• November 24, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for May 2nd, 2024

Panlaban sa init, Valenzuela naglagay ng mobile showers

Posted on: May 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

DAHIL sa sobrang init na nararanasan sa lungsod at kakulangan ng tubig sa ilang lugar, naglagay ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian ng dalawang mobile shower, sa ilalim ng kanyang “pWEStong Presko: Libreng Shower Ngayong Tag-init,” upang makatulong na makayanan ang kasalukuyang sitwasyon.

 

 

Ngayong taon, sunud-sunod na umabot sa mataas na heat index ang bansa. Bilang tugon, nakahanap ng paraan ang pamahalaang lungsod upang matulungan ang publiko.

 

 

Sa kabuuang halaga na PhP 12,750,000, bumili ang pamahalaang lungsod ng dalawang mobile shower at toilets na may kasamang apat na shower enclosure, apat na palikuran, handwash basin, at isang folding clothes rack sa bawat mobile shower. Ito ay karagdagan sa disaster response fleet ng lungsod na ipapakalat sa mga evacuation center. Araw-araw itong iikot sa bawat barangay upang ang Pamilyang Valenzuelanos na nakakaranas ng kakulangan sa tubig ay maari nilang magamit ng libre ang mga shower room.

 

 

“Ito pong dalawang mobile shower ay papaikutin po natin sa atin pong komunidad, at uumpisahan natin yan dito sa [Barangay] Parada. Libreng shower po ‘yan, libreng toilet… ito po ay iikot dahil po may mga komunidad tayo na medyo may kaunting power interruption, at hindi po sila makaligo dahil walang kuryente sa kanilang bahay. Kaya po sa pamamagitan po ng mobile shower natin, araw-araw [ay] papaikutin po natin… para po maiwasan natin ang sakit na mula sa heat wave na nararanasan natin ngayon.” mensahe ng Mayor Wes. (Richard Mesa)

ERC, pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng WESM para pagilan ang pagtaas ng presyo ng kuryente

Posted on: May 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments
PANSAMANTALANG sinuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang operasyon ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) sa ilalim ng deklarasyon na red alert ng systems operator na National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
“Dahil sa matinding init, tumataas ang konsumo ng kuryente na nakakadagdag sa pag-akyat ng presyo,” ito ang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagdiriwang ng ika-122 Araw ng Paggawa sa Palasyo ng Malakanyang.
“Kahapon lamang ay kumilos na ang Energy Regulatory Commission o ERC upang pansamantalang isuspende ang operasyon ng tinatawag na Wholesale Electricity Spot Market o WESM kapag may idineklarang Red Alert ang System Operator o NGCP. Ito ay naglalayon na pigilan ang pagtaas ng presyo ng kuryente sa gitna ng kalamidad na dulot ng El Niño,” ayon kay Pangulong Marcos.
Ang WESM, nilikha sa bisa ng Seksyon 30 ng Republic Act No. 9136, o mas kilala bilang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) of 2001, ay isang venue para sa trading electricity bilang commodity.
Dito ipinagbibili ng power generators ang kanilang “excess capacities” na hindi saklaw ng kontrata at kung saan makabibili ang mga customers ng karagdagang capacities’ maliban sa kanilang kontrata.
Nauna rito, tiniyak ng Malakanyang sa sa publiko ang mga plano at estratehiya ng gobyerno para mapababa ang presyo ng kuryente sa gitna ng kasalukuyang mataas na demand sa elektrisidad.
Sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam ng media sa Pikit, Cotabato nitong Lunes na walang artipisyal na krisis sa sektor ng kuryente.
Ang mayroon ang bansa, ayon sa kaniya, ay isang power system overload dahil sa dry spell.
Kaugnay rito, patuloy aniya na sinusubaybayan ng gobyerno ang sitwasyon dahil sa pagtaas ng demand sabay tiniyak na gagawa ang pamahalaan ng mga hakbang upang makontrol ang presyo ng kuryente.
Una nang hinimok ng pamahalaan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na magtayo ng transmission lines na inaasahang magpapalakas ng kinakailangang kuryente lalo na sa mga lugar na hindi konektado sa grid. (Daris Jose)

2 welder na ‘tulak’ laglag sa P340K droga sa Caloocan

Posted on: May 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments

DALAWANG welder na kapwa umano sangkot sa pagtutulak ng illegal na droga ang timbog sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Miyerkules ng madaling araw.

 

 

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang mga naarestong suspek na sina alyas “Mata” at alyas “Buyong”, kapwa residente ng lungsod.

 

 

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 51 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P346,800.00 at buy bust money na isang P500 bill at anim pirasong P1,000 boodle money.

 

 

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nakatanggap ng impormasyona ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation.

 

 

Nang makumpirma ang report, ikinasa ng SDEU ang buy bust operation na nagresulta sa mga suspek dakong alas-2:06 ng madaling araw sa BMBA Compound, Barangay 120, matapos bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

 

 

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

China warships, nilabag ang NOTAM habang isinasagawa ang PH-US-France WPS exercise -Balikatan executive agent Colonel Michael Logico

Posted on: May 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments
NILABAG ng Chinese warships ang notice to mariners (NOTAM) matapos mamataan habang isinasagawa ang maritime exercise ng naval forces ng Pilipinas, Estados Unidos at France sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Balikatan executive agent Colonel Michael Logico na ang report ay ipadadala sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) para sa posibleng diplomatic response.
“May na-violate sila syempre,” ayon kay Logico nang tanungin kung nalabag ng Chinese People’s Liberation Army Navy (PLAN) ang NOTAM nang makita ang presensiya ng Chinese warships sa naturang lugar.
Sinabi ni Logico na inaprubahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang NOTAM, ni-request ng Balikatan organizers para tiyakin ang kaligtasan habang isinasagawa ang maritime activity kabilang na ang gunnery exercise.
“That NOTAM is for their safety because we are also conducting gunnery exercises in the area. So for them to enter into our training area knowing fully well that we are conducting these types of activities, it was a big risk on their part for them to do that,” ayon kay Logico.
“Chinese PLAN Navy vessels with bow numbers 167 and 793 were seen during the conduct of the exercises,” dagdag na pahayag ni Logico.
Nito lamang April 22, opisyal na sinimulan ng Pilipinas at Estados Unidos ang kanilang taunang joint military exercise o Balikatan para ngayong taon.
Bilang bahagi ng Balikatan, ang mga Navy ng Pilipinas, Estados Unidos at France ay nagsagawa ng kanilang unang multilateral maritime exercise mula April 25 hanggang 29.
Nakiisa ang mga nagpartisipa sa gun exercise (GUNNEX) para sa kanilang “live-fire capabilities at communication skills.” (Daris Jose)

PBBM, ipinag-utos na rebisahing mabuti ang minimum wage rates

Posted on: May 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments
NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagrerepaso o pagsusuri sa minimum wage rates sa bawat rehiyon.
Ang direktibang ito ng Pangulo ay bahagi ng kanyang naging talumpati ngayong araw, Mayo 1, kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day o Araw Ng Manggagawa sa isang President event sa Palasyo ng Malakanyang.
Sa kanyang Labor Day message, kinilala ni Pangulong Marcos ang napakahalagang pagsisikap ng mga manggagawang Filipino hindi lamang sa pagbibigay sa pangangailangan ng kanilang pamilya kundi ang tanging ambag ng mga ito sa development o pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas.
Tinuran pa ng Pangulo na ang Pilipinas ay nakatayo ”upon the sweat and toil of Filipino workers as he acknowledged the people who championed labor rights.”
“On this special day, we recognize the invaluable contributions of our hardworking men and women whose grit and resilience have paved the way for our national development,” ayon sa Pangulo.
”We also pay homage to all the people who raised their voices in the pursuit of social justice, championing the rights of workers and ensuring that their efforts are duly valued and compensated,” dagdag na wika nito.
Samantala, idineklara naman ni Pangulong Marcos ang May 1 bilang regular holiday alinsunod sa Proclamation No. 368 na may petsang October 11, 2023.  (Daris Jose)

PBBM, magpapaabot ng tulong sa mga manggagawang tinamaan ng EL Niño

Posted on: May 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments
Makatatanggap ng financial assistance mula sa gobyerno ang mga manggagawa sa agrikultura at iba pang sektor na labis na naapektuhan ang kanilang pananim at iba pang ‘sources of income’ ng El Niño phenomenon.
Bahagi ito ng nagpapatuloy na aid program ng pamahalaan sa gitna ng nagpapatuloy na tag-tuyot.
“Sa susunod na araw ay magpapaabot tayo ng tulong pinansyal sa mga lubhang naapektuhan ng El Niño sa buong bansa – yaong mga nasiraan ng pananim at kabuhayan dahil sa tagtuyo’t,” ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang naging talumpati sa idinaos na ika-122 Labor Day commemoration sa Palasyo ng Malakanyang, araw ng Miyerkules.
Pinangunahan din ng Pangulo ang 50th anniversary ng promulgasyon o proklamasyon ng Labor Code of the Philippines, ipinalabas noong May 1, 1974 ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Sa kabilang dako, nakatanggap naman ang Pangulo ng commemorative stamps para sa 50th anniversary ng paglagda sa Labor Code of the Philippines.
Tinuran ng Chief Executive na ang financial assistance na ipagkakaloob sa mga manggagawang apektado ng El Niño phenomenon ay karagdagan lamang sa nagpapatuloy na programa ng Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Labor and Employment (DOLE).
Tiniyak ng Pangulo na ipaprayoridad ng gobyerno ang pagtulong sa mga naapektuhan sa Mindanao.

PBBM sa mga manggagawang pinoy: ‘KAYO ANG PUSO AT KALULUWA NG ATING LAKAS-PAGGAWA; KAYO ANG MUKHA NG BAGONG PILIPINAS’

Posted on: May 2nd, 2024 by @peoplesbalita No Comments
PINARANGALAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga manggagawang filipino habang pinangunahan ang ika-122 Labor Day Commemoration at ika-50 taong anibersaryo ng proklamasyon ng Labor Code of the Philippines (LCP).
Sa naging talumpati ng Pangulo sa nasabing pagdiriwang sa Palasyo ng Malakanyang, nagpaabot ng pasasalamat ang Pangulo sa mga Filipinong manggagawa sa Pilipinas at sa ibang bansa para sa kanilang dedikasyon at matibay na suporta para sa kanilang pamilya at mahal sa buhay, nagdala ng mahalagang kontribusyon sa ekonomiya ng Pilipinas.
“Sa lahat ng mga manggagawang Pilipino, muli ako’y nagpapasalamat sa inyo. Kayo ang puso at kaluluwa ng ating lakas-paggawa, ang nagsusulong ng ating tagumpay, at ang dahilan kung bakit patuloy tayong nangangarap para sa isang mas maliwanag na bukas,” ayon kay Pangulong Marcos.
“Kayo ang mukha ng Bagong Pilipinas—magagaling, masisipag, at punong-puno ng dedikasyon—kaya’t nararapat lamang na bigyan ng dangal, respeto, at paghahanga. Umasa po kayo na ang mga manggagawang Pilipino, sa loob o labas man ng bansa, ay patuloy na aalagaan ng pamahalaan,” dagdag na wika nito.
‘special mention’ para sa Pangulo ang ika-50 anibersaryo ng labor legislation na ipinalabas ng kanyang ama, dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Ang Presidential Decree No. 442, o Labor Code of the Philippines, ay ipinalabas noong May 1, 1974.
Samantala, mainit na tinanggap ni Pangulong Marcos ang mga manggagawang Filipino sa Malakanyang kasama ang ibang mga opisyal mula sa gobyerno at development partners sa pangunguna ng International Labour Organization (ILO).
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang Pangulo sa mga ito at kinilala ang kanilang kontribusyon hindi lamang para-i-promote ang magandang relasyon sa labor sector, kundi maging sa kanilang patuloy na suporta at partisipasyon upang maging malakas ang ekonomiya ng bansa. (Daris Jose)