Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
“WALANG sikretong hindi nabubunyag!”
Ito ang sinabi ni Sen. Risa Hontiveros matapos kumpirmahin ng National Bureau of Investigation (NBI) na magkatugma ang fingerprints nina Mayor Alice Guo at Guo Hua Ping.
“Ibig sabihin, they are the fingerprints of one & the same person,” ani Hontiveros.
Kumpirmado na aniya na isang pekeng Pilipino si Guo.
“Kinukumpirma nito ang pinaghihinalaan ko sa lahat ng panahon. Pekeng Pilipino si “Mayor Alice” — or should I say, Guo Hua Ping. Siya ay isang Chinese national na nagbabalatkayo bilang Filipino citizen para mapadali ang mga krimen na ginagawa ng POGO,” ani Hontiveros.
Napakalaking insulto aniya ito sa mga botante ng Bamban, sa mga institusyon ng gobyerno, at sa bawat mamamayang Pilipino.
Ito na aniya ang pinakamabigat na ebidensya para palayasin na sa pwesto si Guo.
“Salamat sa NBI sa pamumuno ni Dir. Jaime Santiago sa mabilis nilang pagkilos. Nananawagan ako sa Opisina ng Solicitor General na bilisan ang pagsasampa nito ng quo warranto case laban sa kanya. Dapat mapanagot siya sa lahat ng krimen na ginawa niya at ng kanyang POGO hub,” ani Hontiveros.
“Ang paghahayag na ito ay hindi ang wakas. Guo Hua Ping, sa lalong madaling panahon, malalaman namin ang buong lawak ng iyong panlilinlang. Magpapatuloy ang aming imbestigasyon sa Senado. Maghuhukay tayo ng mas malalim at hahanapin ang mga sistematikong ugat ng ating problema sa POGO,” dagdag ni Hontiveros. (Daris Jose)