MULING nagkaroon ng reunion ang cast ng ‘90s sitcom na ‘Homes Along Da Riles.’ This time ay nasorpresa sila sa biglang pagdating ni Cita Astals.
Nag-iyakan at niyakap si Cita nina Claudine Barretto, Nova Villa, Smokey Manaloto, Vandolph Quizon, Gio Alvarez, Boy 2 Quizon at Maybelyn dela Cruz. Makikita sa mukha ni Cita ang pagkasabik na muling makita ang kanyang tinuring na second family.
Ginampanan ng former Manila councilor ang role na Hillary na boss ni Kevin Cosme (Dolphy) sa HADR mula 1992 hanggang 2003. Noong 2009 ay dumaan sa matinding depression si Cita at kinailangan niyang magpa-rehab.
Sa vlog ni Julius Babao ay nahanap niya si Cita at nakatira ito sa Cavite. Simple na ang pamumuhay niya pero hiling niyang makabalik ulit sa pag-arte sa TV at pelikula.
Noong gumawa ng ASOKA Tiktok video ang cast, kasama na si Cita at nakakuha ito ng 3.1 million views.
Ayon kay Maybelyn, unti-unti nang nabubuo ang kanilang pamilya at sa next reunion nila ay makasama na nila sana ang ibang cast members tulad nila Ces Quesada, Dang Cruz, Sherilyn Reyes, Aurora Halili, Joymee Lim at Erick Fife.
Bukod kay Mang Dolphy, ang iba pang pumanaw na cast members ay sina Bernardo Bernardo, Babalu, Carding Castro, Tommy Angeles at Boyong Baytion.
***
NABAHALA ang bida ng ‘Lilet Matias: Attorney-At-Law’ na si Jo Berry dahil sa rami ng pekeng accounts niya sa X (formerly Twitter).
Nilinaw ng Kapuso actress na hindi sa kanya ang X accounts na may pangalang Lilet Matias.
Sa Instagram stories, tinukoy ni Jo na hindi siya ang may hawak sa accounts na may username na @AttyLiletMatias at @juanderpet_. Ang dalawang account ay may pangalang ‘Atty. Lilet Matias.’
“HINDI PO SA AKIN ANG MGA ACCOUNT NATO!” paglilinaw ni Jo sa IG Stories.
Sa official X account ni Jo na may username na @thejoberry_, nilinaw niya rin sa Kapamilya actress na si Maris Racal na Hindi siya ang nasa likod ng naunang nabanggit na account.
May post kasi ang @AttyLiletMatias kung saan makikita ang litrato nina Jo at Maris at may caption na: “With @MissMarisRacal. It’s so nice to finally meet you, Irene. I’m a fan of Can’t Buy Me Love.”
Ni-retweet ito ni Maris at sinabing, “Atty Lilet, nice to meet you! bat mo naman inedit mukha ko. pero hi po!”
Mabilis na nag-reply si Jo kay Maris sa opisyal neighing X account na “Hi hindi akin account yan hehe.”
***
MARAMI na ang nag-aabang sa documentary ni Canadian singer Celine Dion na “I Am: Celine Dion” na tungkol sa pakikipaglaban niya sa Stiff Person Syndrome since 2022.
Sa trailer na inilabas ng Prime Video, ipinakita ang pagiging emosyonal ng legendary singer kaugnay ng kanyang pinagdadaanan na “very rare neurological disorder.”
Ayon kay Celine: “I wasn’t ready to say anything before, but I’m ready now.”
Kasama sa docu ang footage ng gamot na kanyang iniinom at physical therapy. Masakit din daw sa loob ni Celine ang pagkansela ng concert tour niya dahil sa sakit niya.
“I miss it so much. The people. I miss them. If I can’t run, I’ll walk, if I can’t walk, I’ll crawl. I won’t stop,” sey ni Celine na sa June 25 na ipapalabas sa Prime Video ang I Am Celine Dion.
(RUEL J. MENDOZA)