful because we know that these escorts are finally put behind bars,” pagtatapos nito. GENE ADSUARA
SUMAILALIM sa cesarean section ang Kapuso actress na si Yasmien Kurdi para maisilang ang ikalawa nilang anak ni Rey Soldevilla.
Sa Instagram, ibinahagi ni Yasmien ang ilang larawan sa ginawang procedure sa kanyang panganganak.
“After series of tests nalaman namin na manipis pa din pala ang CS scar ko even after 11 years – not a good indication. ‘Di na namin itinuloy because of many high-risk possible scenarios and we opted for CS the day I labored.
“We also found out during the procedure that the baby had a cord coil. It actually was a good call that we opted CS because if we tried VBAC [vaginal birth after cesarean section] we would have ended up doing CS still,” saad ni Yasmien.
Ang cord coil ay ang pagpulupot ng pusod ng baby sa leeg nito habang nasa loob ng sinapupunan, na maaaring magdulot ng komplikasyon sa kanilang pagsilang.
Nagpasalamat si Yasmien sa mga duktor na nag-asikaso sa kanila ng kaniyang baby.
“A #cesarean (C-Section) is a life saving procedure for women like me.. I chose to do whatever it took to get my baby out healthy and safe!” sey pa ng aktres.
Labing-isang taong gulang na ang panganay na anak nina Yasmien at Rey na si Ayesha.
Nobyembre noong nakaraang taon nang ibahagi nila na pagbubuntis muli ng aktres, at kamakailan ay inihayag nila na babae muli ang kanilang magiging pangalawang anak.
***
PUMIRMA na rin sa management ng Sparkle GMA Artist Center ang winner ng 2019 Bida Man ng ‘It’s Showtime’ na si Jin Macapagal.
Nakilala ang Cebuano hunk dahil sa husay nitong sumayaw at gusto nga raw niyang mag-explore pa sa kanyang career. Pang-leading man din ang dating ni Jin at may mababagayan siyang teleserye sa GMA.
Bago pa pumirma sa Sparkle si Jin, nakapag-guest na siya sa ‘TiktoClock’ at sa sitcom nila Dingdong Dantes at Marian Rivera na ‘Jose & Maria’s Bonggang Villa 2.0.’
***
NAKI-JOIN sa saya ang ‘My Guardian Alien’ lead stars na sina Kapuso Primetime Queen Marian Rivera, Gabby Concepcion, at Raphael Landicho sa Philippine Book Festival sa World Trade Center matapos officially i-launch noong April 26 ang much-awaited children’s book version ng GMA Prime drama na ‘My Guardian Alien.’
Ang storybook ng serye ay pinamagatang “Si Gren, Ang Kaibigan Kong Alien” na tungkol sa istorya ng magandang pagkakaibigan ng isang bata at ng isang alien na nais makarating sa Earth at makipaglaro sa kanya.
Sa pamamagitan ng children’s book na ito, nais hikayatin ni Marian ang mga kabataan na mahilig sa pagbabasa ng libro. Ayon sa kanya, ito rin ay isang magandang bonding para sa pamilya. Dahil dito, nag-donate rin ang Kapuso stars ng mga kopya ng storybook sa Nook Book project ng National Book Development Board of the Philippines.
Available na ang highly-anticipated children’s book na “Si Gren, Ang Kaibigan Kong Alien” sa GMA Store, Shopee, at Lazada.
(RUEL J. MENDOZA)
MAGPAPATUPAD ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng bagong iskedyul ng oras sa trabaho simula Mayo 2, 2024.
Ito’y matapos lagdaan ni Mayor John Rey Tiangco ang Executive Order (EO) No. JRT-016, na nagsasaad ng pagbabago ng oras ng trabaho sa pamahalaang lungsod mula 8am-5pm hanggang 7am-4pm alinsunod sa Metropolitan Manila Council (MMC) Resolution No. 24-08 , s. 2024.
“Apart from helping ease traffic congestion in Metro Manila, this change in work schedule will also give workers more time to spend with their families or pursue other meaningful endeavors,” ani Tiangco.
Ang mga departamento, opisina, at mga yunit na may shifting schedules tulad ng traffic management, emergency preparedness and response, at peace and order ay hindi sakop ng EO, upang matiyak ang patuloy na paghahatid ng serbisyo publiko.
Pananatilihin din ng mga coach ng NavotaAs Scholarship Program ang kanilang iskedyul, gayundin ang mga klase sa Navotas Polytechnic College at Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute.
Sa lahat ng pampublikong pasilidad sa kalusugan sa lungsod, tanging ang health center sa Brgy. Ang Tanza 2 at ang Navotas City Hospital ang magpapatakbo sa kanilang karaniwang iskedyul ng trabaho.
Mahigpit ding hinikayat ni Tiangco ang mga barangay sa lungsod na maglabas ng mga katulad na executive order na nagpapatupad o nagbabago ng kani-kanilang oras ng trabaho alinsunod sa Resolusyon ng MMC. (Richard Mesa)
WALANG ARTIFICIAL power crisis sa bansa sa kabila ng halos araw-araw na ang red at yellow alerts na idineklara sa Luzon at Visayas grids.
”No, it definitely is not an artificial crisis, dahil talagang the power systems are overloaded. Ang naging consumption natin biglang tumaas talaga, because of the, dahil napakainit,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang ambush interview sa Pikit, Cotabato.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na patuloy na mino-monitor ng gobyerno ang suplay ng kuryente sa bansa.
”We’re continuing to monitor the price and we’re continuing to encourage and to endorse all of the programs of NGCP (National Grid Corporation of the Philippines) so that they will increase the coverage of their transmission lines all over the country,” aniya pa rin.
Nauna rito, sinabi ng Department of Energy na ang April 2024 unplanned outages sa mahigit 32 power plants ay record-setting, mayroong 1,811 megawatts ng power lost o mahigit sa doble sa nakalipas na average na 700 megawatts ng power supply na nawala mula 2019 hanggang 2023.
Nauna rito, nanawagan ang mga mambabatas sa Kongreso ng masusing imbestigasyon ukol sa red at yellow power alerts sa Luzon at Visayas grids sa gitna ng unplanned outages ng mahigit sa 32 power plants.
“It is imperative to conduct a thorough investigation into the actions of generation companies during plant failures, to determine the extent of their responsibility in the current energy crisis and to hold them accountable for any exploitative practices that harm consumers,” ang sinabi ng mga mambabatas sa House Resolution 1690.
Sinabi ng mga miyembro ng Kongreso na dapat pagtibayin ang batas para iprayoridad ang consumer protection, tugunan ang ugat ng dahilan ng energy crisis, at ipatupad ang mga hakbang na pipigil sa ‘exploitation’ ng power shortages para sa profit o kita.
Samantala, ang mga naghain ng resolusyon ay House Deputy Minority Leader France Castro of ACT party-list, House Assistant Minority Leader Arlene Brosas of Gabriela party-list, at Kabataan party-list lawmaker Raoul Manuel. (Daris Jose)