MISMONG si Vice President Sara Duterte ang kumumpirma na may nilulutong impeachment complaint laban sa kanya sa House of Representatives (HOR).
Ayon kay Duterte, mayroon pa naman silang mga kaibigan sa Kamara na nagpaparating sa kanila ng balita.
Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos dumalo sa budget hearing ng panukalang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP).
Sinabi rin ni Duterte na hinihintay lamang nila ang susunod na gagawin ng mga gustong magpabagsak sa kanilang pamilya.
“Basta kami inaantay lang namin ang kanilang gagawin dahil expected na ‘yun na gagawin nila dahil gusto nilang pabagsakin ang pamilya Duterte sa pulitika. Hindi lang sa pulitika, sa personal dahil sinama nila asawa ko sa harassment nila,” anang bise presidente.
Ang nilulutong impeachment laban sa kaniya ay bahagi lamang ng “playbook” laban sa kanilang pamilya.
Ayon pa kay Duterte, ang ginagawa sa kaniyang pamilya ay bahagi ng isinusulong na Charter Change kung saan nais umano ng mga nakaupo ngayon na huwag nang umalis sa puwesto.
Matatandaan na kinasuhan ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa Department of Justice (DOJ) ng drug smuggling si Davao City 1st district Rep. Paolo “Pulong”Duterte, Atty. Mans Carpio at dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon.
Nag-ugat ang kaso sa P6.4 bilyong halaga ng shabu shipment na nasabat noong 2017. (Daris Jose)