DAHIL si Senator Robin Padilla ang gaganap bilang si dating Senador Gringo “Greg” Honasan sa pelikula tungkol sa buhay nito, tinanong namin siya kung ano ang pagkakapareho nila.
“Siyempre alam niyo po, iyong isang, isang bagay… marami pong pagkakahawig kasi pinipilit kong ihawig, talagang idol po namin siya, e,” lahad ni Robin.
“Pero yung sa talagang hindi po talaga…kahit siguro kambal, yung pagmamahal po sa bayan talaga! Iyon po yung talagang, kahit matagal po kaming hindi magkita ni Sir Greg, taon, basta nakita ko si Sir Greg talagang pati paa ko po talagang nakasaludo diyan.
“Dahil ganun po talaga kataas yung tingin namin sa kanya. Dahil bihira po yung binigyan ng ganung pagkakataon na hanggang ngayon ikinakapit ko po sa sarili ko, binigay sa kanya yung pagkakataon para… kahit Presidente ng Pilipinas kaya niyang gawin iyon, e.
“Pero hindi niya ginawa, talagang yung kanya, unahin natin ang ating bayan.
“Siguro iyon po talaga ang pinakamatindi.
“Bukod po yung lahat ibibigay namin sa asawa namin.
“Asawa po ha, asawa,” ang nakangiting wika pa ni Robin.
Sa buhay ng dating Senador, ano ba ang pinakagusto ni Robin na maihayag sa pelikula?
“Nung naglalahad ang mga direktor ng istorya, siyempre pag pinag-uusapan yung gusto mong gampanan, kasi iba din yung buhay ni Sir Greg nung lumalaban siya sa bundok.
“Iba yun! Kasi doon siya naging legend e, nung panahon na talagang sa giyera. Kaya lang hindi na tugma sa edad ko.”
Noong lumaban sa giyera si dating Senador Gringo noong sundalo pa ito noong early 70’s ay batambata pa ito kaya hindi bagay o akma sa edad ni Robin ngayon kung siya rin ang gaganap sa papel ng binatang Gringo.
Pinamagatang Gringo: The Gregorio Honasan Story (An Ordinary Man Thrust Into Extraordinary Circumstances) at mula sa panulat ng Palanca award-winning writer na si Eric Ramos, dalawa ang direktor ng pelikula sina Lester Maranan at Abdel Langit sa ilalim ng Borracho Films ni Atty. Ferdie Topacio.
Executive producer ng pelikula ang dating DENR (Department of Environment and Natural Resources) Secretary Mike Defensor.
Isasali ang pelikula sa 50th Metro Manila Film Festival sa Disyembre.
***
ANG 24 year-old recording artist na si Arthur Miguel ay mula sa San Jose Del Monte, Bulacan.
Unang nakilala sa kanyang song covers, hanggang matutong sumulat at mag-produce mga original na kanta bilang ekspresyon ng kanyang saloobin at ng mga taong hindi kayang ihayag ang kanilang nadarama.
Ilan sa mga nag-trending niyang awit ay ang “Lihim” na may 39.1M streams sa Spotify at “Ang Wakas” na unang nakilala sa Tiktok at may 50.7M streams sa Spotify.
Sa ngayon ay nasa pangangalaga siya ng Warner Music Philippines upang lumikha pa ng mga madamdaming kanta.
Tinanong si Arthur kung ano ang edge o kalamangan niya sa ibang mga mang-aawit ngayon.
Pahayag niya, “Hindi ko po siya naiisip kasi ano e, ano’ng tawag dito, iyon nga gusto ko lang talaga, I mean as an artist gusto ko lang talagang maka-relate yung people.
“Hindi ko iniisip if magti-trend ba itong song na ito or something. Basta ang gusto ko, makinig sila sa akin.
“And siguro, yung pinaka-unique lang about myself is kung paano ko iparating yung song na parang like… yung mga hugots, ganun!
“Kung paano ko sila like, kasi from the very bottom of the heart talaga yung mga lyrics na nilalagay ko.
“Siguro iyon yung uniqueness ko na parang ‘pag pinakinggan mo yung lyrics na ito or yung melody na ito, parang masasabi nila parang, ‘Oh my God, si Arthur Miguel ito kasi ganito yung tunog.’
“Parang ganun po.”
May five-track EP si Arthur ngayon, ang “MU” na ang carrier single ay ang “Malabong Ugnayan” tampok ang tinaguriang bedroom pop star na si Jikamarie.
Nasa EP rin ang apat na B-side tracks; “Isaoras”, “GHINOST”, “Dati”, at “Maling Panahon”.
Ang “MU” ay available na sa mga digital streaming platforms tulad ng Spotify, Apple Music at Youtube Music.
Maaring i-follow si Arthur sa mga sumusunod na social media accounts: https://www.facebook.com/arthurmiguelofficial, https://twitter.com/arthurmiguelii, https://www.instagram.com/arthurmiguel at sa https://www.youtube.com/channel/arthurmiguel
(ROMMEL L. GONZALES)