ISINUMITE na kahapon (Hulyo 29) ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kamara ang P6.352 trilyong panukalang pondo para sa susunod na taon.
Ang 2025 National Expenditure Program ay pormal na isinumite ni Budget Secretary Amenah Pangandaman kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez at iba pang mga opisyal ng Kamara.
Sa bisperas ng pagsusumite ng NEP, sinabi ni Romualdez na handa ang Kamara upang tanggapin ito at agad na sisimulan ang deliberasyon nito sa komite.
“We will make sure that enough funds will be allocated for social services and for programs that will sustain our economic growth,” ayon kay Romualdez.
Sinabi ng lider ng Kamara na masusing pag-aaralan ang panukalang budget at gagamitin ang oversight function nito para masiguro na tama ang ginagawang paggastos dito ng mga ahensya ng gobyerno.
Ang bersyon na isusumite umano ng Kamara, ayon kay Romualdez ay nakalinya sa mga prayoridad at Agenda for Prosperity ni Pangulong Marcos kung saan target itong maaprubahan bago mag-recess ang sesyon sa Oktubre. ( Daris Jose)